Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 34

Pagpuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos

Katha(A) ni David nang siya'y palayasin ni Abimelec matapos magkunwang nasisiraan siya ng bait.

34 Sa lahat ng pagkakataon si Yahweh ay aking pupurihin;
    pagpupuri ko sa kanya'y hindi ko papatigilin.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
    kayong naaapi, makinig, matuwa!
Ang kadakilaan niya ay ihayag,
    at ang ngalan niya'y purihin ng lahat!

Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos,
    inalis niya sa akin ang lahat kong takot.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
    pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
    sila'y iniligtas sa hirap at dusa.
Anghel ang siyang bantay sa may takot sa Diyos,
    sa mga panganib, sila'y kinukupkop.

Tingnan(B) mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh;
    mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.
Matakot kay Yahweh, kayo na kanyang bayan,
    nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
10 Kahit mga leon ay nagugutom din, sila'y nagkukulang sa hustong pagkain;
    ngunit ang sinumang kay Yahweh ay sumunod, mabubuting bagay, sa kanya'y di mauudlot.
11 Lapit, ako'y dinggin mga kaibigan,
    at kayo ngayo'y aking tuturuan na si Yahweh ay dapat sundi't igalang.
12 Sinong(C) may gusto ng mahabang buhay;
    sinong may nais ng masaganang buhay?
13 Dila mo'y pigilan sa paghabi ng kasamaan.
14 Mabuti ang gawi't masama'y layuan
    pagsikapang kamtin ang kapayapaan.

15 Mga mata ni Yahweh, sa mat'wid nakatuon,
    sa kanilang pagdaing, lagi siyang tumutugon.
16 Sa mga masasama, siya'y tumatalikod,
    at sa alaala, sila'y mawawala.
17 Agad dinirinig daing ng matuwid;
    inililigtas sila sa mga panganib.
18 Tinutulungan niya, mga nagdurusa
    at di binibigo ang walang pag-asa.

19 Ang taong matuwid, may suliranin man,
    sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.
20 Kukupkupin(D) siya nang lubus-lubusan,
    kahit isang buto'y hindi mababali.
21 Ngunit ang masama, ay kasamaan din
    sa taglay na buhay ang siyang kikitil.

22 Mga lingkod niya'y kanyang ililigtas,
    sa nagpapasakop, siya ang mag-iingat!

Amos 9:5-15

Si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
    siya na humipo sa lupa at iyon ay natutunaw,
    at ang lahat ng naroon ay nagdadalamhati.
Dahil dito'y ang buong lupain ay tumataas gaya ng Ilog Nilo,
    at bumababa gaya ng ilog sa Egipto.
Siya na gumagawa ng mga silid doon sa kalangitan,
    at naglalagay ng pundasyon nito sa ibabaw ng lupa,
inipon niya ang tubig sa dagat,
    at ibinubuhos iyon sa lupa.
Yahweh ang kanyang pangalan!

Sinasabi ni Yahweh,
“Para sa akin, kayong mga taga-Israel, ay kapantay lang ng mga taga-Etiopia.
Hinango ko ang Israel mula sa Egipto;
    iniahon ko ang mga Filisteo sa Caftor at ang mga taga-Siria mula sa Kir.
Ako ang Panginoong Yahweh na nagmamasid sa makasalanang kaharian ng Israel.
    Lilipulin ko sila sa balat ng lupa,
    ngunit di ko lubusang pupuksain ang lahi ni Jacob.

“Iuutos kong ligligin
    ang bayan ng Israel kasama ng lahat ng bansa;
tulad ng pag-alog sa salaan,
    ngunit walang butil na babagsak sa lupa.
10 Ang mga makasalanan sa aking bayan ay masasawi sa digmaan;
    lahat ng nagsasabing, ‘Hindi ipahihintulot ng Diyos na tayo'y mapahamak.’”

Manunumbalik ang Israel

11 “Sa(A) araw na iyon, ibabangon kong muli
    ang nawasak na kaharian ni David,
at aayusin kong muli ang mga nasirang dako.
    Ibabalik ang mga guho;
    itatayo kong muli iyon, kagaya noong una.
12 Sa gayon ay sasakupin ng Israel ang nalalabi sa lupain ng Edom
    at ang lahat ng bansang dati'y aking pag-aari,”
    sabi ni Yahweh na siyang gagawa ng mga bagay na ito.

13 Sinabi rin ni Yahweh, “Darating ang panahon,
    mag-aararo ang magbubukid habang nag-aani pa ang manggagapas;
    at maghahasik na ng binhi ng ubas ang magsasaka habang gumagawa pa ng alak ang mag-aalak.
Dadaloy sa mga bundok ang bagong alak,
    at masaganang aagos sa mga burol.
14 Ibabalik ko sa kanilang lupain ang aking bayan.
    Itatayo nilang muli ang kanilang mga lunsod na nawasak, at doon sila maninirahan.
Tatamnan nilang muli ang mga ubasan at sila'y iinom ng alak.
    Magtatanim silang muli sa mga halamanan at kakain ng mga bunga niyon.
15     Ibabalik ko ang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila,
    at hindi na sila maaalis pang muli roon.”
Si Yahweh na inyong Diyos ang nagsasalita.

Filipos 3:13-4:1

13 Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: habang nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan, 14 nagpupunyagi ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na nasa langit.

15 Ganyan ang dapat maging kaisipan nating mga matatag na sa pananampalataya. Kung hindi ganito ang inyong pag-iisip, ipapaunawa iyan sa inyo ng Diyos. 16 Ang mahalaga ay panghawakan natin ang ating nakamtan na.

17 Mga(A) kapatid, magkaisa kayong tumulad sa halimbawang ipinakita ko sa inyo. Pag-ukulan din ninyo ng pansin ang lahat ng sumusunod sa aming halimbawa. 18 Sapagkat tulad ng madalas kong sinasabi sa inyo noon at ngayo'y luhaang inuulit ko, marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo. 19 Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga bagay na may kinalaman sa mundong ito. 20 Subalit sa kabilang dako, tayo ay mga mamamayan ng langit. Mula roo'y hinihintay nating may pananabik ang Panginoong Jesu-Cristo, ang ating Tagapagligtas. 21 Sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay, ang ating katawang may kahinaan ay babaguhin niya upang maging katulad ng kanyang katawang maluwalhati.

Ilang mga Tagubilin

Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking kagalakan at karangalan, sa ganitong paraan ay magpakatatag kayo sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.