Revised Common Lectionary (Complementary)
Pagtitiwala sa Kautusan ni Yahweh
(Vav)
41 Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo,
ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako;
42 upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko,
yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo.
43 Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan,
pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan.
44 Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
45 Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya,
yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa.
46 At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin,
hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin.
47 Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,
di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig.
48 Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang,
sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay.
Mga Kawikaan tungkol sa Buhay at Pag-uugali
16 Ang mga balak ng isipan ay sa tao nagmumula,
ngunit mula kay Yahweh ang sagot ng dila.
2 Ang akala ng tao ay tama ang kanyang kilos,
ngunit sa tunay niyang layon, si Yahweh ang nakatatalos.
3 Ipagkatiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin,
at magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga layunin.
4 Lahat ng nilalang ni Yahweh ay mayroong kadahilanan,
at ang masasama, kaparusahan ang kahihinatnan.
5 Kinamumuhian ni Yahweh ang lahat ng mayayabang,
at sila'y tiyak na paparusahan.
6 Katapatan(A) kay Yahweh, bunga ay kapatawaran,
ang sa kanya'y gumagalang at sumusunod, malayo sa kasamaan.
7 Kung ang buhay ng tao ay kalugud-lugod kay Yahweh,
maging ang mga kalaban, sa kanya'y makikipagbati.
8 Ang(B) maliit na halaga buhat sa mabuting paraan
ay higit na mabuti sa yamang buhat sa kasamaan.
9 Ang tao ang nagbabalak,
ngunit si Yahweh ang nagpapatupad.
10 Ang bibig ng hari ay bukal ng mga pasyang kinasihan,
hindi siya namamali sa lahat niyang kahatulan.
11 Ang nais ni Yahweh ay tamang timbangan,
at sa negosyo ay katapatan.
12 Di dapat tulutan ng isang hari ang gawang kasamaan,
pagkat ang katatagan ng pamamahala ay nasa katarungan.
13 Ang nais pakinggan ng hari ay ang katotohanan,
at ang nagsasabi nito ay kanyang kinalulugdan.
14 Sinisikap ng matalino na masiyahan ang kanyang hari;
kapag nagalit ang hari, may buhay na masasawi.
15 Ang kagandahang-loob ng hari ay parang ulap na makapal,
may dalang ulan, may taglay na buhay.
16 Higit na mainam sa ginto ang magkaroon ng karunungan,
at higit kaysa pilak ang magtaglay ng pang-unawa.
17 Ang landas ng matuwid ay palayo sa kasamaan;
ang maingat sa paglakad ay nag-iingat sa kanyang buhay.
18 Ang kapalalua'y humahantong sa pagkawasak,
at ang mapagmataas na isipan ay ibabagsak.
19 Higit na mabuti ang mapagpakumbaba kahit na mahirap,
kaysa makihati sa yaman ng mapagmataas.
20 Ang sumusunod sa payo ay mananagana,
at mapalad ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala.
Ang Binatang Mayaman(A)
16 May isa namang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, anong mabuting bagay ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”
17 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lang ang mabuti. Ngunit kung nais mong magkamit ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos ng Diyos.”
18 “Alin(B) sa mga iyon?” tanong niya.
Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; 19 igalang(C) mo ang iyong ama at ina; at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.”
20 Sinabi ng binata, “Sinunod ko na po ang lahat ng iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?”
21 Sumagot si Jesus, “Kung ibig mong maging ganap, ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata sapagkat siya'y napakayaman.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.