Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Pagpupuri
Katha ni David.
27 Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan;
sino pa ba ang aking katatakutan?
Si Yahweh ang muog ng aking buhay,
sino pa ba ang aking kasisindakan?
2 Kung buhay ko'y pagtangkaan ng taong masasama,
sila'y mga kalaban ko at mga kaaway nga,
mabubuwal lamang sila at mapapariwara.
3 Kahit isang hukbo ang sa aki'y pumalibot,
hindi pa rin ako sa kanila matatakot;
salakayin man ako ng mga kaaway,
magtitiwala pa rin ako sa Maykapal.
4 Kay Yahweh ay isang bagay lang ang aking hiniling,
iisa lamang talaga ang aking hangarin:
ang tumira sa Templo niya habang buhay,
upang kagandahan ni Yahweh'y aking mapagmasdan,
at doo'y humingi sa kanya ng patnubay.
5 Itatago niya ako kapag may kaguluhan,
sa loob ng kanyang Templo ako'y iingatan;
sa ibabaw ng batong malaki ako'y ilalagay.
6 Matatalo ko ang mga nakapaligid kong kaaway.
Sa Templo'y sisigaw nang may kagalakan, habang mga handog ko'y iniaalay;
aawitan ko si Yahweh at papupurihan.
Si Elkana at ang Kanyang Pamilya
1 Sa Ramataim-zofim, isang bayan sa kaburulan ng Efraim ay may nakatirang lalaki na nagngangalang Elkana. Siya'y anak ni Jeroham at apo ni Elihu na mula sa sambahayan ni Tohu at mula sa angkan ni Zuf na Efrateo. 2 Dalawa ang asawa ni Elkana, sina Ana at Penina. May mga anak si Penina ngunit si Ana ay wala. 3 Taun-taon, pumupunta si Elkana sa Shilo upang sumamba at mag-alay ng mga handog kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Naglilingkod doon bilang mga pari ni Yahweh ang mga anak ni Eli na sina Hofni at Finehas. 4 Tuwing maghahandog si Elkana, binibigyan niya ng tig-iisang bahagi si Penina at ang mga anak nito. 5 Ngunit mga natatanging bahagi ang ibinibigay niya kay Ana sapagkat mahal na mahal niya ito bagama't[a] hindi ipinahintulot ni Yahweh na ito'y magkaanak. 6 Si Ana ay palaging kinukutya ni Penina dahil hindi niloob ni Yahweh na magkaroon siya ng anak. 7 Ito'y ginagawa ni Penina taun-taon, tuwing pupunta sila sa bahay ni Yahweh. Labis naman itong dinaramdam ni Ana kaya't napapaiyak siya at hindi makakain. 8 Kaya't nilalapitan siya ni Elkana at tinatanong, “Ana, bakit umiiyak ka na naman at ayaw mong kumain? Bakit ka nalulungkot? Hindi pa ba ako higit kaysa sa sampung anak na lalaki para sa iyo?”
Nanalangin si Ana
9 Minsan, matapos silang kumain sa Shilo, malungkot na pumunta si Ana at nanalangin sa bahay ni Yahweh. Nagkataong nakaupo sa may pintuan ng bahay ni Yahweh ang paring si Eli. 10 Buong pait na lumuluha si Ana at taimtim na nanalangin kay Yahweh. 11 Ganito(A) ang kanyang panalangin: “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, kung papakinggan ninyo ang inyong abang lingkod at inyo pong kahahabagan, kung hindi ninyo ako pababayaan, sa halip ay pagkakalooban ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo at habang buhay na siya'y nakalaan sa inyo; hindi ko ipapaputol ang kanyang buhok.”
12 Habang nananalangin si Ana, ang bibig niya'y pinagmamasdan ni Eli. 13 Gumagalaw ang kanyang mga labi ngunit hindi naririnig ang kanyang tinig sapagkat siya'y nananalangin lamang sa sarili. Dahil dito, inakala ni Eli na siya'y lasing. 14 Kaya, lumapit ito at sinabi sa kanya, “Tama na 'yang paglalasing mo! Tigilan mo na ang pag-inom ng alak at magpakatino ka na!”
15 “Hindi po ako lasing,” sagot ni Ana. “Ni hindi po ako tumitikim ng alak. Ang damdamin ko po'y naghihirap at idinudulog ko kay Yahweh ang aking kalagayan. 16 Huwag po sana ninyong isipin na ang inyong lingkod ay masamang babae. Ipinapahayag ko lamang ang matinding paghihirap ng aking damdamin.”
17 Dahil dito, sinabi ni Eli, “Ipanatag mo ang iyong sarili at umuwi ka na. Ang Diyos ng Israel ang tutugon sa iyong kahilingan.”
18 Sumagot si Ana, “Magkatotoo po sana ang inyong sinabi tungkol sa akin.” Pagkasabi niyon, bumalik sa kanilang tinutuluyan at kumaing wala na ang bigat ng kanyang kalooban.
Ipinanganak at Inihandog si Samuel
19 Kinabukasan, maagang-maaga silang sumamba kay Yahweh, at pagkatapos ay umuwi na sa Rama. Sinipingan ni Elkana si Ana, at dininig ni Yahweh ang dalangin nito. 20 Nagbuntis siya at dumating ang araw na siya'y nagsilang ng isang sanggol na lalaki. Samuel[b] ang ipinangalan niya rito sapagkat ang sabi niya, “Hiningi ko siya kay Yahweh.”
Paano Naging Apostol si Pablo
11 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang Magandang Balitang ipinangaral ko'y hindi katha ng tao. 12 Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, at hindi rin itinuro sa akin ng sinumang tao. Si Jesu-Cristo mismo ang naghayag nito sa akin.
13 Hindi(A) kaila sa inyo kung paano ako namuhay noon bilang kaanib ng relihiyon ng mga Judio. Walang awa kong inusig ang iglesya ng Diyos at sinikap na ito'y wasakin. 14 Sa(B) relihiyon ng mga Judio, nahigitan ko ang maraming kasing-edad ko at ako'y lubhang masugid sa kaugalian ng aming mga ninuno.
15 Ngunit(C) dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, pinili niya ako bago pa ako ipanganak at tinawag upang maglingkod sa kanya. 16 Nang minabuti niyang ihayag sa akin ang kanyang Anak upang maipangaral ko siya sa mga Hentil, hindi ako sumangguni sa sinumang tao. 17 Ni hindi rin ako nagpunta sa Jerusalem upang makipagkita sa mga apostol na nauna sa akin; sa halip, nagpunta ako sa Arabia, at pagkatapos ay bumalik ako sa Damasco. 18 Pagkaraan(D) ng tatlong taon, pumunta ako sa Jerusalem upang makipag-usap kay Pedro, at labinlimang araw kaming nagkasama. 19 Wala akong nakitang iba pang apostol maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.
20 Totoong lahat ang isinusulat ko sa inyo. Alam ng Diyos na hindi ako nagsisinungaling.
21 Pagkatapos, pumunta ako sa ilang lugar sa Siria at sa Cilicia. 22 Hindi pa ako kilala noon ng mga mananampalataya kay Cristo na nasa Judea. 23 Nakarating lamang sa kanila ang ganitong balita, “Ang dating umuusig sa atin ay nangangaral na ngayon ng pananampalatayang dati'y sinikap niyang wasakin.” 24 Kaya't nagpuri sila sa Diyos dahil sa akin.
by