Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin ng Isang Dinalang-bihag(A)
43 Hatulan mong ako'y walang kasalanan, Panginoon,
at laban sa masasama, ako'y iyong ipagtanggol;
sa masama't sinungaling, ilayo mo ako ngayon!
2 Diyos na aking sanggalang, bakit mo ako iniwan?
Bakit ako nagdurusa sa pahirap ng kaaway?
3 Ang totoo't ang liwanag, buhat sa iyo ay pakamtan,
upang sa Zion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.
4 Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
yamang galak at ligaya ang sa aki'y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa'y magpupuri akong lubos,
buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!
5 Bakit ako nababahala, bakit ako nahahapis?
Sa Diyos ako ay aasa at sa kanya mananalig.
Muli akong magpupuri sa Diyos ko't Tagapagligtas,
itong aking pagpupuri sa kanya ko ihahayag!
Pinangaralan ni Yahweh ang mga Pari
6 Pinagsabihan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang mga paring lumalapastangan sa kanyang pangalan, “Pinaparangalan ng anak ang kanyang ama at ng alipin ang kanyang panginoon. Kung ako ang inyong ama, bakit hindi ninyo ako iginagalang? Kung ako ang inyong Panginoon, bakit hindi ninyo ako pinaparangalan? Nilalapastangan ninyo ako at pagkatapos ay itatanong pa ninyo, ‘Sa anong paraan namin kayo nilalapastangan?’ 7 Nag-aalay kayo sa aking altar ng mga walang halagang pagkain. At itinanong pa ninyo, ‘Paano naging marumi ang aming handog?’ Hinahamak ninyo ang aking altar 8 sa(A) tuwing maghahandog kayo sa akin ng mga hayop na bulag, pilay, o maysakit. Subukin ninyong maghandog ng ganyan sa inyong gobernador, matuwa kaya siya sa inyo at ibigay ang inyong kahilingan?
9 “Magsumamo man kayo sa Diyos ay hindi niya kayo papakinggan kung ganyan ang ihahandog ninyo sa kanya. 10 Mabuti pa'y isara na ng isa sa inyo ang mga pinto ng Templo at huwag na kayong mag-aksaya ng panahon sa pagsisindi ng walang kabuluhang apoy sa ibabaw ng aking altar! Hindi ako nalulugod sa inyo at hindi ko tatanggapin ang anumang handog ninyo sa akin. 11 Iginagalang ang aking pangalan ng lahat ng mga bansa mula silangan hanggang kanluran. Nagsusunog sila ng insenso at nag-aalay ng malilinis na handog para sa akin. Ako'y pinaparangalan nilang lahat. 12 Ngunit dinudungisan ninyo ang pangalan ko tuwing sinasabi ninyo na walang kabuluhan ang aking altar at tuwing naghahandog kayo doon ng mga pagkaing walang halaga! 13 Sinasabi ninyong nakakapagod na ang lahat ng ito at iniismiran pa ninyo ako. At kung hindi naman nakaw o pilay, maysakit ang dala ninyong hayop na panghandog sa akin. Akala ba ninyo'y tatanggapin ko iyon? 14 Sumpain ang sinumang nandaraya sa paghahandog sa akin ng hayop na may kapintasan, gayong may ipinangako siyang malusog na hayop mula sa kanyang kawan. Ako'y isang Haring dakila at kinatatakutan ng lahat ng bansa.”
2 Sinabi rin ni Yahweh sa mga pari: 2 “Kung hindi ninyo ito papakinggan at isasapuso bilang pagpaparangal sa aking pangalan, susumpain ko kayo at ang mga pagpapalang tinatanggap ninyo bilang mga pari. Sa katunayan, sinumpa ko na ang mga iyon, sapagkat hindi ninyo isinasapuso ang aking utos. 3 Paparusahan ko ang inyong mga anak at ipapahid ko sa inyong mukha ang dumi ng mga hayop na inihahandog ninyo sa panahon ng mga kapistahan. Itatapon din kayo sa tambakan ng dumi. 4 Dahil(B) dito'y malalaman ninyo na ibinigay ko sa inyo ang utos na ito, upang magpatuloy ang aking tipan kay Levi,” wika ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
5 “Sa(C) tipang iyon, pinangakuan ko siya ng buhay at katiwasayan, at ipinagkaloob ko nga ito sa kanya, upang igalang niya ako. Iginalang naman niya ako at kinatakutan. 6 Itinuro niya ang tama at hindi ang mali. Namuhay siya ng matuwid at matapat sa akin at tinulungan ang maraming tao upang huwag nang gumawa ng kasamaan. 7 Tungkulin ng mga pari na ituro ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Sila ang dapat sangguniin ng mga tao tungkol sa aking kalooban, sapagkat sila ang mga sugo ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
8 “Subalit lumihis kayo sa daang matuwid at marami ang nabulid sa kasamaan dahil sa inyong katuruan. Sinira ninyo ang aking kasunduan kay Levi,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 9 “Kaya, hahayaan kong kamuhian at hamakin kayo ng mga tao sapagkat hindi ninyo sinusunod ang aking kalooban at hindi pantay-pantay ang inyong pakikitungo sa mga tao kapag sila'y tinuturuan ninyo.”
Tinuligsa ni Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo(A)
13 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila makapasok sa kaharian ng langit. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga nais pumasok! [14 Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Inuubos ninyo ang kabuhayan ng mga biyuda at ang idinadahilan ninyo'y ang pagdarasal ng mahahaba! Dahil dito'y lalo pang bibigat ang parusa sa inyo!][a]
15 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang karagatan at ginagalugad ang buong daigdig makahikayat lamang kayo ng kahit isang Hentil sa pananampalatayang Judio. Ngunit kapag ito'y nahikayat na, ginagawa ninyo siyang masahol pa at lalong dapat parusahan sa impiyerno kaysa sa inyo.
16 “Kahabag-habag kayo, mga bulag na taga-akay! Itinuturo ninyo na kung gagamitin ninuman ang Templo sa panunumpa, walang halaga ito. Ngunit kung ang gagamitin niya sa panunumpa ay ang ginto ng Templo, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. 17 Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto, o ang Templong nagpapabanal sa ginto? 18 Sinasabi rin ninyo na kung gagamitin ninuman ang dambana sa panunumpa, walang halaga ito. Ngunit kung ang gagamitin niya ay ang handog na nasa dambana, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog? 20 Kaya nga, kapag nanumpa ang sinuman na saksi ang dambana, ginagawa niyang saksi ito at ang lahat ng handog dito. 21 Kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang Templo, ginagawa niyang saksi ito at ang Diyos na nasa Templo. 22 At(B) kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang langit, ginagawa niyang saksi ang trono ng Diyos at ang Diyos na nakaupo doon.
23 “Kahabag-habag(C) kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nagbibigay kayo ng ikasampung bahagi ng maliliit na halamang tulad ng yerbabuena, ruda at linga ngunit kinakaligtaan naman ninyong isagawa ang mas mahahalagang turo sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan. Dapat ninyong gawin ang mga ito nang hindi kinakaligtaan ang ibang utos. 24 Mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang kulisap sa inyong inumin, ngunit nilulunok naman ninyo ang kamelyo!
25 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, ngunit ang mga iyon ay puno ng kasakiman at pagiging makasarili. 26 Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang nasa loob ng tasa [at pinggan][b] at magiging malinis din ang labas nito!
27 “Kahabag-habag(D) kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, ngunit ang loob ay bulok at puno ng kalansay. 28 Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao'y mabubuti, ngunit ang totoo'y punung-puno kayo ng pagkukunwari at kasamaan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.