Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Tunay na Pagsamba
58 Sinabi ni Yahweh, “Sumigaw ka nang malakas na malakas;
itaas mo ang iyong tinig gaya ng trumpeta.
Ang kasalanan ng bayan ko sa kanila'y ihayag.
2 Sinasangguni nila ako sa araw-araw,
tinatanong nila ako kung paano sila mamumuhay.
Kung kumilos sila ay parang matuwid,
at hindi sumusuway sa mga tuntuning ibinigay ng kanilang Diyos.
Humihingi sila sa akin ng matuwid na pasya;
nais nila'y maging malapit sa Diyos.”
3 Tanong ng mga tao, “Bakit hindi mo pansin ang pag-aayuno namin?
Bakit walang halaga sa iyo kung kami ma'y magpakumbaba?”
Sagot ni Yahweh, “Pansariling kapakanan pa rin ang pangunahing layunin ninyo sa pag-aayuno,
at habang nag-aayuno'y patuloy ninyong inaapi ang mga manggagawa.
4 Ang pag-aayuno ninyo'y humahantong lamang sa karahasan,
kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban.
Hindi tunay ang pag-aayunong ginagawa ninyo ngayon,
kaya tiyak na hindi ko papakinggan, ang inyong mga dalangin sa akin.
5 Ganyan ba ang pag-aayunong aking kaluluguran?
Iyan ba ang araw na talagang nagpapakumbaba ang mga tao?
Hinihiling ko ba na yumuko kayong tulad ng damong hinihipan ng hangin,
o mahiga kayo sa sako at abo?
Pag-aayuno na ba ang tawag ninyo diyan,
isang araw na nakalulugod kay Yahweh?
6 “Ganitong pag-aayuno ang gusto kong gawin ninyo:
Palayain ninyo ang mga di-makatarungang ipinabilanggo;
kalagin ninyo ang tanikala ng inyong mga inalipin.
Palayain ninyo ang mga inaapi,
at baliin ang mga pamatok ng mga alipin.
7 Ang(A) mga nagugutom ay inyong pakainin,
ang mga walang tirahan ay inyong patuluyin.
Ang mga walang maisuot ay inyong bigyan ng mga damit.
At sa mga nangangailangang mga kamag-anak ay huwag kayong magkakait.
8 Kung magkagayon, sisikat ang liwanag sa inyo, at matutulad kayo sa bukang-liwayway,
hindi magtatagal at manunumbalik ang inyong kalusugan.
Mahahayag sa inyong unahan ang mabubuti ninyong gawa,
at sa inyong hulihan ay papatnubayan kayo ng kaluwalhatian ni Yahweh.
9 Sa araw na iyon, diringgin ni Yahweh ang inyong dalangin;
kapag kayo'y humingi ng tulong, sasabihin niya, ‘Naririto ako.’
“Kapag itinakwil ninyo ang pang-aapi,
maling pagbibintang at pagsisinungaling;
9 Sa araw na iyon, diringgin ni Yahweh ang inyong dalangin;
kapag kayo'y humingi ng tulong, sasabihin niya, ‘Naririto ako.’
“Kapag itinakwil ninyo ang pang-aapi,
maling pagbibintang at pagsisinungaling;
10 kapag ang nagugutom ay kusang-loob ninyong pakakainin,
at tutulungan ang mahihirap,
sisikat ang liwanag sa inyong nasa kadiliman,
at ang inyong kapanglawan ay magliliwanag gaya ng sa katanghaliang-tapat.
11 Patuloy kayong papatnubayan ni Yahweh
at ibibigay ang pangangailangan sa gitna ng disyerto.
Palalakasin niyang muli ang inyong mga buto.
At magiging tulad kayo ng isang hardin,
na binubukalan ng masaganang tubig,
o isang batis na hindi natutuyo.
12 Muli ninyong itatayo ang kutang gumuho,
at itatatag ito sa dating pundasyon.
Makikilala kayo bilang tagapagtayo ng mga nawasak na pader,
mga tagapagtatag ng bagong pamayanan.”
Mapalad ang Mabuting Tao
112 Purihin si Yahweh!
Mapapalad ang tao na kay Yahweh ay gumagalang,
at taos-pusong sumusunod sa kanyang kautusan.
2 Ang kanyang lipi'y magiging dakila,
pati mga angkan ay may pagpapala.
3 Magiging sagana sa kanyang tahanan,
pagpapala niya'y walang katapusan.
4 Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.
5 Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.
