Revised Common Lectionary (Complementary)
Pagtitiwala sa Kautusan ni Yahweh
(Vav)
41 Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo,
ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako;
42 upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko,
yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo.
43 Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan,
pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan.
44 Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
45 Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya,
yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa.
46 At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin,
hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin.
47 Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,
di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig.
48 Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang,
sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay.
Ang Pangunahing Utos
6 “Ito nga ang Kautusan at mga tuntuning ibinigay niya sa akin, na siya ninyong susundin sa lupaing inyong sasakupin. 2 Ang mga ito'y ibinigay sa inyo ni Yahweh at sa inyong mga anak at sa mga susunod na salinlahi upang magkaroon kayo ng takot sa kanya. Kung ito'y susundin ninyo, hahaba ang inyong buhay. 3 Kaya nga, pakinggan ninyo ito at sunding mabuti. Kung magkagayo'y sasagana kayo, at darami ang inyong lahi pagdating ninyo sa lupaing ipinangako ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay.
4 “Pakinggan(A) mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh.[a] 5 Ibigin(B) mo si Yahweh na iyong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas. 6 Ang(C) mga utos niya'y itanim ninyo sa inyong puso. 7 Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga. 8 Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, itali sa inyong noo, 9 isulat sa mga hamba ng pintuan ng inyong bahay at mga tarangkahan.
20 “Kapag dumating ang araw na itanong ng inyong mga anak kung bakit kayo binigyan ni Yahweh ng kautusan at mga tuntunin, 21 ganito ang sabihin ninyo: ‘Noong araw, inalipin kami ng Faraon sa Egipto. Pinalaya kami roon ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 22 Nasaksihan namin ang maraming kababalaghang ginawa niya laban sa Faraon at sa mga Egipcio. 23 Inilabas niya kami sa Egipto upang dalhin sa lupaing ipinangako niya sa ating mga ninuno. 24 Ibinigay niya sa amin ang kautusan at mga tuntuning ito upang magtaglay kami ng takot sa kanya. Sa ganoon, sasagana tayo at iingatan niyang tulad ng ginagawa niya sa atin ngayon. 25 Kalulugdan tayo ng Diyos nating si Yahweh kung susundin natin nang buong katapatan ang lahat ng ipinag-uutos niya sa atin.’
8 Mabuti(A) ang inyong ginagawa kung tinutupad ninyo ang utos ng Diyos na ating hari, ayon sa Kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 9 Ngunit kung nagtatangi kayo ng tao, kayo'y nagkakasala, at batay sa Kautusan, dapat kayong parusahan. 10 Ang lumalabag sa isang utos, kahit tumutupad sa iba pa, ay lumalabag sa buong Kautusan, 11 sapagkat(B) ang Diyos na nagsabing, “Huwag kang mangangalunya,” ay siya ring nagsabing, “Huwag kang papatay.” Kung hindi ka man nangangalunya, ngunit pumapatay ka naman, nilalabag mo pa rin ang Kautusan. 12 Kaya't mag-ingat kayo sa inyong pagkilos at pananalita, sapagkat hahatulan kayo ayon sa kautusang nagpapalaya sa inyo. 13 Walang awang hahatulan ang di-marunong maawa; ngunit mangingibabaw ang awa sa paghatol.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.