Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 98

Si Yahweh ang Hari ng Buong Mundo

98 Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay,
    pagkat mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at kabanalan niyang taglay,
    walang hirap na natamo itong hangad na tagumpay.
Ang tagumpay ni Yahweh, siya na rin ang naghayag,
    sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad,
    tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay nahayag!

Magkaingay na may galak, lahat ng nasa daigdig;
    si Yahweh ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Sa saliw ng mga lira kayong lahat ay umawit,
    at si Yahweh ay purihin sa ating mga tugtugin.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
    magkaingay sa harapan ni Yahweh na ating Hari.

Mag-ingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
    umawit ang buong mundo at lahat ng naroroon.
Umugong sa palakpakan pati yaong karagatan;
    umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.

Si Yahweh ay dumarating, maghahari sa daigdig;
    taglay niya'y katarungan at paghatol na matuwid.

Daniel 3:19-30

Inihagis ang Tatlong Kabataan sa Naglalagablab na Pugon

19 Namula ang mukha ni Haring Nebucadnezar sa tindi ng galit kina Shadrac, Meshac at Abednego. Kaya, iniutos niyang painitin pa ng pitong ulit ang pugon. 20 Inutusan din niya ang ilan sa mga pinakamalakas niyang kawal na gapusin sina Shadrac, Meshac at Abednego at ihagis sa naglalagablab na pugon. 21 Ginapos nga sila nang hindi na inalis ang damit, ang panloob at panlabas, turbante, at iba pang nakasuot sa kanila, at inihagis sila sa naglalagablab na apoy. 22 Dahil sa mahigpit ang utos ng hari na patindihin ang init ng pugon lumabas ang apoy kaya nasunog at namatay ang mga kawal na nagdala kina Shadrac, Meshac at Abednego. 23 Samantala, nakagapos pa rin na bumagsak sa naglalagablab na apoy ang tatlong kabataan.

24 Nagtaka at biglang napatindig si Haring Nebucadnezar at itinanong sa kanyang mga tagapayo, “Hindi ba't tatlo lamang ang inihagis sa apoy?”

“Opo, kamahalan,” sagot nila.

25 “Bakit apat ang nakikita kong walang gapos at naglalakad sa gitna ng apoy nang hindi nasusunog? At ang tingin ko sa ikaapat ay parang anak ng mga diyos.”

Pinalaya at Itinaas sa Tungkulin sina Shadrac, Meshac at Abednego

26 Lumapit si Haring Nebucadnezar sa may bunganga ng pugon. Sinabi niya, “Lumabas kayo riyan at halikayo rito, Shadrac, Meshac at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos!” Lumabas nga silang tatlo mula sa pugon 27 at lumapit sa kanila ang lahat ng mga pinuno ng kaharian. Tiningnan silang mabuti ng mga ito ngunit wala man lamang nakitang bakas ng apoy sa katawan ng tatlo. Hindi nasunog ni bahagya man ang kanilang buhok at ang kanilang kasuotan. Hindi rin sila nag-amoy usok.

28 Dahil dito, sinabi ng hari, “Purihin ang Diyos nina Shadrac, Meshac at Abednego! Isinugo niya ang kanyang anghel upang iligtas ang mga lingkod niyang ito na ganap na sumampalataya sa kanya. Hindi sinunod ng mga ito ang aking utos; ginusto pa nilang sila'y ihagis sa apoy kaysa sumamba sa diyus-diyosan. 29 Kaya, ipinag-uutos ko: Sinuman mula sa alinmang lahi, bansa o wika na magsasalita laban sa Diyos nina Shadrac, Meshac at Abednego ay papatayin at ang kanilang bahay ay wawasakin. Walang ibang diyos na makakapagligtas sa tao, tulad ng ginawa ng kanilang Diyos.”

30 At sina Shadrac, Meshac at Abednego ay itinaas niya sa tungkulin sa lalawigan ng Babilonia.

Pahayag 18:21-24

21 Pagkatapos,(A) isang makapangyarihang anghel ang bumuhat ng isang batong sinlaki ng gilingang-bato at inihagis iyon sa dagat. Sinabi niya, “Ganito karahas ibabagsak ang tanyag na lungsod ng Babilonia, at hindi na siya makikitang muli! 22 Hindi(B)(C) na maririnig sa kanya ang tinig ng mga mang-aawit at ang himig ng mga tugtugan ng alpa, plauta at trumpeta! Wala nang makikita sa kanyang mga manggagawa at hindi na maririnig ang ingay ng mga gilingan! 23 Wala nang kahit isang ilaw na magliliwanag sa kanya. Hindi na maririnig ang masasayang tinig ng mga ikinakasal. Sapagkat naging makapangyarihan sa buong daigdig ang kanyang mangangalakal at dinaya niya ang lahat ng bansa sa pamamagitan ng pangkukulam.”

24 At natagpuan sa kanya ang dugo ng mga propeta, mga hinirang, at ng lahat ng pinatay sa daigdig.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.