Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 40:6-17

Ang(A) mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
    hindi mo na ibig sa dambana dalhin, handog na sinusunog at mga kaloob
    hindi mo naisin, upang sala'y iyong patawarin.
Sa halip, ang iyong kaloob sa akin ay pandinig ko upang ika'y dinggin.
    Kaya ang tugon ko, “Ako'y naririto;
    nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi'y iyong kalooban;
    aking itatago sa puso ang aral.”

Ang pagliligtas mo'y aking inihayag,
    saanman magtipon ang iyong mga anak;
    di ako titigil ng pagpapahayag.
10 Ang pagliligtas mo'y ipinagsasabi,
    di ko inilihim, hindi ko sinarili;
pati pagtulong mo't pag-ibig na tapat,
    sa mga lingkod mo'y isinisiwalat.

11 Aking nalalamang di mo puputulin, Yahweh, ang iyong pagtingin sa akin;
    wagas mong pag-ibig at iyong katapatan, mag-iingat sa akin magpakailanpaman.

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos(B)

12 Kay rami na nitong mga suliranin,
    na sa karamiha'y di kayang bilangin.
Alipin na ako ng pagkakasala,
    na sa dami, ako'y di na makakita;
higit pa ang dami sa buhok sa ulo,
    kaya nasira na pati ang loob ko.
13 Nawa ay kalugdan, na ako'y tulungan! Yahweh, ngayon na, ako'y pakinggan.
14 Nawa ang may hangad na ako'y patayin,
    bayaang malito't ganap na talunin.
Yaong nagagalak sa suliranin ko,
    hiyain mo sila't bayaang malito!
15 Silang nangungutya sa aki'y bayaang
    manlumo nang labis, nang di magtagumpay!

16 Silang lumalapit sa iyo'y dulutan
    ng ligaya't galak na walang kapantay;
bayaang sabihing: “Si Yahweh ay Dakila!”
    ng nangaghahangad maligtas na kusa.

17 Ako ma'y mahirap at maraming kailangan,
    subalit hindi mo kinalilimutan.
Ikaw ang tulong ko, at tagapagligtas—
    Yahweh, aking Diyos, huwag ka nang magtagal!

Isaias 48:12-21

Si Ciro ang Pinunong Pinili ni Yahweh

12 Sinabi(A) ni Yahweh,
“Makinig ka sa akin, O Israel, bayang aking hinirang!
Ako lamang ang Diyos;
    ako ang simula at ang wakas.
13 Ako ang lumikha sa pundasyon ng daigdig,
    ako rin ang naglatag sa sangkalangitan;
kapag sila'y aking tinawag, agad silang tutugon.

14 “Magsama-sama kayo at makinig!
Walang nakaaalam isa man sa mga diyus-diyosan,
    na ang hinirang ko ang lulusob sa Babilonia;
    at gagawin niya ang lahat ng ipapagawa ko.
15 Ako ang tumawag sa kanya,
    pinatnubayan ko siya at pinagtagumpay.

16 Kayo ay lumapit at pakinggan ang aking sasabihin.
    Sa mula't mula pa'y hayagan ako kung magsalita
    at ang sabihin ko'y aking ginagawa.”
Sa kapangyarihan ng espiritu ng Panginoong Yahweh, ako'y kanyang sinugo.

Ang Plano ni Yahweh sa Kanyang Bayan

17 Ganito ang sabi ng Banal na Diyos ng Israel,
    ni Yahweh na sa iyo'y tumubos:
“Ako ang iyong Diyos na si Yahweh.
    Tuturuan kita para sa iyong kabutihan,
    papatnubayan kita sa daan na dapat mong lakaran.

18 “Kung sinusunod mo lang ang aking mga utos,
    pagpapala sana'y dadaloy sa iyo,
    parang ilog na hindi natutuyo ang agos.
Tagumpay mo sana ay sunud-sunod,
    parang along gumugulong sa dalampasigan.
19 Ang iyong lahi ay magiging sindami sana ng buhangin sa dagat,
    at tinitiyak kong hindi sila mapapahamak.”

20 Lisanin(B) ninyo ang Babilonia, takasan ninyo ang Caldea!
Buong galak na inyong ihayag sa lahat ng lugar
    na iniligtas ni Yahweh ang lingkod niyang si Israel.
21 Nang patnubayan ni Yahweh ang bayang Israel, sa pagtawid sa malawak at mainit na disyerto,
    hindi ito nauhaw bahagya man
    sapagkat binutas niya ang isang malaking bato, at ang tubig ay bumukal.

Mateo 9:14-17

Tinanong si Jesus tungkol sa Pag-aayuno(A)

14 Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo, at siya'y tinanong, “Kami po ay [madalas][a] mag-ayuno, gayundin ang mga Pariseo, ngunit bakit hindi po nag-aayuno ang inyong mga alagad?” 15 Sumagot siya, “Dapat bang malungkot ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na ito, saka pa lamang sila mag-aayuno.

16 “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang kasuotan. Sapagkat kapag umurong ang bagong tela, mababatak nito ang tinagpian at lalong lalaki ang punit. 17 Wala ring nagsasalin ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, puputok ang balat, matatapon ang alak, at mawawasak ang sisidlan. Sa halip, isinasalin ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat; at sa gayon, kapwa ito nagtatagal.”