Revised Common Lectionary (Complementary)
Si Yahweh ang Ating Pastol
Awit ni David.
23 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
2 pinapahimlay(A) niya ako sa luntiang pastulan,
at inaakay niya sa tahimik na batisan.
3 Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
4 Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.
5 Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.
6 Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.
Ang Pahayag tungkol sa Jerusalem
22 Ito ang pahayag tungkol sa Libis ng Pangitain:
Anong nangyayari sa inyo?
Bakit kayong lahat ay nagdiriwang sa bubong ng inyong mga bahay?
2 Ang buong lunsod ay nagkakagulo;
punô ng ingay at kasayahan.
Ang mga anak mo'y namatay hindi sa pamamagitan ng espada;
hindi sila nasawi sa isang digmaan.
3 Nagsitakas nang lahat ang inyong mga pinuno
ngunit nahuling walang kalaban-laban.
Ang lahat ninyong mandirigma ay nabihag na rin
kahit nakatakas na at malayo na ang narating.
4 Kaya sinabi ko,
“Pabayaan ninyo ako!
Hayaan ninyong umiyak ako nang buong pait;
huwag na kayong magpumilit na ako'y aliwin,
dahil sa pagkawasak ng aking bayan.”
5 Sapagkat ito'y araw
ng kaguluhan, pagyurak at pagkalito
na itinalaga ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
sa Libis ng Pangitain.
Araw ng pagpapabagsak ng mga pader;
araw ng panaghoy na maririnig sa kabundukan.
6 Dala ng mga taga-Elam ang kanilang mga pana,
sakay ng kanilang mga karwahe at kabayo,
at dala naman ng mga taga-Kir ang kanilang kalasag.
7 Ang magaganda ninyong libis ay puno ng mga karwahe,
at sa mga pintuan ng Jerusalem ay nakaabang ang mga kabayuhan.
8 Durog na ang lahat ng tanggulan ng Juda.
Kapag nangyari ito, ilabas ninyo ang mga sandata mula sa arsenal.
Pangangalaga at Pagiging Handa
5 Sa matatandang namumuno sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang pinuno ng iglesya na tulad ninyo, bilang saksi sa mga paghihirap ni Cristo at sapagkat makakabahagi ako sa karangalang malapit nang ipahayag. 2 Pangalagaan(A) ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Gawin ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. [Iyan ang nais ng Diyos].[a] Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, 3 hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa kayo sa kawan. 4 At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman.
5 At(B) kayo namang mga kabataan, pasakop kayo sa matatandang pinuno ng iglesya. At kayong lahat ay magpakumbaba sapagkat, “Sinasalungat ng Diyos ang mapagmataas, ngunit pinagpapala niya ang mababang-loob.”
Pangwakas na Tagubilin
12 Sinulatan(A) ko kayo sa tulong ni Silas,[a] na isa nating kapatid at lubos kong pinagkakatiwalaan. Sa pamamagitan ng maikling sulat na ito ay nais kong palakasin ang inyong loob at magpatotoo na ito nga ang kagandahang-loob ng Diyos. Manatili kayo sa pagpapalang ito.
13 Kinukumusta(B) kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga pinili ring katulad ninyo; kinukumusta rin kayo ni Marcos, na aking anak sa pananampalataya. 14 Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan.[b]
Ang kapayapaan ay sumainyong lahat na mga nakipag-isa kay Cristo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.