Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin para sa Hari
Katha ni Solomon.
72 Turuan mo po ang haring humatol nang makat'wiran,
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan;
2 nang matuwid na tuparin tungkulin sa iyong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
3 Ang lupain nawa niya'y umunlad at managana;
maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.
4 Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap,
mga nangangailangan, pag-ukulan ng paglingap;
at ang nang-aapi ay lupigin at ibagsak.
5 Nawa sila ay maglingkod, silang lahat mong hinirang,
hangga't araw sumisikat, hangga't buwa'y sumisilang.
6 Ang hari sana'y matulad sa ulan ng kaparangan;
bumubuhos, dumidilig sa lahat ng nabubuhay.
7 At ang buhay na matuwid sa kanyang kapanahunan,
maghari sa bansa niya't umunlad kailanpaman.
8 Nawa(A) kanyang kaharian ay lubusan ngang lumawak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
9 Sa harap niya ay susuko mga taong nasa ilang;
isubsob nga sa lupa, lahat ng kanyang kaaway.
10 Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya, maghahandog ng kaloob upang parangalan siya.
Pati rin ang mga hari ng Arabia at Etiopia, may mga kaloob ding ibibigay sa kanya.
11 Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya,
mga bansa'y magpupuri't maglilingkod sa tuwina.
12 Kanyang inililigtas ang mga dukhang tumatawag,
lalo na ang nalimutan, mga taong mahihirap;
13 sa ganitong mga tao siya'y lubhang nahahabag;
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
14 Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas,
sa kanya ang buhay nila'y mahalagang hindi hamak.
15 Pagpalain itong hari! Siya nawa ay mabuhay!
At magbuhat sa Arabia'y magtamo ng gintong-yaman;
sa tuwina siya nawa'y idalangin nitong bayan,
kalingain nawa ng Diyos, pagpalain habang buhay.
16 Sa lupai'y sumagana nawang lagi ang pagkain;
ang lahat ng kaburulan ay mapuno ng pananim
at matulad sa Lebanon na mauunlad ang lupain.
At ang kanyang mga lunsod, dumami ang mamamayan,
sindami ng mga damong tumubo sa kaparangan.
17 Nawa ang kanyang pangalan ay huwag nang malimutan,
manatiling bantog hangga't sumisikat itong araw.
Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa, at sa Diyos, silang lahat dumalanging: “Harinawa,
pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”
18 Si Yahweh, Diyos ng Israel, purihin ng taong madla;
ang kahanga-hangang bagay tanging siya ang may gawa.
19 Ang dakilang ngalan niya ay purihin kailanman,
at siya ay dakilain nitong buong sanlibutan!
Amen! Amen!
20 Ito ang wakas ng mga dalangin ni David, na anak ni Jesse.
Nanaginip si Jacob sa Bethel
10 Umalis(A) nga si Jacob sa Beer-seba at nagpunta sa Haran. 11 Inabot siya nang paglubog ng araw sa isang lugar at minabuti niyang doon na magpalipas ng gabi. Isang bato ang inunan niya sa kanyang pagtulog. 12 Nang(B) gabing iyon, siya'y nanaginip. May nakita siyang hagdan na abot sa langit at nagmamanhik-manaog doon ang mga anghel ng Diyos. 13 Walang(C) anu-ano'y nakita niya si Yahweh sa tabi niya. Wika sa kanya, “Ako si Yahweh, ang Diyos ni Abraham at ni Isaac. Ang lupang ito na iyong hinihigan ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi. 14 Darami(D) sila na parang alikabok sa lupa at lalaganap sila sa apat na sulok ng daigdig. Sa pamamagitan mo at ng iyong lahi ay pagpapalain ang lahat ng bansa.[a] 15 Tandaan mo, susubaybayan kita at ipagtatanggol saan ka man magpunta, at ibabalik kita sa lupaing ito. Hindi kita iiwan hanggang sa matupad ang lahat ng sinabi ko sa iyo.”
16 Nagising si Jacob at ang sabi, “Hindi ko alam na narito pala si Yahweh! 17 Nakakapangilabot ang lugar na ito! Tiyak na ito ang tahanan ng Diyos at ang pintuan ng kalangitan.”
18 Maagang gumising si Jacob nang umagang iyon. Kinuha niya ang inunang bato at itinayo bilang isang alaala. Binuhusan niya ito ng langis at itinalaga sa Diyos. 19 Tinawag niyang Bethel[b] ang lugar na iyon na dati'y tinatawag na Luz. 20 Nangako si Jacob nang ganito: “O Yahweh, kung ako'y sasamahan ninyo at iingatan sa paglalakbay na ito, pakakainin at dadamitan, 21 at makakabalik na muli sa bahay ng aking ama, kayo po ang aking magiging Diyos. 22 Sasambahin kayo sa lugar na ito na pinagtayuan ko ng batong alaalang ito, at ibabalik ko sa inyo ang ikasampung bahagi ng lahat ng ipinagkakaloob ninyo sa akin.”
13 Silang(A) lahat ay namatay na may pananampalataya. Hindi nila nakamtan ang mga ipinangako ng Diyos, ngunit natanaw nila iyon mula sa malayo at itinuring na natanggap na nila. Kinilala nilang sila'y mga dayuhan lamang at nangingibang-bayan dito sa lupa. 14 Ipinapakilala ng mga taong nagsasalita ng ganoon, na naghahanap pa sila ng sariling bayan. 15 Kung nasa isip nila ay ang lupaing kanilang pinanggalingan, may pagkakataon pa sana silang makabalik doon. 16 Ngunit ang hinahangad nila'y isang lungsod na higit na mabuti, ang lungsod na nasa langit. Kaya naman hindi ikinahiya ng Diyos na siya'y tawaging Diyos nila, sapagkat sila'y ipinaghanda niya ng isang lungsod.
17 Nang(B) subukin ng Diyos si Abraham, pananampalataya din ang nag-udyok sa kanya na ialay si Isaac bilang handog sa Diyos. Buong puso niyang inihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos 18 na(C) kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya. 19 Naniwala siya na kaya ng Diyos na bumuhay ng patay, kaya't sa patalinghagang pangungusap, naibalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay.
20 Dahil(D) sa pananampalataya, iginawad ni Isaac kina Jacob at Esau ang pagpapala para sa hinaharap.
21 Dahil(E) sa pananampalataya, iginawad ni Jacob ang pagpapala sa dalawang anak ni Jose bago siya namatay. Humawak siya sa kanyang tungkod at sumamba sa Diyos.
22 Dahil(F) sa pananampalataya, sinabi ni Jose, nang siya'y malapit nang mamatay, ang tungkol sa pag-alis ng mga Israelita sa Egipto, at ipinagbilin sa kanila na dalhin ang kanyang mga buto sa kanilang pag-alis.
by