Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Awit ni David.
143 Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,
tapat ka't matuwid, kaya ako'y dinggin.
2 Itong(A) iyong lingkod, huwag mo nang subukin,
batid mo nang lahat, kami ay salarin.
3 Ako ay tinugis ng aking kaaway,
lubos na nilupig ng aking kalaban;
sa dilim na dako, ako ay nakulong,
tulad ko'y patay nang mahabang panahon.
4 Ang kaluluwa ko'y halos sumuko na,
sapagkat ang buhay ko'y wala nang pag-asa.
5 Araw na lumipas, aking nagunita,
at naalala ang iyong ginawa,
sa iyong kabutihan, ako ay namangha!
6 Ako'y dumalangin na taas ang kamay,
parang tuyong lupa ang diwa kong uhaw. (Selah)[a]
7 Nawala nang lahat ang aking pag-asa,
kaya naman, Yahweh, ako'y dinggin mo na!
Kung ika'y magkubli, baka ang hantungan
ako ay ituring na malamig na bangkay,
at ang tunguhin ko'y madilim na hukay.
8 Ako ay umasa, sa iyo nagtiwala, sa pagsapit ng umaga ay ipagugunita
yaong pag-ibig mo na lubhang dakila.
Ang aking dalangin na sa iyo'y hibik,
patnubayan ako sa daang matuwid.
9 Iligtas mo ako sa mga kalaban,
ikaw lang, O Yahweh, ang aking kanlungan.
10 Ikaw ang aking Diyos, ako ay turuan
na aking masunod ang iyong kalooban;
ang Espiritu[b] mo'y maging aking tanglaw sa aking paglakad sa ligtas na daan.
11 Ikaw ay nangakong ako'y ililigtas, pagkat dakila ka, iligtas mo agad;
iligtas mo ako sa mga bagabag.
12 Dahilan sa iyong pagtingin sa akin, ang mga kaaway ko'y iyong lipulin;
ang nagpapahirap sa aki'y wasakin,
yamang ang lingkod mo ay iyong alipin.
Binuhay ni Elias ang Anak ng Biyuda
17 Hindi nagtagal at nagkasakit ang anak ng biyuda. Lumubha ang sakit ng bata hanggang sa ito'y mamatay. 18 Kaya't sinabi ng babae kay Elias, “Anong ikinagagalit ninyo sa akin, lingkod ng Diyos? Naparito ba kayo upang ako'y sumbatan sa aking mga kasalanan at patayin ang aking anak?”
19 “Akin na ang bata,” sabi ni Elias. At kinuha niya ang bata, ipinanhik sa itaas, sa silid na kanyang tinutuluyan. Inilagay niya ang bata sa kanyang higaan 20 at nanalangin, “Yahweh, aking Diyos, ito ba ang inyong igaganti sa babaing nagmagandang-loob sa akin?” 21 Tatlong(A) beses siyang dumapa sa bata at nanalangin ng ganito: “Yahweh, aking Diyos, hinihiling ko pong muli ninyong buhayin ang batang ito.” 22 Dininig ni Yahweh ang dalangin ni Elias at muling nabuhay ang bata.
23 Inakay ni Elias ang bata, at ibinalik sa kanyang ina saka sinabing, “Narito ang anak mo, buháy na siya.”
24 At sumagot ang babae, “Tiyak ko na ngayon na kayo nga ay isang lingkod ng Diyos, at nagsasalita si Yahweh sa pamamagitan ninyo.”
Huling Dalaw ni Pablo sa Troas
7 Nang unang araw ng sanlinggo, kami'y nagkatipon upang magpira-piraso ng tinapay. Si Pablo'y nangaral sa kanila hanggang hatinggabi, sapagkat aalis na siya kinabukasan. 8 Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtitipunan namin. 9 Nakaupo sa bintana ang isang binata na ang pangala'y Eutico. Dahil sa kahabaan ng pagsasalita ni Pablo, si Eutico ay inantok at nakatulog nang mahimbing. Nahulog siya mula sa ikatlong palapag na kanyang kinaroroonan, kaya't patay na siya nang buhatin. 10 Nanaog si Pablo at niyakap ang binata. Sinabi niya, “Huwag kayong mabahala, buháy siya!” 11 Muling pumanhik si Pablo, nagpira-piraso ng tinapay at kumain. Pagkatapos, nakipag-usap pa siya sa kanila nang matagal hanggang mag-uumaga, at saka umalis. 12 Ang binata naman ay buháy na iniuwi, at ito'y nagdulot sa kanila ng malaking kaaliwan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.