Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Paghingi ng Kapatawaran
Awit(A) na katha ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang siya ay pagwikaan ni Propeta Natan tungkol kay Batsheba.
51 Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
2 Linisin mo sana ang aking karumhan,
at patawarin mo'ng aking kasalanan!
3 Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
di ko malilimutan, laging alaala.
4 Sa(B) iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
marapat na ako'y iyong parusahan.
5 Ako'y masama na buhat nang isilang,
makasalanan na nang ako'y iluwal.
6 Nais mo sa aki'y isang pusong tapat;
puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
7 Ako ay linisin, sala ko'y hugasan
at ako'y puputi nang lubus-lubusan.
8 Sa galak at tuwa ako ay puspusin;
butong nanghihina'y muling palakasin.
9 Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin,
lahat kong nagawang masama'y pawiin.
10 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
11 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
iyong banal na Espiritu'y paghariin.
12 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
ibalik at ako po'y gawin mong tapat.
13 Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.
14 Ingatan mo ako, Tagapagligtas ko
at aking ihahayag ang pagliligtas mo.
15 Tulungan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.
16 Hindi mo na nais ang mga handog;
di ka nalulugod, sa haing sinunog;
17 ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba't pusong mapagtapat.
18 Iyong kahabagan, O Diyos, ang Zion;
at ang Jerusalem ay muling ibangon.
19 At kung magkagayon, ang handog na haing
dala sa dambana, torong susunugin,
malugod na ito'y iyong tatanggapin.
Si Jonas sa Nineve
3 Muling sinabi ni Yahweh kay Jonas, 2 “Pumunta ka sa Lunsod ng Nineve at ipahayag mo ang mga ipinapasabi ko sa iyo.” 3 Nagpunta nga si Jonas sa Nineve. Malaki ang lunsod na ito; aabutin ng tatlong araw kung ito ay lalakarin. 4 Siya'y(A) pumasok sa lunsod. Pagkaraan ng maghapong paglalakad, malakas niyang ipinahayag, “Gugunawin ang Nineve pagkaraan ng apatnapung araw!” 5 Naniwala ang mga tagaroon sa pahayag na ito mula sa Diyos. Kaya, nag-ayuno silang lahat at nagdamit ng panluksa bilang tanda ng lubos na pagsisisi at pagtalikod sa kanilang mga kasalanan.
6 Nang mabalitaan ito ng hari ng Nineve, bumabâ siya sa kanyang trono, naghubad ng balabal, nagdamit ng panluksa at naupo sa abo. 7 At ipinasabi niya sa mga taga-Nineve, “Ito'y utos ng hari at ng kanyang mga pinuno. Walang dapat kumain ng anuman. Wala ring iinom, maging tao o hayop. 8 Lahat ng tao at hayop ay magdamit ng panluksa. Taimtim na manalangin sa Diyos ang bawat isa. Pagsisihan ng lahat ang nagawa nilang kasalanan at iwan ang masamang pamumuhay. 9 Baka sa paraang ito'y mapawi ang galit ng Diyos, magbago siya ng kanyang pasya at hindi na niya ituloy ang balak na pagpatay sa atin.”
10 Nakita ng Diyos ang kanilang pagtalikod sa kasamaan kaya hindi na niya pinarusahan ang mga ito tulad ng kanyang naunang sinabi.
1 Mula kay Pablo na isang lingkod[a] ni Cristo Jesus, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Magandang Balita ng Diyos.
2 Ang Magandang Balitang ito na ipinangako niya noong una pa man sa pamamagitan ng mga propeta, at sinasabi sa mga Banal na Kasulatan, 3-4 ay tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Tungkol sa kanyang pagiging tao, siya'y ipinanganak mula sa lahi ni David; subalit tungkol sa kanyang pagka-Diyos, pinatunayan ng Banal na Espiritu na siya ay Anak ng Diyos sa pamamagitan ng isang makapangyarihang gawa, ang kanyang muling pagkabuhay. 5 Sa pamamagitan niya, tinanggap namin mula sa Diyos ang kaloob na maging apostol alang-alang kay Cristo, upang ang mga Hentil ay akayin sa pagsunod na naaayon sa pananampalataya. 6 Kayo'y kabilang sa mga tinawag na maging mga tagasunod ni Jesu-Cristo.
7 Sa inyong lahat na nasa Roma, mga minamahal ng Diyos at tinawag upang maging banal, sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.