Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 81

Awit sa Araw ng Kapistahan

Katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]

81 Masiglang awitan ang Tagapagligtas, itong Diyos ni Jacob, awitang may galak.
Umawit sa saliw ng mga tamburin,
    kasabay ng tugtog ng lira at alpa.
Hipan(A) ang trumpeta tuwing nagdiriwang,
    kung buwan ay bago't nasa kabilugan.
Pagkat sa Israel, ito'y isang utos,
    batas na ginawa ng Diyos ni Jacob.
Sa mga hinirang, ang utos di'y ito
    nang sila'y ilabas sa bansang Egipto.

Ganito ang wika na aking narinig:
“Mabigat mong dala'y aking inaalis,
    ikaw ay iibsan sa pasan mong labis.
Iniligtas(B) kita sa gitna ng hirap, sinaklolohan ka nang ika'y tumawag;
    tinugon din kita sa gitna ng kidlat,
    at sinubok kita sa Batis Meriba. (Selah)[b]
Kapag nangungusap, ako'y inyong dinggin,
    sana'y makinig ka, O bansang Israel.
Ang(C) diyus-diyosa'y huwag mong paglingkuran, diyos ng ibang bansa'y di dapat yukuran.
10 Ako ay si Yahweh, ako ang Diyos mo,
    ako ang tumubos sa iyo sa Egipto;
pagkaing gustuhin ibibigay ko sa iyo.

11 “Ngunit ang bayan ko'y hindi ako pansin,
    di ako sinunod ng bayang Israel,
12 sa tigas ng puso, aking hinayaang
    ang sarili nilang gusto'y siyang sundan.
13 Ang tangi kong hangad, sana ako'y sundin,
    sundin ang utos ko ng bayang Israel;
14 ang kaaway nila'y aking lulupigin,
    lahat ng kaaway agad lilipulin.
15 Silang namumuhi't sa aki'y napopoot, ay magsisiyuko sa laki ng takot,
    ang parusa nila'y walang pagkatapos.
16 Ngunit ang mabuting bunga nitong trigo, ang siyang sa inyo'y ipapakain ko;
    at ang gusto ninyong masarap na pulot, ang siyang sa inyo'y aking idudulot.”

Genesis 29:1-14

Dumating si Jacob kina Laban

29 Nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglalakbay hanggang sa dumating siya sa lupain ng mga taga-Silangan. May nakita siyang isang balon ng tubig sa kaparangan. Sa paligid nito'y may tatlong kawan ng mga tupang nagpapahinga, sapagkat doon pinapainom ang mga ito. Ang balon ay may takip na malaking bato, at binubuksan lamang ito kapag papainumin na ang mga tinipong kawan. Matapos painumin ang mga ito, muli nilang tinatakpan ang balon.

Tinanong ni Jacob ang mga pastol na naroon, “Tagasaan kayo, mga kaibigan?”

“Taga-Haran,” tugon nila.

“Kilala ba ninyo si Laban na apo ni Nahor?” tanong niyang muli.

“Oo,” sagot naman nila.

“Kumusta na siya?” tanong pa niya.

“Mabuti,” sabi naman nila. “Hayun at dumarating si Raquel, ang anak niyang dalaga! Kasama niya ang kawan ng kanyang ama.”

“Maaga pa naman,” sabi ni Jacob, “bakit hindi ninyo painumin ang mga tupa at dalhin muna sa pastulan bago ikulong?”

“Aba, hindi maaari!” sagot ng mga pastol. “Ang lahat ng pastol ay kailangang narito bago buksan ang balon; saka pa lamang kami maaaring magpainom.”

Nakikipag-usap pa si Jacob nang dumating si Raquel na kasama ang kawan ng kanyang ama. 10 Nang makita ni Jacob si Raquel na kasama ang kawan ni Laban, binuksan ni Jacob ang balon at pinainom ang mga tupa. 11 Pagkatapos, nilapitan niya ang dalaga at hinagkan; napaiyak siya sa tuwa. 12 Sinabi niya, “Ako'y pamangkin ng iyong ama, anak ng iyong Tiya Rebeca!”

Patakbong umuwi si Raquel at ibinalita ito sa ama. 13 Sinalubong naman agad ni Laban ang kanyang pamangkin. Niyakap niya ito at hinagkan, saka isinama sa kanila. Nang maisalaysay ni Jacob ang lahat, 14 sinabi sa kanya ni Laban, “Tunay na ikaw ay laman ng aking laman at dugo ng aking dugo!” At doon na siya tumira sa loob ng isang buwan.

1 Corinto 10:1-4

Mga Babala Laban sa Diyus-diyosan

10 Mga(A) kapatid, nais kong malaman ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno noong panahon ni Moises. Silang lahat ay naliliman ng ulap sa kanilang paglalakbay at sa pagtawid sa Dagat na Pula. Sa gayon, nabautismuhan silang lahat[a] sa ulap at sa dagat bilang mga tagasunod ni Moises. Kumain(B) silang lahat ng iisang pagkaing espirituwal, at uminom(C) din ng iisang inuming espirituwal, sapagkat uminom sila sa batong espirituwal na sumubaybay sa kanila, at ang batong iyon ay si Cristo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.