Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Mapalad ang Mabuting Tao
112 Purihin si Yahweh!
Mapapalad ang tao na kay Yahweh ay gumagalang,
at taos-pusong sumusunod sa kanyang kautusan.
2 Ang kanyang lipi'y magiging dakila,
pati mga angkan ay may pagpapala.
3 Magiging sagana sa kanyang tahanan,
pagpapala niya'y walang katapusan.
4 Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.
5 Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.
6 Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
7 Masamang balita'y hindi nagigitla,
matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala.
8 Wala siyang takot, hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
9 Nagbibigay(A) sa mga nangangailangan,
pagiging mat'wid niya'y walang hanggan,
buong karangalang siya'y itataas.
10 Kung makita ito ng mga masama,
lumalayas silang mabagsik ang mukha;
pagkat ang pag-asa'y lubos nang nawala.
13 Sasabihin(A) naman ni Yahweh,
“Sa salita lamang malapit sa akin ang mga taong ito,
at sa bibig lamang nila ako iginagalang,
subalit inilayo nila sa akin ang kanilang puso,
at ayon lamang sa utos ng tao ang kanilang paglilingkod.
14 Kaya(B) muli akong gagawa
ng kababalaghan sa harapan nila,
mga bagay na kahanga-hanga at kataka-taka;
mawawalang-saysay ang karunungan ng kanilang mga matatalino,
at maglalaho ang katalinuhan ng kanilang matatalino.”
Ang Pag-asa sa Hinaharap
15 Kaawa-awa ang mga nagtatago kay Yahweh habang sila'y gumagawa ng mga panukala.
Sila na nagsasabing: “Doon kami sa gitna ng dilim
upang walang makakakilala o makakakita sa amin!”
16 Binabaligtad(C) ninyo ang katotohanan!
Masasabi ba ng palayok sa gumagawa nito,
“Hindi naman ikaw ang humugis sa akin;”
at masasabi ba ng nilikha sa lumikha sa kanya,
“Hindi mo alam ang iyong ginagawa”?
Mga Nakaugaliang Katuruan(A)
7 Lumapit kay Jesus ang mga Pariseo kasama ang ilang tagapagturo ng Kautusan na galing pa sa Jerusalem. 2 Nakita nila ang ilan sa mga alagad niya na kumakain nang marumi ang mga kamay dahil hindi nahugasan ayon sa kaugalian ng mga Judio.
3 (Sapagkat ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga't hindi muna sila nakapaghuhugas ng kamay ayon sa kaugaliang minana nila mula sa kanilang mga ninuno. 4 Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan.[a] Marami pa silang sinusunod na katuruang minana, tulad ng paghuhugas ng mga tasa, pitsel, sisidlang tanso, [at mga higaan].[b]) 5 Kaya tinanong si Jesus ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi man lamang naghuhugas ng kamay ayon sa kaugalian.”
6 Sinagot(B) sila ni Jesus, “Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo, nang kanyang isulat,
‘Ang paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang,
sapagkat ito'y sa bibig at hindi sa puso bumubukal.
7 Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba,
sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.’
8 Binabaliwala ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo'y mga tradisyon ng tao.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.