6 Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
7 Masamang balita'y hindi nagigitla,
matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala.
8 Wala siyang takot, hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
9 Nagbibigay(A) sa mga nangangailangan,
pagiging mat'wid niya'y walang hanggan,
buong karangalang siya'y itataas.
10 Kung makita ito ng mga masama,
lumalayas silang mabagsik ang mukha;
pagkat ang pag-asa'y lubos nang nawala.
Ang Ipinapangaral ni Pablo
2 Mga kapatid, nang ako'y pumunta riyan, ipinahayag ko sa inyo ang hiwaga[a] ng Diyos hindi sa pamamagitan ng kahusayan ng pananalita o ng malawak na karunungan. 2 Sapagkat noong ako'y nariyan, ipinasya kong wala akong ibang ipapaalam sa inyo maliban kay Jesu-Cristo at ang kanyang kamatayan sa krus. 3 Noong(A) ako'y nariyan, ako'y nanghihina at nanginginig sa takot. 4 Sa aking pananalita at pangangaral ay hindi ko sinubukang hikayatin kayo sa pamamagitan ng mahuhusay na talumpati at karunungan ng tao. Subalit nangaral ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu 5 upang ang inyong pananampalataya ay masandig sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao.
Ang Karunungan ng Diyos
6 Gayunpaman, sa mga taong matatag na sa buhay espirituwal ay nangangaral kami ng salita ng karunungan, hindi karunungan ng mundong ito, o ng mga tagapamahala sa mundong ito na ang kapangyarihan ay lilipas. 7 Subalit ang ipinapahayag namin ay ang lihim na karunungan ng Diyos na hindi nahayag noong una, na itinalaga na niya para sa ating ikaluluwalhati bago pa likhain ang sanlibutan. 8 Walang(B) isa man sa mga tagapamahala sa daigdig na ito ang nakaunawa sa karunungang iyon, sapagkat kung naunawaan nila iyon, hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Subalit(C) tulad ng nasusulat,
“Hindi pa nakikita ng mata, o naririnig ng tainga,
ni hindi pa sumasagi sa isip ng tao
ang mga inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kanya.”
10 Ngunit ito'y inihayag na ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Sinasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang mga pinakamalalim na bagay na may kinalaman sa Diyos. 11 Walang nakakaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang sariling espiritu. Gayundin naman, walang nakakaalam sa mga iniisip ng Diyos maliban sa Espiritu ng Diyos. 12 Ang tinanggap natin ay hindi ang espiritu ng sanlibutan kundi ang Espiritu na mula sa Diyos upang maunawaan natin ang mga kaloob niya sa atin.
13 Kaya nga, kami ay nangangaral hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao kundi sa pamamagitan ng Espiritu. Ang ipinapaliwanag namin ay mga katotohanang espirituwal para sa mga nagtataglay ng Espiritu. 14 Sapagkat ang taong hindi nagtataglay ng Espiritu ay hindi kayang tumanggap ng mga kaloob mula sa Espiritu ng Diyos. Para sa kanila, kahangalan ang mga iyon at di nila nauunawaan, sapagkat ang mga bagay na espirituwal ay mauunawaan lamang sa paraang espirituwal. 15 Nauunawaan ng taong nagtataglay ng Espiritu ang kahalagahan ng lahat ng bagay, ngunit hindi siya nauunawaan ng taong hindi nagtataglay ng Espiritu.
16 “Sino(A) ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon?
Sino ang makapagpapayo sa kanya?”
Ngunit nasa atin[a] ang pag-iisip ni Cristo.
Asin at Ilaw(A)
13 “Kayo(B) ang asin ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao?
14 “Kayo(C) ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol ay hindi maitatago. 15 Walang(D) taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay inilalagay iyon sa ilalim ng banga. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. 16 Gayundin(E) naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.”
Katuruan tungkol sa Kautusan
17 “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang ipawalang-bisa ang Kautusan at ang mga Propeta.[a] Naparito ako hindi upang ipawalang-bisa ang mga iyon kundi upang tuparin. 18 Tandaan(F) ninyo: maglalaho ang langit at ang lupa, ngunit ni isang tuldok o kudlit man ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga't hindi natutupad ang lahat. 19 Kaya't sinumang magpawalang-bisa sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay magiging pinakamababa sa kaharian ng langit. Ngunit ang sumusunod sa Kautusan at nagtuturo sa mga tao na tuparin iyon ay magiging dakila sa kaharian ng langit. 20 Sinasabi ko sa inyo, kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.