Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
40 Sa Diyos na si Yahweh, mat'yagang naghintay,
ang aking panaghoy, kanyang pinakinggan;
2 sa balong malalim na lubhang maputik,
iniahon niya at doo'y inalis.
Ligtas na dinala sa malaking bato,
at naging panatag, taglay na buhay ko.
3 Isang bagong awit, sa aki'y itinuro,
papuri sa Diyos, ang awit ng puso;
matatakot ang bawat makakasaksi,
at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.
4 Mapalad ang taong, kay Yahweh'y tiwala,
at sa diyus-diyosa'y hindi dumadapa;
hindi sumasama sa nananambahan, sa mga nagkalat na diyus-diyosan.
5 Yahweh, aking Diyos, wala kang katulad
sa maraming bagay na iyong ginanap;
kung pangahasan kong sabihin ang lahat,
nangangamba akong may makalimutan.
6 Ang(A) mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
hindi mo na ibig sa dambana dalhin, handog na sinusunog at mga kaloob
hindi mo naisin, upang sala'y iyong patawarin.
Sa halip, ang iyong kaloob sa akin ay pandinig ko upang ika'y dinggin.
7 Kaya ang tugon ko, “Ako'y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
8 Ang nais kong sundi'y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”
9 Ang pagliligtas mo'y aking inihayag,
saanman magtipon ang iyong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.
10 Ang pagliligtas mo'y ipinagsasabi,
di ko inilihim, hindi ko sinarili;
pati pagtulong mo't pag-ibig na tapat,
sa mga lingkod mo'y isinisiwalat.
11 Aking nalalamang di mo puputulin, Yahweh, ang iyong pagtingin sa akin;
wagas mong pag-ibig at iyong katapatan, mag-iingat sa akin magpakailanpaman.
30 Matapos igawad ni Isaac ang kanyang basbas, umalis si Jacob. Siya namang pagdating ni Esau na may dalang usa. 31 Niluto niya ito nang masarap at dinala sa ama. Sinabi niya, “Maupo kayo, ama, at kainin ninyo ang dala kong pagkain upang ako'y inyong mabasbasan.”
32 “Sino ka ba?” tanong ni Isaac.
“Si Esau po, ang inyong panganay,” tugon naman niya.
33 Nanginig ang buong katawan ni Isaac. Sabi niya, “Kung gayo'y sino ang naunang nagdala sa akin ng pagkain? Katatapos ko lang kumain nang ika'y dumating. Binasbasan ko na siya at tataglayin niya iyon magpakailanman.”
34 Humagulgol ng iyak si Esau nang marinig ito at nagmamakaawa, “Basbasan din po ninyo ako, ama!”
35 Ngunit sinabi ni Isaac, “Nilinlang ako ng iyong kapatid kaya nakuha niya ang basbas ko para sa iyo.”
36 Nagsalita(A) si Esau, “Dalawang beses na niya akong dinaya, kaya pala Jacob[a] ang kanyang pangalan! Kinuha na niya ang aking karapatan bilang panganay, at ngayo'y inagaw niya pati ang basbas na ukol sa akin! Wala na ba kayong nalalabing basbas para sa akin?”
37 “Wala na akong magagawa, anak,” sagot ni Isaac. “Siya'y panginoon mo na ngayon; ginawa ko nang alipin niya ang kanyang mga kamag-anak. Ibinigay ko na sa kanya ang kasaganaan sa pagkain at inumin, kaya wala nang nalalabi para sa iyo.”
38 Ngunit(B) patuloy na nagmamakaawa sa kanyang ama si Esau, “Talaga bang iisa lang ang inyong basbas, ama? Basbasan na rin ninyo ako.” At patuloy siyang nanangis.
1 Mahal kong Teofilo,
Sa(A) aking unang aklat ay isinalaysay ko ang lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus buhat sa pasimula 2 hanggang sa araw na siya'y umakyat sa langit. Bago siya umakyat, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay nag-iwan siya ng mga bilin sa kanyang mga apostol na kanyang hinirang. 3 Sa loob ng apatnapung araw pagkatapos ng kanyang pagkamatay, nagpakita siya sa kanila at sa pamamagitan ng maraming katibayan ay pinatunayan niyang siya'y buháy. Nagturo siya sa kanila tungkol sa paghahari ng Diyos. 4 Samantalang(B) siya'y kasama pa nila, pinagbilinan sila ni Jesus, “Huwag muna kayong aalis sa Jerusalem. Sa halip, hintayin ninyo roon ang ipinangako ng Ama na sinabi ko na sa inyo. 5 Si(C) Juan ay nagbautismo sa tubig, ngunit di magtatagal at babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.”
by