Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit sa Araw ng Kapistahan
Katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]
81 Masiglang awitan ang Tagapagligtas, itong Diyos ni Jacob, awitang may galak.
2 Umawit sa saliw ng mga tamburin,
kasabay ng tugtog ng lira at alpa.
3 Hipan(A) ang trumpeta tuwing nagdiriwang,
kung buwan ay bago't nasa kabilugan.
4 Pagkat sa Israel, ito'y isang utos,
batas na ginawa ng Diyos ni Jacob.
5 Sa mga hinirang, ang utos di'y ito
nang sila'y ilabas sa bansang Egipto.
Ganito ang wika na aking narinig:
6 “Mabigat mong dala'y aking inaalis,
ikaw ay iibsan sa pasan mong labis.
7 Iniligtas(B) kita sa gitna ng hirap, sinaklolohan ka nang ika'y tumawag;
tinugon din kita sa gitna ng kidlat,
at sinubok kita sa Batis Meriba. (Selah)[b]
8 Kapag nangungusap, ako'y inyong dinggin,
sana'y makinig ka, O bansang Israel.
9 Ang(C) diyus-diyosa'y huwag mong paglingkuran, diyos ng ibang bansa'y di dapat yukuran.
10 Ako ay si Yahweh, ako ang Diyos mo,
ako ang tumubos sa iyo sa Egipto;
pagkaing gustuhin ibibigay ko sa iyo.
11 “Ngunit ang bayan ko'y hindi ako pansin,
di ako sinunod ng bayang Israel,
12 sa tigas ng puso, aking hinayaang
ang sarili nilang gusto'y siyang sundan.
13 Ang tangi kong hangad, sana ako'y sundin,
sundin ang utos ko ng bayang Israel;
14 ang kaaway nila'y aking lulupigin,
lahat ng kaaway agad lilipulin.
15 Silang namumuhi't sa aki'y napopoot, ay magsisiyuko sa laki ng takot,
ang parusa nila'y walang pagkatapos.
16 Ngunit ang mabuting bunga nitong trigo, ang siyang sa inyo'y ipapakain ko;
at ang gusto ninyong masarap na pulot, ang siyang sa inyo'y aking idudulot.”
Ang Kasalanan ng mga Magulang ni Israel
4 Pakinggan ninyo ang pahayag ni Yahweh, mga anak ni Jacob, sambahayan ni Israel. 5 Sinasabi ni Yahweh:
“Ano ba ang nagawa kong kamalian
at ako'y tinalikdan ng inyong mga magulang?
Sumamba sila sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan
kaya sila'y naging walang kabuluhan din.
6 Hindi nila ako naalala
kahit ako ang nagpalaya sa kanila mula sa Egipto;
pinatnubayan ko sila sa malawak na disyerto,
sa mga lupaing baku-bako't maburol,
sa isang tuyo at mapanganib na lugar,
na walang naninirahan at nagnanais dumaan.
7 Dinala ko sila sa isang mayamang lupain,
upang tamasahin nila ang kasaganaan niyon.
Ngunit dinungisan nila ang ibinigay kong lupain
dahil sa karumal-dumal nilang mga gawain.
8 Hindi man lamang nagtatanong ang mga pari, ‘Nasaan si Yahweh?’
Hindi ako nakikilala ng mga dalubhasa sa Kautusan,
hindi sumusunod sa akin ang mga pinuno;
nangangaral ang mga propeta sa pangalan ni Baal,
sumasamba at naglilingkod sa mga diyus-diyosan.
Sinumbatan ni Yahweh ang Kanyang Bayan
9 “Kaya't muli kong susumbatan ang aking bayan
at uusigin ko hanggang kaapu-apuhan.
10 Tumawid kang pakanluran hanggang Cyprus,
at magpadala ka patungong pasilangan hanggang Kedar.
Makikita mo kung may nangyaring tulad nito kailanman.
11 Mayroon bang bansa na nagpalit ng kanyang mga diyos,
kahit na ang mga ito ay hindi naman talagang diyos?
