Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 96:1-9

Diyos ang Kataas-taasang Hari(A)

96 Purihin natin si Yahweh, awitan ng bagong awit;
    purihin natin si Yahweh, lahat nang nasa daigdig!
Awitan natin si Yahweh, ngalan niya ay sambahin;
    araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
Kahit saa'y ipahayag na si Yahweh ay dakila,
    sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.

Si Yahweh ay tunay na dakila, marapat na papurihan
    higit sa sinumang diyos, siya'y dapat na igalang.
Ang diyos ng sanlibuta'y pawang mga diyus-diyosan;
    si Yahweh lang ang maylikha ng buong sangkalangitan.
Siya'y puspos ng karangalan at ng kaluwalhatian;
    ang lakas niya't kagandahan ay sa templo mamamasdan.

O(B) si Yahweh ay purihin ng lahat sa daigdigan!
    Purihin ang lakas niya at kanyang kaluwalhatian!
Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,
    dumulog sa kanyang templo't maghandog ng mga alay.
Kung si Yahweh ay dumating, sa likas niyang kabanalan,
    humarap na nanginginig ang lahat sa sanlibutan.

Mga Awit 96:10-13

10 “Si Yahweh ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
    “Sanlibuta'y matatag na, kahit ito ay ugain;
    sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.”
11 Lupa't langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
    lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
12 Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
    pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.

13 Si Yahweh ay darating na upang lahat ay hatulan,
    at kanyang paghahariin ang sakdal na katarungan.

Deuteronomio 17:14-20

Ang Paglalagay ng Hari

14 “Kapag(A) kayo'y naroon na at naninirahan nang maayos sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh, makakaisip kayong magkaroon ng hari, tulad ng mga bansa sa paligid ninyo. 15 Maaari kayong maglagay ng hari, ngunit ang ilalagay ninyo ay iyong pinili ni Yahweh at mula sa inyong lahi. Huwag ninyong gagawing hari ang sinumang dayuhan. 16 Ang(B) gagawin ninyong hari ay hindi dapat magparami ng kabayo para sa kanyang sarili; hindi rin niya maaaring iutos sa iba na magbalik sa Egipto para ikuha siya ng maraming kabayo, sapagkat ipinag-utos ni Yahweh, na huwag nang bumalik pa roon. 17 Hindi(C) siya dapat mag-asawa ng marami at baka siya makalimot kay Yahweh; ni hindi siya dapat magpayaman sa panahon ng paghahari. 18 Kapag siya'y nakaupo na sa trono, gagawa siya ng isang kopya ng mga kautusang ito na nasa pag-iingat ng mga paring Levita. 19 Ito ay para sa kanya at babasahin niya araw-araw upang magkaroon siya ng takot kay Yahweh na kanyang Diyos at upang buong puso niyang masunod ang mga kautusan at mga tuntunin ni Yahweh, 20 upang hindi siya magmalaki sa kanyang mga kababayan, at upang hindi siya lilihis sa mga tuntuning ito. Kung magkagayon, siya at ang kanyang mga anak ay maghahari nang matagal sa Israel.

1 Pedro 5:1-5

Pangangalaga at Pagiging Handa

Sa matatandang namumuno sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang pinuno ng iglesya na tulad ninyo, bilang saksi sa mga paghihirap ni Cristo at sapagkat makakabahagi ako sa karangalang malapit nang ipahayag. Pangalagaan(A) ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Gawin ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. [Iyan ang nais ng Diyos].[a] Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa kayo sa kawan. At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman.

At(B) kayo namang mga kabataan, pasakop kayo sa matatandang pinuno ng iglesya. At kayong lahat ay magpakumbaba sapagkat, “Sinasalungat ng Diyos ang mapagmataas, ngunit pinagpapala niya ang mababang-loob.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.