Revised Common Lectionary (Complementary)
Pasasalamat sa Diyos sa Pagtatagumpay ng Hari
Katha ni David.
144 Purihin si Yahweh na aking kanlungan,
sa pakikibaka, ako ay sinanay;
inihanda ako, upang makilaban.
2 Matibay kong muog at Tagapagligtas,
at aking tahanang hindi matitinag;
Tagapagligtas kong pinapanaligan,
nilulupig niya sakop kong mga bayan.
3 O(A) Yahweh, ano nga ba naman ang tao?
At pinagtutuunan mo siya ng pansin?
4 Katulad ay ulap na tangay ng hangin,
napaparam siya na tulad ng lilim.
5 Langit mong tahanan ay iyong hubugin, Yahweh, lisanin mo't bumabâ sa amin;
mga kabundukan ay iyong yanigin, lalabas ang usok, aming mapapansin.
6 Ang maraming kidlat ay iyong suguin, lahat ng kaaway iyong pakalatin;
sa pagtakas nila ay iyong tudlain!
7 Abutin mo ako at iyong itaas,
sa kalalimang tubig ako ay iligtas;
ipagsanggalang mo't nang di mapahamak sa mga dayuhang may taglay na lakas,
8 ubod sinungaling na walang katulad,
kahit ang pangako'y pandarayang lahat.
9 O Diyos, may awitin akong bagung-bago,
alpa'y tutugtugin at aawit ako.
10 Tagumpay ng hari ay iyong kaloob,
at iniligtas mo si David mong lingkod.
11 Iligtas mo ako sa mga malupit kong kaaway;
sa kapangyarihan ng mga banyaga ay ipagsanggalang;
sila'y sinungaling, di maaasahan,
kahit may pangako at mga sumpaan.
12 Nawa ang ating mga kabataan
lumaking matatag tulad ng halaman.
Ang kadalagaha'y magandang disenyo,
kahit saang sulok ng isang palasyo.
13 At nawa'y mapuno, mga kamalig natin
ng lahat ng uri ng mga pagkain;
at ang mga tupa'y magpalaanakin,
sampu-sampung libo, ito'y paramihin.
14 Mga kawan natin, sana'y dumami rin
at huwag malagas ang kanilang supling;
sa ating lansangan, sana'y mawala na ang mga panaghoy ng lungkot at dusa!
15 Mapalad ang bansang kanyang pinagpala.
Mapalad ang bayang si Yahweh'y Diyos na dinadakila!
Ililigtas ang Israel
27 Sa(A) araw na iyon, gagamitin ni Yahweh
ang kanyang malupit at matalim na espada;
paparusahan niya ang Leviatan,[a] ang tumatakas na dragon,
at papatayin niya ang halimaw na nakatira sa dagat.
2 Sa araw na iyon,
sasabihin niya sa kanyang mainam na ubasan,
3 “Akong si Yahweh ang nag-aalaga ng ubasang ito
na dinidilig bawat sandali,
at binabantayan ko araw at gabi
upang walang manira.
4 Hindi na ako galit sa aking ubasan,
ngunit sa sandaling may makita akong mga tinik,
ang mga ito'y titipunin ko
at saka susunugin.
5 Ngunit kung nais nilang sila'y aking ingatan,
ang dapat nilang gawin, makipagkasundo sa akin.
6 Darating ang araw na mag-uugat ang lahi ni Jacob,
mamumulaklak ang Israel, magbubunga ng marami
at mapupuno ang buong daigdig.
17 Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago. 18 Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Cristo, ibinilang niya kaming mga kaibigan at hindi na kaaway, at pinagkatiwalaan niya kami upang maglingkod nang sa gayon ang mga tao ay maging kaibigan rin niya. 19 Ang ibig sabihin, sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao'y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at hindi na niya tinatandaan ang kanilang mga kasalanan. At kami naman ay inatasan niyang ipamalita ito.
20 Kaya nga, kami'y mga sugo ni Cristo; ang Diyos mismo ang nakikiusap sa inyo sa pamamagitan namin. Kami'y nakikiusap sa inyo alang-alang kay Cristo: makipagkasundo kayo sa Diyos. 21 Hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pakikipag-isa natin sa kanya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.