Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 23

Si Yahweh ang Ating Pastol

Awit ni David.

23 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
pinapahimlay(A) niya ako sa luntiang pastulan,
    at inaakay niya sa tahimik na batisan.
Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
    upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
    wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.

Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
    na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
    sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.
Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
    at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.

1 Samuel 15:22-31

22 Sinabi ni Samuel, “Akala mo ba'y higit na magugustuhan ni Yahweh ang handog at hain kaysa ang pagsunod sa kanya? Mas mabuti ang pagsunod kay Yahweh kaysa paghahandog, at ang pakikinig ay higit sa haing taba ng tupa. 23 Ang pagsuway sa kanya ay kasinsama ng pangkukulam, at ang katigasan ng ulo'y tulad ng pagsamba sa diyus-diyosan. Sapagkat itinakwil mo ang salita ni Yahweh, itinakwil ka rin niya bilang hari.”

24 Sinabi ni Saul kay Samuel, “Nagkasala ako! Sinuway ko nga ang utos ni Yahweh at ang bilin mo sa akin. Nagawa ko ito sapagkat natakot ako sa aking mga tauhan, kaya't pinagbigyan ko ang kanilang kagustuhan. 25 Ngayon ay nakikiusap ako sa iyo na patawarin mo na ang aking kasalanan at samahan mo ako sa pag-uwi upang ako'y makasamba kay Yahweh.”

26 Sinabi ni Samuel, “Hindi kita masasamahan sapagkat sinuway mo ang utos ni Yahweh. Itinakwil ka na niya bilang hari ng Israel.”

27 Tumalikod(A) si Samuel upang umalis, ngunit hinawakan ni Saul ang laylayan ng damit nito at napunit ang kapiraso nito. 28 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Sa araw na ito, tinanggal na sa iyo ni Yahweh ang pagiging hari ng Israel, at ibinigay na ito sa isang taong mas mabuti kaysa iyo. 29 Ang maluwalhating Diyos ng Israel ay hindi nagsisinungaling at hindi nagbabago ng pag-iisip. Hindi siya tulad ng tao na nagbabago ng pag-iisip.”

30 Sumagot si Saul, “Nagkasala nga ako ngunit sa pagkakataong ito'y ipinapakiusap sa iyo, bigyan mo ako kahit kaunting karangalan sa harapan ng matatandang pinuno at ng buong bayang Israel. Samahan mo na akong bumalik upang sumamba kay Yahweh na iyong Diyos.” 31 Sumama si Samuel at si Saul nama'y sumamba kay Yahweh.

Efeso 5:1-9

Mamuhay Ayon sa Liwanag

Yamang kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. Mamuhay(A) kayo nang may pagmamahal tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pagmamahal sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos.

Kayo'y mga hinirang ng Diyos, kaya't hindi dapat mabanggit man lamang na kayo'y nakikiapid o gumagawa ng anumang uri ng kahalayan o pag-iimbot. Huwag din kayong gagamit ng anumang malaswa o walang kabuluhang pananalita at pagbibirong di nararapat. Sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos. Alam ninyong walang bahagi sa kaharian ni Cristo at ng Diyos ang taong nakikiapid, mahalay, o sakim. Ang kasakiman ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan.

Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga pangangatuwirang walang kabuluhan, sapagkat dahil nga sa mga ito, ang Diyos ay napopoot sa mga suwail. Kaya't huwag kayong makisama sa kanila. Dati, kayo'y nasa kadiliman, ngunit ngayo'y nasa kaliwanagan na, sapagkat kayo'y nasa Panginoon. Mamuhay kayo ngayon nang nararapat sa mga taong nasa liwanag. Sapagkat pawang mabuti, matuwid at totoo ang ginagawa ng namumuhay sa liwanag.[a]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.