Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Yahweh ang Ating Tagapagtanggol
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
121 Do'n sa mga burol, ako'y napatingin—
sasaklolo sa akin, saan manggagaling?
2 Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula,
sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.
3 Di niya ako hahayaang mabuwal,
siya'y di matutulog, ako'y babantayan.
4 Ang tagapagtanggol ng bayang Israel,
hindi natutulog at palaging gising!
5 Si Yahweh ang ating Tagapag-ingat,
laging nasa piling, upang magsanggalang.
6 Di ka maaano sa init ng araw,
kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan.
7 Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat,
sa mga panganib, ika'y ililigtas.
8 Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat
saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan.
4 “Pakinggan ninyo ako aking bayan,
ihahayag ko ang kautusan at katarungan
na magsisilbing tanglaw para sa lahat.
5 Ang pagliligtas ko ay agad na darating,
hindi na magtatagal at ako'y magtatagumpay.
Ako'y maghahari sa lahat ng bansa.
Ang malalayong bansa ay naghihintay sa akin,
at ang pagliligtas ko ang kanilang inaasahan.
6 Sa dakong itaas, sa kalangitan kayo ay tumingin,
sa dakong ibaba, dito sa daigdig ay magmasid din.
Katulad ng usok, itong kalangita'y pawang maglalaho,
at itong daigdig mawawasak namang parang kasuotan.
Ang mga naroon, lahat ng nilikha ay parang langaw na mamamatay.
Ngunit ang pagliligtas ko ay walang hanggan,
ang tagumpay ay walang katapusan.
7 “Ang nakakaalam tungkol sa matuwid, sa aki'y makinig,
kayong lingkod ko na tagapag-ingat ng aking kautusan.
Hindi kayo dapat matakot sa puna ng tao,
o manlupaypay man kung laitin kayo.
8 Katulad ng damit ang mga taong iyan ay masisira,
sila'y tulad ng tela na kakainin ng uod;
ngunit walang hanggan at para sa lahat ng salinlahi
ang aking tagumpay at pagliligtas.”
Pinagaling ang Alipin ng Kapitang Romano(A)
7 Matapos sabihin ni Jesus ang mga ito sa mga tao, pumunta siya sa bayan ng Capernaum. 2 Doon ay may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya. May sakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan. 3 Nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, nagsugo siya ng ilang mga pinuno ng mga Judio upang pakiusapan si Jesus na dalawin at pagalingin ang alipin. 4 Paglapit ng mga sugo kay Jesus, taimtim silang nakiusap sa kanya at sinabi, “Siya po'y karapat-dapat na pagbigyan ninyo 5 sapagkat mahal niya ang ating bansa. Sa katunayan nga po, ipinagpatayo niya tayo ng isang sinagoga.”
6 Sumama sa kanila si Jesus, ngunit nang malapit na siya sa bahay ay nasalubong niya ang mga kaibigan ng kapitan. Sila ay sinugo ng kapitan upang ipasabi kay Jesus ang ganito: “Ginoo, huwag na po kayong mag-abala. Hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking tahanan, 7 ni hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Ngunit magsalita lamang po kayo at gagaling na ang aking alipin. 8 Ako po ay nasa ilalim ng mga nakakataas sa akin at may nasasakupan naman akong mga kawal. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon!’ pumupunta siya; at kapag sinabi ko naman po sa isa, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko po sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa niya iyon.”
9 Namangha si Jesus nang marinig ito, kaya't humarap siya sa napakaraming taong sumusunod sa kanya at sinabi, “Kahit na sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.”
10 Pagbalik nila sa bahay, naratnan ng mga isinugo na magaling na nga ang alipin.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.