Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 51

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, nang si Natan na propeta ay dumating sa kanya, pagkatapos na siya'y makapasok kay Batseba.

51 Maawa(A) ka sa akin, O Diyos,
    ayon sa iyong tapat na pag-ibig;
ayon sa iyong saganang kaawaan
    ay pawiin mo ang aking mga paglabag.
Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan,
    at linisin mo ako sa aking kasalanan.

Sapagkat aking nalalaman ang mga pagsuway ko,
    at ang aking kasalanan ay laging nasa harapan ko.
Laban(B) sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala,
    at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin,
upang ikaw ay maging ganap sa iyong pagsasalita
    at walang dungis sa iyong paghatol.
Narito, ako'y ipinanganak sa kasamaan;
    at ipinaglihi ako ng aking ina sa kasalanan.

Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa panloob na pagkatao,
    at sa tagong bahagi ay iyong ipapakilala sa akin ang karunungan.
Linisin mo ako ng isopo, at ako'y magiging malinis;
    hugasan mo ako at ako'y magiging higit na maputi kaysa niyebe.
Gawin mong marinig ko ang kagalakan at kasayahan;
    hayaan mong ang mga buto na iyong binali ay magalak.
Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan,
    at pawiin mo ang lahat kong mga kasamaan.

10 Lumalang ka sa akin ng isang malinis na puso, O Diyos;
    at muli mong baguhin ang matuwid na espiritu sa loob ko.
11 Sa iyong harapan ay huwag mo akong paalisin,
    at ang iyong banal na Espiritu sa akin ay huwag mong bawiin.
12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas,
    at alalayan ako na may espiritung nagnanais.
13 Kung magkagayo'y ituturo ko sa mga sumusuway ang mga lakad mo;
    at ang mga makasalanan ay manunumbalik sa iyo.
14 Iligtas mo ako, O Diyos, mula sa salang pagdanak ng dugo,
    ikaw na Diyos ng aking kaligtasan;
    at ang aking dila ay aawit nang malakas tungkol sa iyong katuwiran.

15 O Panginoon, buksan mo ang mga labi ko,
    at ang aking bibig ay magpapahayag ng papuri sa iyo.
16 Sapagkat sa alay ay hindi ka nalulugod; kung hindi ay bibigyan kita,
    hindi ka nalulugod sa handog na sinusunog.
17 Ang mga hain sa Diyos ay bagbag na diwa,
    isang bagbag at nagsisising puso, O Diyos, ay hindi mo hahamakin.

18 Gawan mo ng mabuti ang Zion sa iyong mabuting kaluguran,
    itayo mo ang mga pader ng Jerusalem,
19 kung gayo'y malulugod ka sa matutuwid na alay,
    sa mga handog na sinusunog at sa buong handog na sinusunog;
    kung gayo'y ihahandog ang mga toro sa iyong dambana.

Deuteronomio 6:10-25

Babala Laban sa Pagsuway

10 “Kapag(A) dinala ka ng Panginoon mong Diyos sa lupain na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob, upang ibigay sa iyo ang malalaki at mabubuting lunsod na hindi mo itinayo,

11 at mga bahay na punô ng lahat ng mabubuting bagay, na hindi mo pinunô, at mga balon na hindi mo hinukay, mga ubasan at mga puno ng olibo na hindi mo itinanim, at ikaw ay kakain at mabubusog,

12 ingatan mo na baka iyong malimutan ang Panginoon na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin.

13 Matakot(B) ka sa Panginoon mong Diyos at maglingkod ka sa kanya at ikaw ay susumpa sa pamamagitan ng kanyang pangalan.

14 Huwag kang susunod sa ibang mga diyos, sa mga diyos ng mga bansang nasa palibot mo;

15 sapagkat ang Panginoon mong Diyos na nasa gitna mo ay isang mapanibughuing Diyos; baka ang galit ng Panginoon mong Diyos ay mag-alab laban sa iyo, at ikaw ay kanyang lipulin sa ibabaw ng lupa.

16 “Huwag(C) ninyong susubukin ang Panginoon ninyong Diyos, gaya ng pagsubok ninyo sa kanya sa Massah.

17 Masikap ninyong ingatan ang mga utos ng Panginoon ninyong Diyos, at ang kanyang mga patotoo, at ang kanyang mga tuntunin na kanyang iniutos sa iyo.

18 At iyong gagawin ang matuwid at mabuti sa paningin ng Panginoon, para sa ikabubuti mo, at upang iyong mapasok at maangkin ang mabuting lupain na ipinangako ng Panginoon sa iyong mga ninuno,

19 upang palayasin ang lahat ng iyong mga kaaway sa harapan mo, gaya ng ipinangako ng Panginoon.

20 “Kapag tatanungin ka ng iyong anak sa panahong darating, ‘Ano ang kahulugan ng mga patotoo, mga tuntunin, at mga batas, na iniutos sa inyo ng Panginoon nating Diyos?’

21 Iyo ngang sasabihin sa iyong anak, ‘Kami ay naging mga alipin ng Faraon sa Ehipto, at inilabas kami ng Panginoon sa Ehipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay.

22 At ang Panginoon ay nagpakita ng mga tanda at ng mga kababalaghan, dakila at matindi, laban sa Ehipto, kay Faraon, at sa kanyang buong sambahayan, sa harapan ng aming paningin;

23 at kami ay inilabas niya mula roon upang kami ay maipasok, upang maibigay sa amin ang lupain na kanyang ipinangako sa ating mga ninuno.

24 At iniutos ng Panginoon sa amin na gawin ang lahat ng mga tuntuning ito, na matakot sa Panginoon nating Diyos, sa ikabubuti natin magpakailanman, upang ingatan niya tayong buháy, gaya sa araw na ito.

25 At magiging katuwiran sa atin kapag maingat nating isinagawa ang lahat ng utos na ito sa harapan ng Panginoon nating Diyos, gaya ng iniutos niya sa atin.’

Roma 12:17-21

17 Huwag ninyong gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuri-puri sa harapan ng lahat ng mga tao.

18 Kung maaari, hanggang sa inyong makakaya, ay makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng mga tao.

19 Mga(A) minamahal, huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, kundi ipaubaya iyon sa galit ng Diyos; sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.”

20 Kaya't(B) “kung ang iyong kaaway ay magutom, pakainin mo; kung siya'y mauhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo ng ganito ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kanyang ulo.”

21 Huwag kang padaig sa masama, kundi daigin mo ng mabuti ang masama.

Roma 13:8-10

Tungkulin sa Kapwa

Huwag kayong magkautang ng anuman sa kaninuman, kundi mag-ibigan sa isa't isa, sapagkat ang umiibig sa kanyang kapwa'y nakatupad na ng kautusan.

Ang(A) mga utos na, “Huwag kang mangangalunya; Huwag kang papatay; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang mag-iimbot;” at kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”

10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa; ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001