Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Isaias 42:1-9

Ang Lingkod ni Yahweh

42 Sinabi(A) (B) ni Yahweh,
    “Narito ang lingkod ko na aking hinirang;
    ang aking pinili at lubos na kinalulugdan;
ibinuhos ko sa kanya ang aking Espiritu,
    at siya ang magpapairal ng katarungan sa mga bansa.
Hindi siya makikipagtalo o makikipagsigawan,
    ni magtataas ng boses sa mga lansangan.
Ang marupok na tambo'y hindi niya babaliin,
    ilaw na aandap-andap hindi niya papatayin;
katarungan para sa lahat ang kanyang paiiralin.
Hindi siya mawawalan ng pag-asa o masisiraan ng loob,
    hangga't katarungan ay maghari sa daigdig;
    ang malalayong lupain ay buong pananabik na maghihintay sa kanyang mga turo.”

Ang(C) Diyos na si Yahweh ang lumikha ng kalangitan,
    nilikha rin niya ang lupa at nagbigay-buhay sa lahat ng bagay dito sa daigdig,
kaya't sinabi ng Diyos na si Yahweh sa kanyang lingkod,
“Akong(D) si Yahweh ang tumawag sa iyo sa katuwiran,
    binigyan kita ng kapangyarihan upang pairalin ang katarungan sa daigdig.
Sa pamamagitan mo ay gagawa ako ng kasunduan sa lahat ng tao,
    at sa pamamagitan mo'y dadalhin ko ang liwanag sa lahat ng bansa.
Ikaw ang magbubukas sa mga mata ng mga bulag
    at magpapalaya sa mga bilanggo ng kadiliman.
Ako si Yahweh; 'yan ang aking pangalan;
    walang makakaangkin ng aking karangalan;
    ang papuri'y sa akin, hindi sa diyus-diyosan.
Ang mga dating pahayag ko ay natupad na.
Mga bagong bagay ang sasabihin ko ngayon bago pa mangyari ang mga ito.”

Mga Awit 29

Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos

Awit ni David.

29 Purihin(A) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
    kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
    sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
    ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
    umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
    at punung-puno ng kadakilaan.

Maging mga punong sedar ng Lebanon,
    sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
    parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.

Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
    inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
    at nakakalbo pati ang mga gubat,
    lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”

10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
    nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
    at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.

Mga Gawa 10:34-43

Nangaral si Pedro

34 At(A) nagsalita si Pedro, “Ngayon ko lubusang nauunawaan na walang itinatangi ang Diyos. 35 Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit tagasaan mang bansa. 36 Ibinigay ng Diyos ang kanyang salita sa mga Israelita. Ipinahayag niya sa kanila ang Magandang Balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na siyang Panginoon ng lahat! 37 Alam ninyo ang pangyayaring naganap sa buong lupain ng mga Judio, na nagsimula sa Galilea pagkatapos na ipangaral ni Juan ang mensahe tungkol sa bautismo. 38 Alam ninyo ang tungkol kay Jesus na taga-Nazaret at kung paanong pinili siya ng Diyos at pinuspos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan. Alam din ninyo na pumunta siya sa iba't ibang dako upang gumawa ng kabutihan sa mga tao at pagalingin ang lahat ng pinapahirapan ng diyablo. Nagawa niya ang mga ito sapagkat kasama niya ang Diyos.

39 “Saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Siya'y pinatay nila; siya ay ipinako nila sa krus[a]. 40 Ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw at hinayaang ipakita ang sarili, 41 hindi sa lahat ng tao, kundi sa amin na mga pinili ng Diyos bilang mga saksi na nakasama niyang kumain at uminom pagkatapos na siya'y muling mabuhay. 42 Inatasan niya kaming mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at mga patay. 43 Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na ang bawat sumampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

Mateo 3:13-17

Binautismuhan si Jesus(A)

13 Dumating si Jesus sa Ilog Jordan mula sa Galilea upang magpabautismo kay Juan. 14 Ngunit tinangka ni Juan na pigilan siya at sinabi, “Ako po ang dapat magpabautismo sa inyo! Bakit kayo nagpapabautismo sa akin?” 15 Subalit sumagot si Jesus, “Hayaan mong ito ang mangyari ngayon, sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos.” Kaya't pumayag din si Juan. 16 Nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig. Nabuksan ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang isang kalapati at dumapo sa kanya. 17 At(B) isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!”