Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Yahweh ang Ating Pastol
Awit ni David.
23 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
2 pinapahimlay(A) niya ako sa luntiang pastulan,
at inaakay niya sa tahimik na batisan.
3 Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
4 Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.
5 Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.
6 Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.
Itinakwil si Saul Bilang Hari
10 Sinabi ni Yahweh kay Samuel, 11 “Nanghihinayang ako sa pagkapili ko kay Saul bilang hari sapagkat tinalikuran niya ako at sinuway ang aking mga utos.” Nagalit si Samuel, at magdamag siyang nanalangin kay Yahweh. 12 Kinabukasan, maaga siyang bumangon upang makipagkita kay Saul. Ngunit may nagsabi sa kanya na nagpunta ito sa Carmelo upang magpatayo ng sariling monumento, at pagkatapos ay nagtuloy sa Gilgal. 13 Sumunod siya roon at nang makita siya ni Saul ay binati siya, “Pagpalain ka ni Yahweh. Sinunod kong lahat ang utos niya.”
14 Itinanong ni Samuel, “Ano itong naririnig kong iyakan ng mga tupa at unga ng mga baka?”
15 Sumagot si Saul, “Kinuha iyan ng mga tauhan ko sa Amalek. Kinuha nila ang pinakamainam na tupa at baka upang ihandog kay Yahweh. Ang mga walang halaga ay pinatay namin.”
16 Sinabi ni Samuel, “Tumigil ka! Pakinggan mo ang sinabi sa akin ni Yahweh kagabi.”
“Ano iyon?” tanong ni Saul.
17 Sinabi ni Samuel, “Noong una, napakaliit pa ng tingin mo sa iyong sarili. Ngayon, ikaw ang namumuno sa Israel sapagkat pinili ka ni Yahweh at binuhusan ng langis upang maging hari. 18 Inutusan ka niyang lusubin ang masamang bayan ng Amalek at mahigpit na ipinagbiling puksain ang mga ito. 19 Bakit mo sinuway ang utos ni Yahweh? Bakit mo pinag-imbutan ang mga ito? Hindi mo ba alam na ang ginawa mo'y malaking kasalanan kay Yahweh?”
20 Sumagot si Saul, “Sinunod ko si Yahweh. Pumunta ako sa pinapuntahan niya sa akin. Binihag ko si Agag na hari ng Amalek at nilipol ang mga Amalekita. 21 Ngunit pinili ng mga tao ang pinakamaiinam sa mga tupa at baka at hindi namin pinatay kasama ng iba, sa halip ay iniuwi namin sa Gilgal upang ihandog kay Yahweh.”
25 Dahil(A) dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa't isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan. 26 Kung(B) magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, magtrabaho siya nang marangal para sa sariling ikabubuhay at makatulong sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong gumamit ng masasamang salita kundi iyong makapagpapalakas at angkop sa pagkakataon upang makapagdulot ng mabuti sa mga nakakarinig. 30 At huwag ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo, sapagkat siya ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan na kayo'y tutubusin pagdating ng takdang araw. 31 Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. 32 Sa(C) halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.