Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
15 Inilagay ng Panginoong Yahweh ang tao sa halamanan ng Eden upang ito'y pagyamanin at pangalagaan. 16 Sinabi niya sa tao, “Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, 17 maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay mamamatay ka.”
Nagkasala ang Tao
3 Ang(A) ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoong Yahweh. Isang araw tinanong nito ang babae, “Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?”
2 Sumagot ang babae, “Maaari naming kainin ang anumang bunga sa halamanan, 3 huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon. Sinabi ng Diyos na huwag naming kakainin ni hihipuin man ang bunga nito; kung kami raw ay kakain nito, mamamatay kami.”
4 Ngunit sinabi ng ahas, “Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay! 5 Sinabi lang iyan ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon ay makakaunawa kayo. Kayo'y magiging parang Diyos at malalaman ninyo ang mabuti at masama.”
6 Ang punongkahoy ay napakaganda sa paningin ng babae at sa palagay niya'y masarap ang bunga nito. Naisip din niya na kahanga-hanga ang maging marunong, kaya't pumitas siya ng bunga at kumain nito. Binigyan niya ang kanyang asawa, at kumain din ito. 7 Nagkaroon nga sila ng pagkaunawa matapos kumain. Noon nila nalamang sila'y hubad, kaya kumuha sila ng mga dahon ng igos, pinagtahi-tahi nila ang mga ito at ginawang panakip sa katawan.
Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran
Katha ni David; isang Maskil.[a]
32 Mapalad(A) ang taong pinatawad na ang kasalanan,
at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
2 Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.
3 Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
4 Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
wala nang natirang lakas sa katawan,
parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)[b]
5 Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)[c]
6 Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,
sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,
at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
7 Ikaw ang aking lugar na kublihan;
inililigtas mo ako sa kapahamakan.
Aawitin ko nang malakas,
pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)[d]
8 Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan,
tuturuan kita at laging papayuhan.
9 Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa,
na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.”
10 Labis na magdurusa ang taong masama,
ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh
ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya.
11 Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos,
dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos;
sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod!
Si Adan at si Cristo
12 Ang(A) kasalanan ay pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan ay pumasok sa pamamagitan ng kasalanan. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat ang lahat ay nagkasala. 13 Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago ibigay ang Kautusan, ngunit kung walang kautusan, ang kasalanan ay hindi itinuturing na kasalanan. 14 Gayunman, naghari pa rin ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, pati sa mga taong hindi nagkasala tulad ng pagsuway ni Adan sa utos ng Diyos.
Si Adan ay anyo ng isang darating. 15 Subalit magkaiba ang dalawang ito dahil ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay hindi katulad ng kasalanan ni Adan. Totoong maraming tao ang namatay dahil sa kasalanan ng isang tao. Ngunit ang kagandahang-loob ng Diyos ay mas dakila, gayundin ang kanyang walang bayad na kaloob sa maraming tao sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng isang tao, si Jesu-Cristo. 16 Ang kaloob na ito ay hindi katulad ng ibinunga ng pagsuway ni Adan. Sapagkat hatol na kaparusahan ang idinulot matapos na magawâ ang isang pagsuway, subalit kaloob na nagpapawalang-sala naman ang idinulot matapos magawâ ang maraming pagsuway. 17 Sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao, naghari ang kamatayan. Ngunit sa pamamagitan din ng isang tao, si Jesu-Cristo, ang mga taong pinagpala nang sagana at itinuring na matuwid ng Diyos ay maghahari sa buhay.
18 At kung paanong ang pagsuway ng isang tao ay nagdulot ng kaparusahan sa lahat, ang matuwid na ginawa rin ng isang tao ay nagdudulot ng pagpapawalang-sala at buhay sa lahat. 19 Sapagkat kung naging makasalanan ang marami dahil sa pagsuway ng isang tao, marami rin ang mapapawalang-sala dahil sa pagsunod ng isang tao.
Ang Pagtukso kay Jesus(A)
4 Pagkatapos,(B) si Jesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. 2 Siya'y nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi kaya't siya'y nagutom. 3 Dumating ang diyablo at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mo ngang tinapay ang mga batong ito.” 4 Ngunit(C) sumagot si Jesus, “Nasusulat,
‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao,
kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.’”
5 Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lungsod, at pinatayo sa taluktok ng Templo. 6 Sinabi(D) nito sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat,
‘Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
at sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
nang sa mga bato, paa mo'y hindi masaktan.’”
7 Ngunit(E) sumagot si Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.’”
8 Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig at ang karangyaan ng mga ito. 9 Sinabi ng diyablo sa kanya, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin.”
10 Kaya't(F) sumagot si Jesus, “Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat,
‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin.
At siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’”
11 Pagkatapos, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran nila.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.