Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 1

UNANG AKLAT

Ang Tunay na Kagalakan

Mapalad ang taong hindi nakikinig sa payo ng masama,
    at hindi sumusunod sa masama nilang halimbawa.
    Hindi siya nakikisama sa mga kumukutya
    at hindi nakikisangkot sa gawaing masama.
Sa halip, kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh.
    Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi.
Katulad(A) niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan,
    laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon.
Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay.

Hindi gayon ang sinumang gumagawa ng masama,
    ito ay tulad ng ipa, hangin ang siyang nagtatangay.
Sa araw ng paghuhukom, parusa niya'y nakalaan
    siya'y ihihiwalay sa grupo ng mga banal.
Sa taong matuwid, si Yahweh ang pumapatnubay,
    ngunit ang taong masama, kapahamakan ang hantungan.

Deuteronomio 9:25-10:5

25 “Nagpatirapa muli ako sa harapan ni Yahweh sa loob ng apatnapung araw at gabi sapagkat nais na niya kayong puksain. 26 Ito ang dalangin ko sa kanya: ‘Panginoong Yahweh, huwag po ninyong pupuksain ang bayang iniligtas ninyo at inilabas sa Egipto sa pamamagitan ng inyong walang kapantay na kapangyarihan. 27 Alalahanin po ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Huwag na ninyong pansinin ang katigasan ng ulo ng sambayanang ito ni ang kanilang kasamaan o kasalanan sa inyo. 28 Kapag sila'y pinuksa ninyo, sasabihin ng mga taong ipapasakop ninyo sa kanila na ang mga Israelita'y dinala ninyo sa ilang upang puksain; hindi ninyo sila maihatid sa lupaing ipinangako ninyo, sapagkat matindi ang galit ninyo sa kanila. 29 Sila ang inyong bayang hinirang, ang bayang inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan.’

Ang Ikalawang Pagsulat sa Kautusan(A)

10 “Noon ay sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Magtapyas ka ng dalawang bato, tulad noong una, at gumawa ka ng kabang yari sa kahoy. Pagkatapos, umakyat ka sa bundok. Isusulat ko sa dalawang tapyas ng bato ang nakasulat sa unang dalawang tapyas na binasag mo. Pagkatapos, itago mo sa kaban.’

“Kaya gumawa ako ng kabang yari sa punong akasya, tumapyas ng dalawang batong katulad noong una at ako'y umakyat sa bundok. Isinulat nga ni Yahweh ang sampung utos sa dalawang tapyas ng bato. Ang sampung utos na ito ang sinabi niya sa inyo mula sa naglalagablab na apoy samantalang kayo'y nagkakatipon sa paanan ng bundok. Ang dalawang tapyas ng bato ay ibinigay sa akin ni Yahweh. Ako'y nagbalik mula sa bundok at inilagay ko sa kaban ang dalawang tapyas ng bato tulad ng utos sa akin ni Yahweh.”

Tito 2:7-8

Sa lahat ng paraan, maging halimbawa ka ng mabuting ugali at maging tapat ka at kagalang-galang sa iyong pagtuturo. Nararapat na pananalita ang lagi mong gamitin upang hindi mapintasan ninuman ang mga sinasabi mo. Sa gayon, mapapahiya ang ating mga kalaban sapagkat wala silang masasabing masama laban sa atin.

Tito 2:11-15

11 Sapagkat nahayag na ang kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. 12 Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang makamundong pamumuhay at damdaming makalaman, at mamuhay tayo sa daigdig na ito nang may pagpipigil sa sarili, matuwid at karapat-dapat sa Diyos 13 habang hinihintay natin ang pinagpalang araw na ating inaasahan. Ito ang araw na mahahayag ang kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, 14 na naghandog(A) ng kanyang sarili upang palayain tayo sa lahat ng kasamaan at linisin tayo upang maging kanyang sariling bayan na masigasig sa paggawa ng mabuti.

15 Ipahayag mo ang lahat ng ito, at gamitin mo ang iyong buong kapangyarihan sa pagpapalakas ng loob at pagsaway sa iyong mga tagapakinig. Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.