Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 51

Panalangin ng Paghingi ng Kapatawaran

Awit(A) na katha ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang siya ay pagwikaan ni Propeta Natan tungkol kay Batsheba.

51 Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
    sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
    ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan,
    at patawarin mo'ng aking kasalanan!

Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
    di ko malilimutan, laging alaala.
Sa(B) iyo lang ako nagkasalang tunay,
    at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
    marapat na ako'y iyong parusahan.
Ako'y masama na buhat nang isilang,
    makasalanan na nang ako'y iluwal.

Nais mo sa aki'y isang pusong tapat;
    puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
Ako ay linisin, sala ko'y hugasan
    at ako'y puputi nang lubus-lubusan.
Sa galak at tuwa ako ay puspusin;
    butong nanghihina'y muling palakasin.
Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin,
    lahat kong nagawang masama'y pawiin.

10 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
    bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
11 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
    iyong banal na Espiritu'y paghariin.
12 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
    ibalik at ako po'y gawin mong tapat.
13 Kung magkagayon na, aking tuturuang
    sa iyo lumapit ang makasalanan.

14 Ingatan mo ako, Tagapagligtas ko
    at aking ihahayag ang pagliligtas mo.
15 Tulungan mo akong makapagsalita,
    at pupurihin ka sa gitna ng madla.

16 Hindi mo na nais ang mga handog;
    di ka nalulugod, sa haing sinunog;
17 ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
    ay ang pakumbaba't pusong mapagtapat.

18 Iyong kahabagan, O Diyos, ang Zion;
    at ang Jerusalem ay muling ibangon.
19 At kung magkagayon, ang handog na haing
    dala sa dambana, torong susunugin,
    malugod na ito'y iyong tatanggapin.

Jonas 4

Nagalit si Jonas Dahil sa Pagkahabag ng Diyos

Ngunit dahil dito, nalungkot si Jonas at siya'y nagalit sapagkat hindi niya nagustuhan ang pagpapatawad ng Diyos sa Nineve. Kaya't(A) siya'y nanalangin, “O Yahweh, hindi ba bago pa ako magpunta rito ay sinabi kong ganito nga ang gagawin ninyo? At ito ang dahilan kaya ako tumakas patungong Tarsis! Alam kong kayo ay Diyos na mahabagin at mapagmahal, hindi madaling magalit at wagas ang pag-ibig. Alam kong lagi kayong handang magpatawad. Mabuti(B) pang mamatay na lang ako, Yahweh. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa mabuhay.”

Sumagot si Yahweh, “Anong ikinagagalit mo, Jonas?” Pagkasabi nito, lumakad si Jonas papunta sa silangan ng lunsod at naupo. Gumawa siya ng isang silungan at doon hinintay kung ano ang mangyayari sa lunsod. Pinatubo ng Diyos na si Yahweh sa may tabi ni Jonas ang isang malagong halaman na nagbibigay ng lilim sa kanya. Labis naman itong ikinagalak ni Jonas. Ngunit kinabukasan, ang halaman ay ipinasira ng Diyos sa isang uod at ito'y natuyo. Sumikat nang matindi ang araw at umihip ang nakakapasong hangin; halos mahilo si Jonas sa tindi ng init. Kaya sinabi niya, “Mabuti pang mamatay na ako.”

Sinabi sa kanya ng Diyos, “Dapat ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman?”

Sumagot siya, “Opo, nagagalit po ako. Gusto ko nang mamatay.”

10 Sinabi ni Yahweh, “Tumubo ang halamang iyon, lumago sa loob ng magdamag, at namatay kinabukasan. Wala kang hirap diyan ngunit nalungkot ka nang iyan ay mamatay. 11 Ako pa kaya ang hindi malulungkot sa kalagayan ng Nineve? Ito'y isang malaking lunsod na tinitirhan ng mahigit na 120,000 taong hindi alam kung ano ang mabuti o ang masama, bukod pa sa maraming kawan!”

Roma 1:8-17

Nais ni Pablo na Dumalaw sa Roma

Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay balitang-balita sa buong daigdig. Saksi ko ang Diyos, na pinaglilingkuran ko nang buong puso sa pamamagitan ng aking pangangaral ng Magandang Balita tungkol sa kanyang Anak, na lagi ko kayong idinadalangin. 10 Lagi kong hinihiling na loobin nawa ng Diyos na sa wakas matuloy din ang pagpunta ko riyan. 11 Nananabik akong makita kayo upang mamahagi sa inyo ng mga kaloob ng Espiritu sa ikatatatag ninyo. 12 Ang ibig kong sabihi'y upang magkatulungan tayo sa ikalalakas ng bawat isa sa atin sa pamamagitan ng ating pananalig sa Diyos.

13 Mga(A) kapatid, nais kong malaman ninyo na ilang ulit ko nang binalak na pumunta riyan, ngunit laging may nagiging hadlang. Nais ko ring makahikayat diyan ng mga sasampalataya kay Cristo, tulad ng nagawa ko na sa ibang mga Hentil. 14 May pananagutan ako sa lahat ng mga tao: sa mga sibilisado man o hindi, sa marurunong at sa mga mangmang. 15 Kaya nga, nais ko ring ipangaral diyan sa Roma ang Magandang Balita.

Ang Kapangyarihan ng Magandang Balita

16 Hindi(B) ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego. 17 Sapagkat(C) sa Magandang Balita ay ipinapakita kung paano itinutuwid ng Diyos ang kaugnayan ng tao sa kanya. Ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya buhat sa simula hanggang sa wakas. Tulad ng sinasabi sa Kasulatan, “Ang itinuring ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.”[a]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.