Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 31:9-16

O Yahweh, sana'y iyong kahabagan,
    sapagkat ako ay nasa kaguluhan;
namamaga na ang mata dahil sa pagluha,
    buong pagkatao ko'y mahinang mahina!
10 Pinagod ako ng aking kalungkutan,
    dahil sa pagluha'y umikli ang aking buhay.
Pinanghina ako ng mga suliranin,
    pati mga buto ko'y naaagnas na rin.

11 Nilalait ako ng aking mga kaaway,
    hinahamak ako ng mga kapitbahay;
mga dating kakilala ako'y iniiwasan,
    kapag ako'y nakasalubong ay nagtatakbuhan.
12 Para akong patay na kanilang nakalimutan,
    parang sirang gamit na hindi na kailangan.
13 Maraming mga banta akong naririnig,
    mula sa mga kaaway sa aking paligid;
may masama silang binabalak sa akin,
    plano nilang ako ay patayin.

14 Subalit sa iyo, Yahweh, ako'y nagtitiwala,
    ikaw ang aking Diyos na dakila!

15 Ikaw ang may hawak nitong aking buhay,
    iligtas mo ako sa taga-usig ko't mga kaaway.
16 Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
    sa wagas mong pag-ibig ako ay sagipin.

1 Samuel 16:11-13

11 Kaya't tinanong ni Samuel si Jesse, “Mayroon ka pa bang anak na wala rito?”

“Mayroon pang isa; ang bunso na nagpapastol ng mga tupa,” sagot ni Jesse.

Sinabi ni Samuel, “Ipasundo mo siya. Hindi natin sisimulan ang paghahandog hangga't hindi siya dumarating.”

Pinili si David

12 At sinundo nga ang anak na ito ni Jesse. Siya'y makisig na binatilyo, malusog at maganda ang mga mata.

At sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Siya ang pinili ko; buhusan mo siya ng langis.” 13 Kinuha ni Samuel ang sungay na sisidlan ng langis, at binuhusan niya si David ng langis sa harapan ng kanyang mga kapatid. At nilukuban si David ng Espiritu[a] ni Yahweh. Mula noon, sumakanya na ang Espiritu[b] ni Yahweh. Pagkatapos, si Samuel ay bumalik naman sa Rama.

Filipos 1:1-11

Mula(A) kina Pablo at Timoteo na mga lingkod[a] ni Cristo Jesus,

Para sa mga taga-Filipos na mga hinirang ng Diyos at sumasampalataya kay Cristo Jesus, gayundin sa mga tagapangasiwa[b] at mga tagapaglingkod:[c]

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaan ng Diyos na ating Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos

Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo. Ako'y nagagalak tuwing ako'y nananalangin para sa inyong lahat, dahil sa inyong pakikiisa sa pagpapalaganap ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, mula nang ito'y inyong tanggapin hanggang sa kasalukuyan. Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo.

Kayo'y laging nasa aking puso, kaya dapat lang na pahalagahan ko kayo nang ganito. Magkasama tayong tumanggap ng pagpapala ng Diyos, noon pa man nang ako'y malayang nagtatanggol at nagpapalaganap ng Magandang Balita at kahit ngayong ako'y nakabilanggo. Saksi ko ang Diyos na ang pananabik ko sa inyong lahat ay kagaya ng pagmamahal sa inyo ni Jesu-Cristo.

Idinadalangin ko sa Diyos na ang inyong pag-ibig ay patuloy na sumagana at masangkapan ng malinaw na kaalaman at pagkaunawa, 10 upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay matagpuan kayong malinis, walang kapintasan, 11 at sagana sa magagandang katangiang kaloob sa inyo ni Jesu-Cristo, sa ikararangal at ikadadakila ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.