Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Yahweh ang Ating Tagapagtanggol
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
121 Do'n sa mga burol, ako'y napatingin—
sasaklolo sa akin, saan manggagaling?
2 Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula,
sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.
3 Di niya ako hahayaang mabuwal,
siya'y di matutulog, ako'y babantayan.
4 Ang tagapagtanggol ng bayang Israel,
hindi natutulog at palaging gising!
5 Si Yahweh ang ating Tagapag-ingat,
laging nasa piling, upang magsanggalang.
6 Di ka maaano sa init ng araw,
kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan.
7 Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat,
sa mga panganib, ika'y ililigtas.
8 Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat
saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan.
18 Wala nang ibang diyos na tulad mo, O Yahweh. Pinapatawad mo ang mga kasalanan ng mga nakaligtas sa bayan mong pinili. Hindi nananatili ang iyong galit magpakailanman. Sa halip ay ipinadarama mo sa kanila ang tapat mong pag-ibig. 19 Muli mo kaming kaaawaan. Tatapakan mo ang aming mga kasalanan at ihahagis sa kalaliman ng dagat. 20 Patunayan mo ang iyong katapatan sa bayan ni Jacob at ang iyong pag-ibig sa angkan ni Abraham, gaya ng iyong ipinangako sa aming mga ninuno mula pa noong unang panahon.
Ang Pagpapawalang-sala ng Diyos sa Tao
21 Ngunit ngayo'y nahayag na kung paano ginagawang matuwid ng Diyos ang tao. Ito'y hindi sa pamamagitan ng Kautusan; bagaman ang Kautusan at ang mga Propeta ang nagpapatotoo tungkol dito. 22 Ginagawang matuwid ng Diyos ang lahat sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya kay Jesu-Cristo. Walang pagkakaiba ang mga tao, 23 sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Ngunit dahil sa kanyang kagandahang-loob na walang bayad niyang ibinigay, sila ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang nagpapalaya sa kanila. 25 Siya ang inialay ng Diyos bilang handog, upang sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Ginawa ito ng Diyos upang patunayang siya'y matuwid, sapagkat noong unang panahon ay nagtimpi siya at pinagtiisan ang mga kasalanang nagawa ng mga tao. 26 Ngunit ngayon ay ipinapakita ng Diyos na siya'y matuwid at itinuturing niyang matuwid ang mga sumasampalataya kay Jesus.
27 Kaya't ano ngayon ang ating maipagmamalaki? Wala! At bakit naman tayo magmamalaki? Dahil ba sa ating pagsunod sa Kautusan? Hindi! Kundi dahil sa ating pananampalataya kay Cristo. 28 Kung gayon, maliwanag na sa pamamagitan ng pananampalataya itinuturing na matuwid ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan. 29 Ang Diyos ba'y Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba't Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, siya'y Diyos din ng mga Hentil, 30 sapagkat(A) iisa lamang ang Diyos. Kapwa niya ituturing na matuwid ang mga Judio at mga Hentil batay sa kanilang pananampalataya. 31 Pinapawalang-saysay ba namin ang Kautusan dahil sa pananampalatayang ito? Hinding-hindi! Sa halip, pinapagtibay pa nga namin ito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.