Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 143

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Awit ni David.

143 Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,
    tapat ka't matuwid, kaya ako'y dinggin.
Itong(A) iyong lingkod, huwag mo nang subukin,
    batid mo nang lahat, kami ay salarin.

Ako ay tinugis ng aking kaaway,
    lubos na nilupig ng aking kalaban;
sa dilim na dako, ako ay nakulong,
    tulad ko'y patay nang mahabang panahon.
Ang kaluluwa ko'y halos sumuko na,
    sapagkat ang buhay ko'y wala nang pag-asa.

Araw na lumipas, aking nagunita,
    at naalala ang iyong ginawa,
    sa iyong kabutihan, ako ay namangha!
Ako'y dumalangin na taas ang kamay,
    parang tuyong lupa ang diwa kong uhaw. (Selah)[a]

Nawala nang lahat ang aking pag-asa,
    kaya naman, Yahweh, ako'y dinggin mo na!
Kung ika'y magkubli, baka ang hantungan
    ako ay ituring na malamig na bangkay,
    at ang tunguhin ko'y madilim na hukay.
Ako ay umasa, sa iyo nagtiwala, sa pagsapit ng umaga ay ipagugunita
    yaong pag-ibig mo na lubhang dakila.
Ang aking dalangin na sa iyo'y hibik,
    patnubayan ako sa daang matuwid.

Iligtas mo ako sa mga kalaban,
    ikaw lang, O Yahweh, ang aking kanlungan.
10 Ikaw ang aking Diyos, ako ay turuan
    na aking masunod ang iyong kalooban;
ang Espiritu[b] mo'y maging aking tanglaw sa aking paglakad sa ligtas na daan.
11 Ikaw ay nangakong ako'y ililigtas, pagkat dakila ka, iligtas mo agad;
    iligtas mo ako sa mga bagabag.
12 Dahilan sa iyong pagtingin sa akin, ang mga kaaway ko'y iyong lipulin;
    ang nagpapahirap sa aki'y wasakin,
    yamang ang lingkod mo ay iyong alipin.

2 Mga Hari 4:18-37

18 At lumaki ang bata. Isang araw, sumunod ito sa kanyang ama kasama ang iba pang gumagapas sa bukid. 19 Bigla na lamang dumaing ang bata na masakit ang kanyang ulo. Sinabi ng ama sa isang katulong, “Iuwi mo na siya sa kanyang ina.” 20 Sumunod naman ang inutusan at inilagay ang bata sa kandungan ng ina nito. Ngunit nang magtatanghaling-tapat, namatay ang bata. 21 Ang bangkay ay ipinasok ng ina sa silid ni Eliseo. Inilagay niya ito sa higaan, isinara ang pinto at dali-daling lumabas.

22 Tinawag niya ang kanyang asawa at sinabi, “Madali ka! Pagayakin mo ang isang utusan at ipahanda ang isang asnong masasakyan ko. Pupunta ako sa lingkod ng Diyos.”

23 “Anong gagawin mo roon?” tanong ng asawa. “Hindi ngayon Araw ng Pamamahinga at hindi rin Kapistahan ng Bagong Buwan.”

“Kahit na. Kailangan ko siyang makausap,” sagot ng babae. 24 Nang maihanda na ang asno, dali-dali siyang sumakay at sinabi sa kanyang katulong, “Sige, pabilisin mo ang asno at huwag mong pababagalin hanggang hindi ko sinasabi sa iyo.” 25 At naglakbay sila, papunta sa Bundok ng Carmel sa kinaroroonan ni Eliseo.

Nasa daan pa lamang, natanaw na sila ni Eliseo. Sinabi nito kay Gehazi, “Dumarating ang Sunamita. 26 Salubungin mo. Kumustahin mo siya, ang kanyang asawa at ang kanyang anak.”

Nang kumustahin ni Gehazi, sumagot ang babae, “Mabuti po.” 27 Paglapit niya kay Eliseo, nagpatirapa ang babae at hinawakan ang mga paa ni Eliseo.

Itutulak sanang palayo ni Gehazi ang babae ngunit sinabi ni Eliseo, “Pabayaan mo siya. Tiyak na may malaki siyang problema. Hindi pa lang ipinapaalam sa akin ni Yahweh.”

28 Sinabi ng babae, “Humingi ba ako sa inyo ng anak? Hindi ba't sinabi kong huwag na ninyo akong paasahin?”

29 Nilingon ni Eliseo si Gehazi at sinabi, “Magbalabal ka. Dalhin mo ang aking tungkod at tumakbo ka. Kapag may nakasalubong ka sa daan, huwag mong babatiin. Kapag may bumati sa iyo, huwag mong papansinin. Tumuloy ka sa bahay nila at ipatong mo ang tungkod sa mukha ng bata.”

30 Sinabi ng Sunamita, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] at hangga't buháy ka, hindi ako aalis nang hindi ka kasama.” Pagkasabi nito'y lumakad siyang papalabas ng bahay. Kaya, tumindig na si Eliseo at sumunod sa kanya.

31 Samantala, nauna si Gehazi sa bahay ng Sunamita at ipinatong sa bangkay ng bata ang tungkod ni Eliseo. Ngunit walang palatandaang ito'y mabubuhay. Kaya, bumalik siya at sinalubong si Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po nagising ang bata.”

32 Nagtuloy si Eliseo sa kanyang silid at nakita niya ang bangkay sa kanyang higaan. 33 Isinara niya ang pinto at nanalangin kay Yahweh. 34 Dinapaan(A) niya ang bangkay at hinawakan ang mga kamay nito. Pagkatapos, itinapat niya sa bibig at mata ng bangkay ang kanyang bibig at mata. At unti-unting uminit ang bangkay. 35 Tumayo si Eliseo at nagpabalik-balik sa loob ng silid. Muli niyang dinapaan ang bangkay. At ang bata'y bumahin nang pitong beses, saka idinilat ang mga mata. 36 Ipinatawag niya kay Gehazi ang Sunamita at nang pumasok ito, sinabi niya, “Kunin mo na ang iyong anak.” 37 Ang babae'y nagpatirapa sa paanan ni Eliseo. Pagkatapos, kinuha ang kanyang anak at dinala sa kanyang silid.

Efeso 2:1-10

Patay Subalit Muling Binigyang-buhay

Noong(A) una'y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan. Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito, at napailalim kayo sa pinuno ng mga kapangyarihan sa himpapawid, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos. Ang totoo, tayong lahat ay dati ring namumuhay ayon sa pagnanasa ng ating laman, at sumusunod sa mga hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya't sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos.

Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin. Tayo'y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob. Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya upang mamunong kasama niya sa kalangitan. Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob, sa kabutihan niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y kaloob ng Diyos at hindi mula sa inyong sarili; hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang maipagmamalaki ang sinuman. 10 Kung ano tayo ngayon ay gawa ng Diyos, at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus ay nilikha niya tayo para sa mabubuting gawa na inihanda niya noong una pa man upang gawin natin.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.