Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 72

Panalangin para sa Hari

Katha ni Solomon.

72 Turuan mo po ang haring humatol nang makat'wiran,
    sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan;
nang matuwid na tuparin tungkulin sa iyong bayan,
    at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
Ang lupain nawa niya'y umunlad at managana;
    maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.
Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap,
    mga nangangailangan, pag-ukulan ng paglingap;
    at ang nang-aapi ay lupigin at ibagsak.
Nawa sila ay maglingkod, silang lahat mong hinirang,
    hangga't araw sumisikat, hangga't buwa'y sumisilang.

Ang hari sana'y matulad sa ulan ng kaparangan;
    bumubuhos, dumidilig sa lahat ng nabubuhay.
At ang buhay na matuwid sa kanyang kapanahunan,
    maghari sa bansa niya't umunlad kailanpaman.

Nawa(A) kanyang kaharian ay lubusan ngang lumawak,
    mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
Sa harap niya ay susuko mga taong nasa ilang;
    isubsob nga sa lupa, lahat ng kanyang kaaway.
10 Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya, maghahandog ng kaloob upang parangalan siya.
    Pati rin ang mga hari ng Arabia at Etiopia, may mga kaloob ding ibibigay sa kanya.
11 Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya,
    mga bansa'y magpupuri't maglilingkod sa tuwina.

12 Kanyang inililigtas ang mga dukhang tumatawag,
    lalo na ang nalimutan, mga taong mahihirap;
13 sa ganitong mga tao siya'y lubhang nahahabag;
    sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
14 Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas,
    sa kanya ang buhay nila'y mahalagang hindi hamak.

15 Pagpalain itong hari! Siya nawa ay mabuhay!
    At magbuhat sa Arabia'y magtamo ng gintong-yaman;
    sa tuwina siya nawa'y idalangin nitong bayan,
    kalingain nawa ng Diyos, pagpalain habang buhay.
16 Sa lupai'y sumagana nawang lagi ang pagkain;
    ang lahat ng kaburulan ay mapuno ng pananim
    at matulad sa Lebanon na mauunlad ang lupain.
At ang kanyang mga lunsod, dumami ang mamamayan,
    sindami ng mga damong tumubo sa kaparangan.
17 Nawa ang kanyang pangalan ay huwag nang malimutan,
    manatiling bantog hangga't sumisikat itong araw.
Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa, at sa Diyos, silang lahat dumalanging: “Harinawa,
    pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”

18 Si Yahweh, Diyos ng Israel, purihin ng taong madla;
ang kahanga-hangang bagay tanging siya ang may gawa.
19 Ang dakilang ngalan niya ay purihin kailanman,
at siya ay dakilain nitong buong sanlibutan!

    Amen! Amen!

20 Ito ang wakas ng mga dalangin ni David, na anak ni Jesse.

1 Mga Hari 10:14-25

Ang mga Kayamanan ni Solomon(A)

14 Ang gintong dumarating kay Solomon taun-taon ay umaabot sa 23,310 kilo. 15 Hindi pa kabilang dito ang buwis na galing sa mga mangangalakal, ang tubo sa pangangalakal mula sa labas ng bansa, at ang buwis[a] na galing sa mga hari ng Arabia at sa mga gobernador ng mga lalawigan.

16 Nagpagawa si Haring Solomon ng 200 malalaking kalasag na balot ng ginto. Umabot sa labinlimang librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa. 17 Nagpagawa pa siya ng 300 maliliit na kalasag na may balot ding ginto. Halos apat na librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa. Ipinalagay ng hari ang mga nasabing kalasag sa palasyo, sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon.

18 Nagpagawa rin siya ng isang malaking tronong yari sa garing ng elepante na may mga balot ding gintong lantay. 19 Anim na baytang ang paakyat sa trono. May ulo ng bisirong baka ang ulunan ng trono, at may patungan ng bisig sa dalawang tagiliran. May dalawang leon na nakatayo sa tabi nito, 20 at labindalawa naman sa magkabilang dulo ng mga baytang. Kailanma'y wala pang ginawang trono na tulad nito sa alinmang kaharian.

21 Gintong lahat ang mga inuman ng Haring Solomon, at gayundin ang mga kasangkapan sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon. Walang kagamitang pilak dahil hindi pa ito pinahahalagahan noong panahon ni Solomon. 22 May mga malalaking barko siya sa karagatan, kasama ng mga barko ni Hiram, at tuwing ikatlong taon ay dumarating ang mga barkong ito na may dalang ginto, pilak, garing, mga unggoy at pabo real.

23 Si Haring Solomon ang pinakamarunong at pinakamayaman sa lahat ng mga hari sa buong mundo. 24 Dinadayo siya ng mga tao mula sa lahat ng panig ng daigdig upang marinig ang karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. 25 At ang bawat isa'y may dalang regalo sa kanya: mga sisidlang ginto at pilak, mga damit at mga sandata, mga pabango, mga kabayo, at mola. At nagpatuloy ito sa loob ng maraming taon.

Efeso 4:7

Ang bawat isa sa ati'y nakatanggap ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Cristo.

Efeso 4:11-16

11 At binigyan niya ang ilan ng kaloob upang maging mga apostol, ang iba nama'y mga propeta, ang iba'y mga ebanghelista, at ang iba'y mga pastor at mga guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng mga hinirang, upang maging matatag ang katawan ni Cristo, 13 hanggang makarating tayo sa pagkakaisa ng pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos, at maging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Cristo. 14 Nang sa gayon, hindi na tayo magiging tulad sa mga batang madaling matangay ng sari-saring aral. Hindi na tayo maililigaw ng mga taong ang hangad ay dalhin tayo sa kamalian sa pamamagitan ng kanilang katusuhan at panlilinlang. 15 Sa halip, sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, tayo'y dapat maging lubos na katulad ni Cristo na siyang ulo nating lahat. 16 Sa pamamagitan niya, ang buong katawan ay pinag-uugnay-ugnay ng mga kasukasuan na mula rin sa kanya. At kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, lumalaki ang katawan at pinapatatag nito ang sarili sa pamamagitan ng pag-ibig.