Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 146

Pagpupuri sa Diyos na Tagapagligtas

146 Purihin si Yahweh!
    Purihin mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
Pupurihin siya't aking aawitan;
    aking aawitan habang ako'y buháy.

Sa mga pangulo'y huwag kang manghahawak,
    kahit sa kaninong di makapagligtas;
kung sila'y mamatay, balik sa alabok,
    kahit anong plano nila'y natatapos.

Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
    sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos,
    sa(A) Diyos na lumikha niyong kalangitan,
    ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.
Ang kanyang pangako ay maaasahan.
    Panig sa naaapi, kung siya'y humatol,
    may pagkaing handa, sa nangagugutom.

Pinalaya niya ang mga nabihag;
    isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
    ang mga hinirang niya'y nililingap.
Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila'y doon tumatahan;
    tumutulong siya sa balo't ulila,
    ngunit sa masama'y parusa'ng hatid niya.
10 Walang hanggang Hari, ang Diyos na si Yahweh!
    Ang Diyos mo, Zion, ay mananatili!

Purihin si Yahweh!

Isaias 42:14-21

Tutulungan ng Diyos ang Kanyang Bayan

14 Sinabi ng Diyos,
“Mahabang panahon na ako'y nanahimik;
    ngayo'y dumating na ang oras para ako ay kumilos.
Parang manganganak,
    ako ay sisigaw sa tindi ng kirot.
15 Ang mga bundok at burol ay aking gigibain,
    malalanta ang mga damo at ang iba pang mga halaman;
ang mga ilog at lawa ay matutuyo,
    at magiging disyerto.[a]
16 Aakayin ko ang mga bulag,
    sa mga daang hindi nila nakikita.
Gagawing liwanag ang kadiliman sa harapan nila,
    at papatagin ko ang mga daang baku-bako.
Ang lahat ng ito'y aking gagawin alang-alang sa kanila.
17 Mabibigo at mapapahiya ang lahat ng kumikilala
    at nagtitiwala sa mga diyus-diyosan.”

Hindi na Natuto ang Israel

18 Sinabi ni Yahweh,
“Kayong mga bingi, ngayon ay makinig!
    At kayong mga bulag naman ay magmasid!
19 Mayroon bang mas bulag pa kaysa sa aking lingkod,
    o mas bingi pa sa aking isinugo?
20 Israel, napakarami mo nang nakita ngunit walang halaga sa iyo.
    Mayroon kang tainga ngunit ano ang iyong napakinggan?”

21 Isang Diyos na handang magligtas itong si Yahweh,
    kaya ibinandila niya ang kanyang kautusan at mga tuntunin
    upang sundin ng kanyang bayan.

Colosas 1:9-14

Kaya't mula nang marinig namin ito, patuloy naming idinadalangin sa Diyos na sana'y ipaunawa niya sa inyo nang lubusan ang kanyang kalooban, sa pamamagitan ng karunungan at pang-unawang kaloob ng Espiritu. 10 Sa gayon, makakapamuhay na kayo nang karapat-dapat at kalugud-lugod sa Panginoon, sasagana sa lahat ng uri ng mabubuting gawa, at lalawak ang inyong pagkakilala sa Diyos. 11 Idinadalangin din naming patatagin niya kayo sa tulong ng kanyang dakilang kapangyarihan, upang inyong matiis na masaya at may pagtitiyaga ang lahat ng bagay. 12 Lagi kayong magpasalamat sa Ama sapagkat minarapat niyang makabahagi kayo[a] sa mga pangako ng Diyos para sa mga hinirang na nasa liwanag. 13 Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak. 14 Sa(A) pamamagitan niya ay napalaya tayo, samakatuwid ay pinatawad ang ating mga kasalanan [sa pamamagitan ng kanyang dugo].[b]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.