Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 15

Ang Hinihiling ng Diyos

Awit ni David.

15 O Yahweh, sino kayang makakapasok sa iyong Templo?
    Sinong karapat-dapat sumamba sa iyong burol na sagrado?

Ang taong masunurin sa iyo sa lahat ng bagay,
    at laging gumagawa ayon sa katuwiran,
mga salita'y bukal sa loob at pawang katotohanan,
    at ang kapwa'y hindi niya sisiraan.
Di siya gumagawa ng masama sa kanyang kaibigan,
    tungkol sa kapwa'y di nagkakalat ng kasinungalingan.
Ang itinakwil ng Diyos ay di niya pinapakisamahan,
    mga may takot kay Yahweh, kanyang pinaparangalan.
Sa pangakong binitiwan, siya'y laging tapat,
    anuman ang mangyari, salita'y tinutupad.
Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pinautang,
    di nasusuhulan para ipahamak ang walang kasalanan.

Ang ganitong tao'y di matitinag kailanman.

Mikas 3:1-4

Ang mga Katiwalian ng mga Pinuno sa Israel

At sinabi ko, “Makinig kayo, lahat ng mga pinuno ng Israel! Katarungan ang dapat ninyong pairalin. Ngunit ayaw ninyo ng mabuti at ang nais ninyo'y kasamaan. Binabalatan ninyo nang buháy ang aking bayan at unti-unting hinihimay ang kanilang mga laman. Kinakain ninyo ang kanilang laman, binabakbak ang kanilang balat, binabali ang mga buto, at tinatadtad na parang karneng iluluto. Darating ang araw na kayo'y dadaing kay Yahweh, ngunit hindi niya kayo tutugunin. Hindi niya kayo papakinggan dahil sa inyong mga kasamaang ginawa.”

Juan 13:31-35

Ang Bagong Utos

31 Pagkaalis ni Judas ay sinabi ni Jesus, “Ngayo'y luluwalhatiin na ang Anak ng Tao, at sa pamamagitan niya ay luluwalhatiin ang Diyos. 32 [At kapag niluwalhati na ang Diyos sa pamamagitan ng Anak ng Tao],[a] ang Diyos naman ang luluwalhati sa Anak, at ito'y gagawin niya agad. 33 Mga(A) anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit sinasabi ko sa inyo ngayon ang sinabi ko noon sa mga Judio, ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.’

34 “Isang(B) bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon: magmahalan kayo! Kung paano ko kayo minahal, gayundin naman, magmahalan kayo. 35 Kung kayo'y may pagmamahal sa isa't isa, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.