Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 146

Pagpupuri sa Diyos na Tagapagligtas

146 Purihin si Yahweh!
    Purihin mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
Pupurihin siya't aking aawitan;
    aking aawitan habang ako'y buháy.

Sa mga pangulo'y huwag kang manghahawak,
    kahit sa kaninong di makapagligtas;
kung sila'y mamatay, balik sa alabok,
    kahit anong plano nila'y natatapos.

Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
    sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos,
    sa(A) Diyos na lumikha niyong kalangitan,
    ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.
Ang kanyang pangako ay maaasahan.
    Panig sa naaapi, kung siya'y humatol,
    may pagkaing handa, sa nangagugutom.

Pinalaya niya ang mga nabihag;
    isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
    ang mga hinirang niya'y nililingap.
Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila'y doon tumatahan;
    tumutulong siya sa balo't ulila,
    ngunit sa masama'y parusa'ng hatid niya.
10 Walang hanggang Hari, ang Diyos na si Yahweh!
    Ang Diyos mo, Zion, ay mananatili!

Purihin si Yahweh!

Isaias 60:17-22

17 “Sa halip na tanso ay bibigyan kita ng gintong dalisay,
pilak ang bigay ko sa halip na bakal;
sa halip na kahoy, tanso ang dala ko,
papalitan ko ng bakal ang dati'y bato.
Ang kapayapaan ay paghahariin sa iyo,
at ang katarungan ay mararanasan mo.
18 Ang ingay ng ‘Karahasan’ ay hindi na maririnig pa,
gayundin ang ‘Pagwasak’ sa iyong nasasakupan;
ang iyong mga pader ay tatawagin mong ‘Kaligtasan,’
at ‘Papuri’ naman ang iyong mga pintuan.

19 “Sa(A) buong maghapon ay wala nang araw na sisikat,
sa buong magdamag ay wala nang buwan na tatanglaw,
sapagkat si Yahweh mismo ang magiging ilaw mo magpakailanman,
at ang iyong Diyos ang liwanag mong walang katapusan.
20 Kailanma'y hindi na lulubog ang iyong araw,
at ang iyong buwan ay hindi na rin maglalaho;
si Yahweh ang iyong magiging walang hanggang ilaw,
at ang mga araw ng iyong kapighatian ay mawawala.
21 Ang mamamayan mo'y magkakaroon ng matuwid na pamumuhay,
kaya ang lupain ay aariin nila magpakailanman.
Sila'y nilikha ko at itinanim,
upang ihayag nila ang aking kadakilaan.
22 Ang pinakamaliit na lipi ninyo ay dadaming mainam,
at ang munting bansa ay magiging makapangyarihan.
Ako si Yahweh na kaagad tutupad sa aking mga pangako
kapag dumating na ang takdang panahon.”

Mateo 9:27-34

Ang Pagpapagaling sa Dalawang Bulag

27 Pag-alis ni Jesus doon, sinundan siya ng dalawang lalaking bulag. Sumisigaw sila habang nasa daan, “Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!”

28 Pagpasok ni Jesus sa bahay, lumapit sa kanya ang mga bulag. Tinanong sila ni Jesus, “Naniniwala ba kayo na mapapagaling ko kayo?” “Opo, Panginoon!” sagot nila. 29 Hinipo niya ang kanilang mga mata at sinabi, “Mangyari ang ayon sa inyong pananampalataya.” 30 At nakakita nga sila. Mahigpit na ipinagbilin sa kanila ni Jesus na huwag sasabihin iyon kaninuman. 31 Ngunit nang sila'y makaalis, ipinamalita nila sa buong lupaing iyon ang ginawa sa kanila ni Jesus.

Pinagaling ang Piping Sinasaniban ng Demonyo

32 Nang paalis na sila, dinala kay Jesus ang isang piping sinasapian ng demonyo. 33 Pinalayas ni Jesus ang demonyo at nakapagsalita agad ang pipi. Namangha ang mga tao at nasabi nila, “Kailanman ay wala pang nakitang katulad nito sa Israel!” [34 Subalit(A) sinabi naman ng mga Pariseo, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo.”][a]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.