Revised Common Lectionary (Complementary)
Diyos ang Kataas-taasang Hari(A)
96 Purihin natin si Yahweh, awitan ng bagong awit;
purihin natin si Yahweh, lahat nang nasa daigdig!
2 Awitan natin si Yahweh, ngalan niya ay sambahin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
3 Kahit saa'y ipahayag na si Yahweh ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.
4 Si Yahweh ay tunay na dakila, marapat na papurihan
higit sa sinumang diyos, siya'y dapat na igalang.
5 Ang diyos ng sanlibuta'y pawang mga diyus-diyosan;
si Yahweh lang ang maylikha ng buong sangkalangitan.
6 Siya'y puspos ng karangalan at ng kaluwalhatian;
ang lakas niya't kagandahan ay sa templo mamamasdan.
7 O(B) si Yahweh ay purihin ng lahat sa daigdigan!
Purihin ang lakas niya at kanyang kaluwalhatian!
8 Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,
dumulog sa kanyang templo't maghandog ng mga alay.
9 Kung si Yahweh ay dumating, sa likas niyang kabanalan,
humarap na nanginginig ang lahat sa sanlibutan.
10 “Si Yahweh ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“Sanlibuta'y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.”
11 Lupa't langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
12 Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.
13 Si Yahweh ay darating na upang lahat ay hatulan,
at kanyang paghahariin ang sakdal na katarungan.
3 Sa araw na pagpahingahin kayo ni Yahweh sa inyong paghihirap, pagtitiis at pagkaalipin, 4 hahamakin ninyo nang ganito ang hari ng Babilonia:
“Bumagsak na ang malupit na hari!
Hindi na siya makapang-aaping muli.
5 Winakasan na ni Yahweh ang kapangyarihan ng masama,
ang tagapamahala,
6 na walang awang nagpahirap sa mga tao,
buong lupit na naghari sa mga bansang kanilang sinakop.
7 Natahimik din sa wakas ang buong lupa,
at ang mga tao'y nag-aawitan sa tuwa.
8 Tuwang-tuwa ang mga sipres
at ang mga sedar ng Lebanon dahil sa nangyari sa hari.
Sinasabi nila: ‘Ngayong ikaw ay wala na,
wala na ring puputol sa amin.’
9 Ang daigdig ng mga patay ay abala sa iyong pagdating;
ito'y naghahanda upang ikaw ay salubungin;
ginising niya ang mga kaluluwa upang batiin ka,
ng mga dating makapangyarihan sa daigdig.
Pinatayo niya mula sa kanilang trono
ang hari ng mga bansa.
10 Lahat sila ay magsasabi sa iyo:
‘Ikaw pala'y naging mahina ring tulad namin!
At sinapit mo rin ang aming sinapit!’
11 Noo'y pinaparangalan ka ng tugtog ng alpa,
ngayo'y narito ka na sa daigdig ng mga patay.
Uod ang iyong hinihigan
at uod rin ang iyong kinukumot.”
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(A)
14 Ang balita tungkol kay Jesus ay nakarating kay Herodes na gobernador ng Galilea,[a] 2 kaya't nasabi niya sa kanyang mga lingkod, “Si Juan na Tagapagbautismo iyon! Siya'y muling nabuhay kaya't nakakagawa ng mga himala!”
3 Itong(B) si Herodes ang nagpahuli kay Juan. Ipinagapos niya ito at ipinabilanggo dahil kay Herodias na asawa ng kapatid niyang si Felipe. 4 Sapagkat(C) sinasabi ni Juan kay Herodes, “Bawal na magsama kayo ng asawa ng iyong kapatid.” 5 Ibig ni Herodes na ipapatay si Juan, ngunit natatakot siya sa mga Judio sapagkat kinikilala nilang propeta si Juan na Tagapagbautismo.
6 Nang sumapit ang kaarawan ni Herodes, sumayaw ang anak na babae ni Herodias sa harap ng mga panauhin. Labis na nasiyahan si Herodes, 7 kaya't sumumpa siyang ibibigay sa dalaga ang anumang hingin nito. 8 Sa udyok ng kanyang ina, sinabi ng dalaga sa hari, “Ibigay po ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.” 9 Nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangakong narinig ng mga panauhin, iniutos niya na ibigay sa dalaga ang hiningi nito. 10 Kaya't pinapugutan niya si Juan sa bilangguan. 11 Inilagay ang ulo sa isang pinggan at ibinigay ito sa dalaga. Dinala naman ito ng dalaga sa kanyang ina.
12 Dumating ang mga alagad ni Juan, kinuha ang kanyang bangkay at inilibing. Pagkatapos, ibinalita nila kay Jesus ang nangyari.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.