Ngunit ipinagpalit ako ng bayang aking pinarangalan,
at sila'y sumamba sa mga diyus-diyosang wala namang kabutihang magagawa para sa kanila.
12 Kaya manginig kayo sa takot, O kalangitan,
manggilalas kayo at manghilakbot;
akong si Yahweh ang nagsasalita.
13 Dalawa ang kasalanan ng aking bayan:
Tinalikuran nila ako,
ako na bukal na nagbibigay-buhay,
at humukay sila ng mga balon,
ngunit mga balong butas na walang naiipong tubig.
14 Nang kalagitnaan na ng pista, pumasok si Jesus sa Templo at nagturo. 15 Nagtaka ang mga Judio at naitanong nila, “Saan kaya nakakuha ng karunungan ang taong ito gayong hindi naman siya nakapag-aral?”
16 Kaya't sinabi ni Jesus, “Hindi sa akin ang itinuturo ko, kundi sa nagsugo sa akin. 17 Kung talagang nais ninumang sumunod sa kalooban ng Diyos, malalaman niya kung ang itinuturo ko'y mula nga sa Diyos, o kung ang sinasabi ko ay galing lamang sa akin. 18 Ang nagtuturo ng galing sa sarili niya ay naghahangad ng sariling karangalan. Ngunit ang taong naghahangad na maparangalan ang nagsugo sa kanya ay tapat at hindi nagsisinungaling. 19 Hindi ba't ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan? Bakit wala ni isa man sa inyo ang tumutupad nito? Bakit nais ninyo akong patayin?”
20 Sumagot ang mga tao, “Sinasapian ka ng demonyo! Sino ba ang gustong pumatay sa iyo?”
21 Sumagot si Jesus, “Isang bagay pa lamang ang ginawa ko'y nagtataka na kayong lahat. 22 Ibinigay(A) sa inyo ni Moises ang utos tungkol sa pagtutuli bagaman hindi ito nagmula sa kanya kundi sa inyong mga ninuno, at ginagawa ninyo ito kahit Araw ng Pamamahinga. 23 Kung(B) tinutuli ang isang sanggol na lalaki kahit Araw ng Pamamahinga para masunod ang utos ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin dahil nagpagaling ako ng isang tao sa Araw ng Pamamahinga? 24 Huwag kayong humatol batay sa anyo, kundi humatol kayo batay sa matuwid na pamantayan.”
Siya na nga Kaya ang Cristo?
25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong nais nilang patayin? 26 Hayan! Lantaran siyang nagsasalita, ngunit wala silang sinasabi laban sa kanya! Baka naman alam na ng mga pinuno na siya nga ang Cristo! 27 Ngunit pagdating ng Cristo ay walang makakaalam kung saan siya magmumula, subalit alam natin kung saan nagmula ang taong ito!”
28 Kaya't habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sumigaw siya, “Ako ba'y talagang kilala ninyo? Alam nga ba ninyo kung saan ako nagmula? Hindi ako naparito dahil sa aking sariling kagustuhan lamang. Karapat-dapat paniwalaan ang nagsugo sa akin. Hindi ninyo siya nakikilala, 29 ngunit nakikilala ko siya, sapagkat sa kanya ako nagmula, at siya ang nagsugo sa akin.”
30 Nais na siyang dakpin ng ilang naroroon, ngunit walang nangahas sapagkat hindi pa dumating ang kanyang panahon. 31 Marami sa mga tao ang naniwala sa kanya. Ang sabi nila, “Pagparito ng Cristo, gagawa kaya siya ng mas marami pang himala higit kaysa sa mga ginawa ng taong ito?”
Daloy ng Tubig na Nagbibigay-buhay
37 Sa(A) kahuli-hulihan at pinakatanging araw ng pista, tumayo si Jesus at nagsalita nang malakas, “Kayong mga nauuhaw ay lumapit sa akin at uminom. 38 Ang(B) sumasampalataya sa akin, ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso ay dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay.’[a]” 39 Ang tinutukoy niya'y ang Espiritung tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. Sapagkat hindi pa naipagkakaloob noon ang Espiritu dahil si Jesus ay hindi pa niluwalhati.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.