Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 2

Ang Haring Pinili ni Yahweh

Bakit(A) nagbabalak maghimagsik ang mga bansa?
    Sa sabwatan nilang ito'y anong kanilang mapapala?
Mga hari ng lupa'y nagkasundo at sama-samang lumalaban,
    hinahamon si Yahweh at ang kanyang hinirang:
Sinasabi nila: “Ang paghahari nila sa atin ay dapat nang matapos;
    dapat na tayong lumaya at kumawala sa gapos.”

Si Yahweh na nakaupo sa langit ay natatawa lamang,
    lahat ng plano nila ay wala namang katuturan.
Sa tindi ng kanyang galit, sila'y kanyang binalaan;
    sa tindi ng poot, sila'y kanyang sinabihan,
“Doon sa Zion, sa bundok na banal,
    ang haring pinili ko'y aking itinalaga.”

“Ipahahayag(B) ko ang sinabi sa akin ni Yahweh,
    ‘Ikaw ang aking anak,
    mula ngayo'y ako na ang iyong ama.
Hingin mo ang mga bansa't ibibigay ko sa iyo,
    maging ang buong daigdig ay ipapamana ko.
Dudurugin(C) mo sila ng tungkod na bakal;
    tulad ng palayok, sila'y magkakabasag-basag.’”

10 Kaya't magpakatalino kayo, mga hari ng mundo,
    ang babalang ito'y unawain ninyo:
11 Paglingkuran ninyo si Yahweh nang may takot at paggalang,
    sa paanan ng kanyang anak

12 yumukod kayo't magparangal,

baka magalit siya't bigla kayong parusahan.
Mapalad ang taong ang Diyos ang kanlungan.

1 Mga Hari 21:20-29

20 Sinabi ni Ahab kay Elias, “Nakita mo na naman ako, aking kaaway.”

Sagot naman sa kanya ni Elias, “Hinanap kita muli sapagkat nalulong ka na sa paggawa ng masama sa paningin ni Yahweh! 21 Malagim na parusa ang babagsak sa iyo. Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Itatakwil kita! Lilipulin ko ang mga anak mong lalaki, matanda at bata. 22 Paparusahan kita tulad ng ginawa ko sa angkan ni Jeroboam na anak ni Nebat, at sa angkan ni Baasa na anak ni Ahias sapagkat ginalit mo ako at hinimok mo ang Israel sa pagkakasala.’ 23 Ito(A) naman ang pahayag laban kay Jezebel: “Si Jezebel ay lalapain ng mga aso sa loob mismo ng Jezreel.” 24 Sinuman sa angkan ni Ahab ang mamatay sa bayan ay kakainin ng mga aso; sinumang mamatay sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.”

25 Dahil sa mga sulsol ni Jezebel, walang nakapantay sa mga kasamaang ginawa ni Ahab sa paningin ni Yahweh. 26 Ginawa niya ang mga mahahalay na kasalanan sa pamamagitan ng pagsamba niya sa mga diyus-diyosan, gaya ng mga Amoreo na pinalayas ni Yahweh noong pumasok ang bayang Israel sa lupaing iyon.

27 Nang marinig ni Ahab ang mga sinabi ng propeta, pinunit niya ang kanyang damit, nagsuot ng damit-panluksa kahit sa pagtulog. Nag-ayuno siya bilang tanda ng malaking kalungkutan. 28 Kaya't sinabi ni Yahweh kay Elias, 29 “Napansin mo ba kung paano nagpapakumbaba sa harapan ko si Ahab? Sapagkat nagpapakumbaba siya, hindi ko itutuloy ang parusa sa kanya habang siya'y nabubuhay. Ngunit pagkamatay niya, paparusahan ko ang kanyang angkan.”

Marcos 9:9-13

Nang sila'y bumababa na mula sa bundok, mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag sasabihin kaninuman ang kanilang nakita hangga't hindi pa muling nabubuhay ang Anak ng Tao. 10 Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila'y nagtanungan sa isa't isa kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay. 11 At(A) tinanong nila si Jesus, “Bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?”

12 Tumugon(B) siya, “Darating nga muna si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Ngunit bakit sinasabi din sa Kasulatan na ang Anak ng Tao'y hahamakin at magtitiis ng maraming hirap? 13 Subalit sinasabi ko sa inyo, dumating na nga si Elias at ginawa sa kanya ng mga tao ang nais nila, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.