Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 25:1-9

Awit ng Papuri kay Yahweh

25 O Yahweh, ikaw ang aking Diyos;
    pupurihin ko at dadakilain ang iyong pangalan;
sapagkat kahanga-hanga ang iyong mga ginawa;
    buong katapatan mong isinagawa
    ang iyong mga balak mula pa noong una.
Ang mga lunsod ay iyong iginuho,
    at winasak ang mga kuta;
ibinagsak ninyo ang mga palasyo ng mga dayuhan,
    at ang mga iyon ay hindi na muling maitatayo.
Kaya dadakilain ka ng taong malalakas,
    at matatakot sa iyo ang malulupit na lunsod.
Ikaw ang tunay na kanlungan ng mahihirap,
    at mga nangangailangan,
matatag na silungan sa panahon ng unos
    at nakakapasong init.
Sa harap mo'y mabibigo ang mararahas,
    sila'y parang bagyong humahampas sa matibay na pader.
Ang ingay ng dayuhan ay parang init sa disyerto,
    ngunit napatahimik mo ang ingay ng mga kaaway;
    hindi na marinig ang awit ng malulupit,
    parang init na natakpan ng ulap.

Naghanda ng Handaan ang Diyos

Sa Bundok ng Zion, aanyayahan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
    ang lahat ng bansa para sa isang malaking handaan.
Pinakamasasarap na pagkain at alak ang kanyang ipinahanda.
Sa bundok ding ito'y papawiin niya
    ang ulap ng kalungkutang naghahari sa lahat ng bansa.
Lubusan(A) nang pupuksain ng Panginoong Yahweh ang kamatayan,
    at papahirin ang mga luha sa kanilang mga mata.
    Aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan.
Sasabihin ng lahat sa araw na iyon:
“Siya ang hinihintay nating Diyos na sa ati'y magliligtas,
    siya si Yahweh na ating inaasahan.
Magalak tayo at magdiwang, sapagkat tayo'y kanyang iniligtas.”

Mga Awit 23

Si Yahweh ang Ating Pastol

Awit ni David.

23 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
pinapahimlay(A) niya ako sa luntiang pastulan,
    at inaakay niya sa tahimik na batisan.
Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
    upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
    wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.

Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
    na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
    sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.
Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
    at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.

Filipos 4:1-9

Ilang mga Tagubilin

Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking kagalakan at karangalan, sa ganitong paraan ay magpakatatag kayo sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon.

Nakikiusap ako kina Euodia at Sintique na sila'y magkasundo na bilang magkapatid sa Panginoon. Ipinapakiusap ko rin naman sa iyo, tapat kong katuwang, tulungan mo ang dalawang babaing ito. Sila man ay kasama kong nagpagal sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama si Clemente at ang iba pang kamanggagawa ko. Ang mga pangalan nila'y nakasulat sa aklat ng buhay.

Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo! Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kabutihang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.

Bilang pagtatapos, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutunan, tinanggap, narinig at nakita sa akin. Sa gayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.

Mateo 22:1-14

Ang Talinghaga tungkol sa Kasalan(A)

22 Muling nagsalita sa kanila si Jesus sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang haring nagdaos ng isang handaan para sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Isinugo niya ang kanyang mga lingkod upang tawagin ang mga inanyayahan, ngunit ayaw nilang dumalo. Muli siyang nagsugo ng ibang mga lingkod at kanyang pinagbilinan ng ganito: ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na nakahanda na ang mga pagkain, kinatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat. Halina kayo!’ Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Sa halip, pumunta sila sa kani-kanilang lakad. May nagpunta sa kanyang bukid at mayroon namang nag-asikaso ng kanyang negosyo. Sinunggaban naman ng iba ang mga lingkod, hinamak at pinatay. Galit na galit ang hari kaya't pinapunta niya ang kanyang mga kawal upang puksain ang mga mamamatay-taong iyon at sunugin ang kanilang lungsod. Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga lingkod, ‘Nakahanda na ang mga pagkain ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Pumunta kayo sa mga pangunahing lansangan at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ 10 Pumunta nga sa mga lansangan ang mga lingkod at isinama nila ang lahat ng kanilang natagpuan, masasama't mabubuti, at napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.

11 “Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin. Nakita niya ang isang taong hindi nakadamit pangkasalan. 12 Tinanong niya ito, ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakasuot ng damit pangkasalan?’ Hindi nakasagot ang tao, 13 kaya't(B) sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Talian ninyo ang kanyang kamay at paa, at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo'y mananangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin.’”

14 Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus, “Marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang pinili.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.