Revised Common Lectionary (Complementary)
Si Yahweh ang Ating Pastol
Awit ni David.
23 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
2 pinapahimlay(A) niya ako sa luntiang pastulan,
at inaakay niya sa tahimik na batisan.
3 Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
4 Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.
5 Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.
6 Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.
8 Durog na ang lahat ng tanggulan ng Juda.
Kapag nangyari ito, ilabas ninyo ang mga sandata mula sa arsenal. 9 Sa araw na iyon nakita ninyo na maraming sira ang tanggulan ng Lunsod ni David at nag-imbak kayo ng tubig mula sa ibabang tipunan. 10 Binilang ninyo ang mga bahay sa Jerusalem at giniba ninyo ang ilan sa mga iyon upang gamitin ang mga bato sa pagpapatibay sa pader ng lunsod. 11 Gumawa kayo ng imbakan ng tubig sa pagitan ng dalawang pader, at pinuno ninyo iyon ng tubig mula sa Lumang Tipunan. Ngunit hindi ninyo naisip ang Diyos na siyang nagplano nito noon pang una at nagsagawa nito.
12 Nanawagan sa inyo si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
upang kayo'y manangis at managhoy,
upang ahitin ninyo ang inyong buhok at magsuot ng damit-panluksa.
13 Ngunit(A) sa halip, nagdiwang kayo at nagpakasaya,
nagpatay kayo ng tupa at baka
upang kainin, at nag-inuman kayo ng alak.
Ang sabi ninyo:
“Kumain tayo at uminom,
sapagkat bukas, tayo'y mamamatay.”
14 Ganito ang ipinahayag sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
“Ang kasalanang ito'y hindi ipapatawad sa inyo, hanggang sa kayo'y mamatay.”
4 Mga taksil! Hindi ba ninyo alam na kapag nakipagkaibigan kayo sa sanlibutan ay kinakaaway naman ninyo ang Diyos? Ang sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos. 5 Huwag ninyong akalaing walang kabuluhan ang sinasabi sa kasulatan, “Ang espiritung inilagay ng Diyos sa atin ay punô ng matitinding pagnanasa.”[a] 6 Ngunit(A) ang Diyos ay nagbibigay ng higit pang pagpapala. Kaya't sinasabi ng kasulatan, “Ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas ngunit pinagpapala niya ang mga mapagpakumbaba.”
7 Kaya nga, pasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan niya kayo. 8 Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Hugasan ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip. 9 Maghinagpis kayo, umiyak at tumangis! Palitan ninyo ng pagluha ang inyong tawanan, at ng kalungkutan ang inyong kagalakan! 10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.