Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 32

Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran

Katha ni David; isang Maskil.[a]

32 Mapalad(A) ang taong pinatawad na ang kasalanan,
    at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
    sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.

Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
    ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
    wala nang natirang lakas sa katawan,
    parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)[b]

Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
    mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
    at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)[c]

Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,
    sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,
    at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
Ikaw ang aking lugar na kublihan;
    inililigtas mo ako sa kapahamakan.
Aawitin ko nang malakas,
    pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)[d]

Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan,
    tuturuan kita at laging papayuhan.
Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa,
    na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.”

10 Labis na magdurusa ang taong masama,
    ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh
    ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya.
11 Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos,
    dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos;
sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod!

1 Mga Hari 19:1-8

Nagpunta si Elias sa Sinai

19 Sinabi ni Haring Ahab sa kanyang asawang si Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias at kung paano pinatay ni Elias ang lahat ng mga propeta ni Baal. Kaya't nagpadala si Jezebel ng isang sugo upang sabihin kay Elias, “Patayin sana ako ng mga diyos kung hindi ko gagawin sa iyo sa ganito ring oras ang ginawa mo sa mga propeta.” Natakot si Elias na mamatay, kaya't umalis siya at nagpunta sa Beer-seba, sa lupain ng Juda, kasama ang kanyang utusan.

Iniwan niya roon ang kanyang utusan at(A) mag-isang pumunta sa ilang. Pagkatapos ng maghapong paglalakad ay naupo siya sa lilim ng isang puno at nanalangin nang ganito: “Yahweh, kunin na po ninyo ako. Ako po'y hirap na hirap na. Mabuti pa pong mamatay na ako.”

Pagkatapos, nahiga siya at nakatulog. Ngunit dumating ang isang anghel, kinalabit siya nito at ang sabi, “Gising na at kumain ka!” Nang siya'y lumingon, nakita niya sa may ulunan ang isang tinapay na niluto sa ibabaw ng mainit na bato, at tubig sa isang lalagyan. Kumain nga siya at uminom. Pagkatapos ay nahiga muli. Ngunit bumalik ang anghel ni Yahweh, ginising siya muli at sinabi, “Bumangon ka at kumain. Napakahaba pa ng lalakarin mo.” Kumain nga siyang muli at uminom. At ang pagkaing iyo'y nagbigay sa kanya ng sapat na lakas upang maglakbay ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang sa Sinai,[a] ang Bundok ng Diyos.

Mga Hebreo 2:10-18

10 Sa pamamagitan ng kanyang pagdurusa, siya'y ginawang ganap ng Diyos at nang sa gayon ay makapagdala siya ng maraming anak patungo sa kaluwalhatian. Ito'y dapat lamang gawin ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, sapagkat si Jesus ang tagapanguna ng kanilang kaligtasan.

11 Si Jesus ang nagpapabanal sa mga tao. Ang kanyang Ama at ang Ama ng mga taong ito ay iisa, kaya't hindi niya ikinahihiyang tawagin silang mga kapatid. 12 Sinabi(A) niya sa Diyos,

“Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang iyong pangalan,
    sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.”

13 Sinabi(B) rin niya,

“Ako'y mananalig sa Diyos.”

At dugtong pa niya,

“Narito ako, at ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos.”

14 Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila'y may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. 15 Sa pamamagitan din ng kanyang kamatayan ay pinalaya niya ang lahat ng tao na buong buhay nila'y inalipin ng takot sa kamatayan. 16 Hindi(C) ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, sa halip ay ang mga anak ni Abraham. 17 Kaya't kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Upang siya'y maging isang Pinakapunong Pari na mahabagin at tapat na naglilingkod sa Diyos at nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao. 18 At ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso, sapagkat siya man ay tinukso at nagdusa.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.