Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
95 Tayo na't lumapit
kay Yahweh na Diyos, siya ay awitan,
ang batong kublihan,
atin ngang handugan, masayang awitan!
2 Tayo na't lumapit,
sa kanyang presensya na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
3 Sapagkat si Yahweh,
siya ay dakila't makapangyarihang Diyos,
ang dakilang Haring
higit pa sa sinuman na dinidiyos.
4 Nasa kanyang palad
ang buong daigdig, pati kalaliman;
ang lahat ay kanya
maging ang mataas nating kabundukan.
5 Kanya rin ang dagat
at pati ang lupa na kanyang nilalang.
6 Tayo na't lumapit,
sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
ni Yahweh na siyang sa ati'y may lalang.
7 Siya(A) (B) ang ating Diyos,
at tayo ang bayan sa kanyang pastulan,
mga tupang kanyang inaalagaan.
At ngayon kanyang salita'y ating pakinggan:
8 “Iyang(C) inyong puso'y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masah.
9 Ako ay tinukso't
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagama't nakita
ang aking ginawang sila'ng nakinabang.
10 Apatnapung taon,
sa inyong ninuno ako ay nagdamdam,
ang aking sinabi,
‘Sila ay suwail, walang pakundangan
at ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin!’
11 Kaya't(D) sa galit ko,
ako ay sumumpang hindi sila makakapasok
at makakapagpahinga sa aking piling.”
Ang Manna at mga Pugo
16 Mula sa Elim, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita, at ikalabing limang araw ng ikalawang buwan mula ng sila'y lumabas sa Egipto nang sila'y dumating sa ilang ng Sin, sa pagitan ng Elim at Sinai. 2 Ang mga Israelita'y nagreklamo kina Moises at Aaron. 3 Sinabi nila, “Mabuti pa sana'y pinatay na kami ni Yahweh sa Egipto. Doon, nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang gusto namin. Dito naman sa ilang na pinagdalhan ninyo sa amin, mamamatay kami sa gutom.”
4 Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, “Pauulanan ko kayo ng tinapay mula sa langit. Araw-araw, palalabasin mo ng bahay ang mga tao para mamulot ng kakainin nila sa maghapon. Sa pamamagitan nito'y susubukin ko kung susunod sila sa aking mga tagubilin. 5 Tuwing ikaanim na araw, doble sa karaniwan ang kanilang pupulutin at ihahanda.”
6 Pagkatapos ng pakikipag-usap nila kay Yahweh, sinabi nina Moises at Aaron sa mga Israelita, “Mamayang gabi, mapapatunayan ninyo na si Yahweh ang naglabas sa inyo sa Egipto. 7 At bukas ng umaga, makikita ninyo ang kanyang kapangyarihan. Narinig niya ang inyong reklamo laban sa kanya. Laban sa kanya, sapagkat tuwing gagawin ninyo ito ay sa kanya kayo nagrereklamo, hindi sa amin.” 8 Idinugtong pa ni Moises, “Mamayang gabi, bibigyan niya kayo ng karne. Bukas ng umaga ay tinapay ang ibibigay niya sa inyo hanggang gusto ninyo. Iyan ang sagot niya sa inyo. Ang totoo, anumang reklamo ninyo ay laban sa kanya, hindi sa amin, sapagkat sino ba kami para pagreklamuhan ninyo?”
Ang Likas at Gawain ni Cristo
15 Si(A) Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. 17 Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya. 18 Siya(B) ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pasimula, siya ang panganay na binuhay mula sa kamatayan, upang siya'y maging pangunahin sa lahat. 19 Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak, 20 at(C) sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa ay ipagkasundo sa kanya. Nakamtan ang kapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak na inialay sa krus.[a]
21 Dati, kayo'y malayo sa Diyos at naging kaaway niya dahil sa inyong paggawa at pag-iisip ng masasama. 22 Ngunit naging tao ang Anak ng Diyos at sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay ay ipinagkasundo kayo sa Diyos. Nang sa gayon ay maiharap niya kayong banal, walang kapintasan at walang dungis. 23 Subalit kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag pabayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na inyong narinig. Niloob ng Diyos na akong si Pablo ay maging lingkod para sa Magandang Balitang ito na ipinangaral sa lahat ng tao sa buong daigdig.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.