Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran
Katha ni David; isang Maskil.[a]
32 Mapalad(A) ang taong pinatawad na ang kasalanan,
at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
2 Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.
3 Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
4 Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
wala nang natirang lakas sa katawan,
parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)[b]
5 Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)[c]
6 Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,
sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,
at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
7 Ikaw ang aking lugar na kublihan;
inililigtas mo ako sa kapahamakan.
Aawitin ko nang malakas,
pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)[d]
8 Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan,
tuturuan kita at laging papayuhan.
9 Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa,
na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.”
10 Labis na magdurusa ang taong masama,
ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh
ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya.
11 Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos,
dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos;
sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod!
Ang Pangalawang Tapyas na Bato(A)
34 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Tumapyas ka ng dalawang batong tulad noong una at isusulat ko roon ang nasa mga tapyas na batong binasag mo. 2 Bukas, gumayak ka nang maaga at magpunta ka sa akin sa taluktok ng Bundok ng Sinai. 3 Huwag kang magsasama kahit sino. Walang pupunta isa man sa bundok at ni isang tupa o baka ay huwag hahayaang manginain doon.” 4 Tulad ng sinabi ni Yahweh, si Moises ay tumapyas ng dalawang bato at dinala ang mga ito kinaumagahan sa Bundok ng Sinai.
5 Si Yahweh ay bumabâ sa ulap, tumayo sa tabi ni Moises at binanggit ang kanyang pangalan: Yahweh.
6 Si(B) Yahweh ay nagdaan sa harapan ni Moises at sinabi niya, “Akong si Yahweh ay mahabagin at mapagmahal. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako'y nananatiling tapat. 7 Tinutupad ko ang aking pangako maging sa libu-libo, at patuloy kong ipinapatawad ang kanilang kasamaan, pagsuway at pagkakasala. Ngunit hindi ko pinalalampas ang kasalanan ng ama at ang pagpaparusa ko'y hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.”
8 At mabilis na lumuhod si Moises, at sumamba kay Yahweh. 9 Sinabi niya, “Kung talagang kinalulugdan ninyo ako, isinasamo kong samahan ninyo kami kahit na po matigas ang ulo ng lahing ito. Patawarin na ninyo kami at tanggapin bilang inyong bayan.”
27 Pagkatapos noon, sinabi niya kay Moises, “Isulat mo ang mga sinabi ko sapagkat ito ang mga tuntunin ng pakikipagtipan ko sa iyo at sa Israel.” 28 Si Moises ay apatnapung araw at apatnapung gabing kasama ni Yahweh, hindi kumakain o umiinom. Isinulat ni Yahweh sa mga tapyas na bato ang mga tuntunin ng tipan, ang sampung utos.
Ang Talinghaga tungkol sa Nawawalang Tupa(A)
10 “Pakaingatan(B) ninyong huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harap ng aking Ama na nasa langit. [11 Sapagkat(C) naparito ang Anak ng Tao upang iligtas ang napahamak.][a]
12 “Ano sa palagay ninyo ang gagawin ng isang taong may sandaang tupa kung nawala ang isa sa mga iyon? Hindi ba't iniiwan niya ang siyamnapu't siyam na nasa bundok upang hanapin ang naligaw? 13 Tandaan ninyo: kapag ito'y kanyang natagpuan, higit niyang ikagagalak ang isang ito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman hindi ayon sa kalooban ng inyong Ama[b] na nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.