Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 2

Ang Haring Pinili ni Yahweh

Bakit(A) nagbabalak maghimagsik ang mga bansa?
    Sa sabwatan nilang ito'y anong kanilang mapapala?
Mga hari ng lupa'y nagkasundo at sama-samang lumalaban,
    hinahamon si Yahweh at ang kanyang hinirang:
Sinasabi nila: “Ang paghahari nila sa atin ay dapat nang matapos;
    dapat na tayong lumaya at kumawala sa gapos.”

Si Yahweh na nakaupo sa langit ay natatawa lamang,
    lahat ng plano nila ay wala namang katuturan.
Sa tindi ng kanyang galit, sila'y kanyang binalaan;
    sa tindi ng poot, sila'y kanyang sinabihan,
“Doon sa Zion, sa bundok na banal,
    ang haring pinili ko'y aking itinalaga.”

“Ipahahayag(B) ko ang sinabi sa akin ni Yahweh,
    ‘Ikaw ang aking anak,
    mula ngayo'y ako na ang iyong ama.
Hingin mo ang mga bansa't ibibigay ko sa iyo,
    maging ang buong daigdig ay ipapamana ko.
Dudurugin(C) mo sila ng tungkod na bakal;
    tulad ng palayok, sila'y magkakabasag-basag.’”

10 Kaya't magpakatalino kayo, mga hari ng mundo,
    ang babalang ito'y unawain ninyo:
11 Paglingkuran ninyo si Yahweh nang may takot at paggalang,
    sa paanan ng kanyang anak

12 yumukod kayo't magparangal,

baka magalit siya't bigla kayong parusahan.
Mapalad ang taong ang Diyos ang kanlungan.

Exodo 6:2-9

Muling Isinugo si Moises

Sinabi(A) ng Diyos kay Moises, “Ako si Yahweh. Nagpakita ako kina Abraham, Isaac at Jacob bilang Makapangyarihang Diyos ngunit hindi ako nagpakilala sa kanila sa pangalang Yahweh. Gumawa ako ng kasunduan sa kanila at nangako akong ibibigay sa kanila ang Canaan, ang lupaing tinirhan nila noon bilang mga dayuhan. Narinig ko ang daing ng bayang Israel na inaalipin ng mga Egipcio, at hindi ko nalilimutan ang ginawa kong kasunduan sa kanilang mga ninuno. Kaya ito ang sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako si Yahweh. Ililigtas ko kayo sa pagpapahirap ng mga Egipcio. Ipadarama ko sa kanila ang bigat ng aking kamay; paparusahan ko sila at kayo'y palalayain ko mula sa pagkaalipin. Ituturing ko kayong aking sariling bayan at ako ang magiging Diyos ninyo. At makikilala ninyong ako si Yahweh, ang inyong Diyos, ang nagligtas sa inyo sa pagpapahirap ng mga Egipcio. Dadalhin ko kayo sa lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac at Jacob at iyon ay ibibigay ko sa inyo. Ako si Yahweh.’” Sinabi ito ni Moises sa mga Israelita, ngunit ayaw na nilang maniwala dahil sa panghihina ng loob at dahil sa matinding kahirapang kanilang dinaranas.

Mga Hebreo 8:1-7

Si Jesus ang Ating Pinakapunong Pari

Ito(A) ang ibig naming sabihin: mayroon tayong ganyang Pinakapunong Pari, na nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasan. Siya'y naglilingkod doon sa Dakong Banal, sa tunay na toldang itinayo ng Panginoon, at hindi ng tao.

Tungkulin ng bawat pinakapunong pari ang mag-alay ng mga kaloob at mga handog, kaya't kailangang ang ating Pinakapunong Pari ay mayroon ding ihahandog. Kung siya ay nasa lupa, hindi siya maaaring maging pari, sapagkat mayroon nang mga paring naghahandog ng mga kaloob ayon sa Kautusan. Ang(B) paglilingkod ng mga ito ay larawan lamang ng nasa langit, sapagkat nang itatayo na ni Moises ang tolda, mahigpit na ipinagbilin sa kanya ng Diyos ang ganito, “Tiyakin mo na gagawin mo ang lahat ayon sa huwarang ipinakita ko sa iyo sa bundok.” Ngunit ang paglilingkod na ipinagkaloob kay Jesus ay higit na dakila kaysa ipinagkaloob sa kanila, dahil siya'y tagapamagitan ng isang tipan na higit na mabuti, sapagkat ang tipang ito ay nababatay sa mas maiinam na pangako.

Kung walang kakulangan ang unang tipan, hindi na sana nangailangan pa ng pangalawa.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.