Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 126

Awit ng Pag-akyat.

126 Nang ibalik ng Panginoon ang mga kayamanan ng Zion,[a]
    tayo ay gaya ng mga nananaginip.
Nang magkagayo'y napuno ang ating bibig ng mga tawanan,
    at ang ating dila ng mga awit ng kagalakan,
nang magkagayo'y sinabi nila sa gitna ng mga bansa,
    “Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa kanila.”
Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa atin,
    kami ay natutuwa.
Ang aming mga bihag,[b] O Panginoon, ay iyong ibalik,
    na gaya ng mga batis sa Negeb![c]
Yaon nawang nagsisipaghasik na luhaan,
    ay mag-ani na may sigaw ng kagalakan!
Siyang lumalabas na umiiyak,
    na may dalang itatanim na mga binhi,
ay uuwi na may sigaw ng kagalakan,
    na dala ang kanyang mga bigkis ng inani.

Jeremias 26:12-24

12 Pagkatapos ay nagsalita si Jeremias sa lahat ng pinuno at sa buong bayan, na sinasabi, “Sinugo ako ng Panginoon upang magsalita ng propesiya laban sa bahay na ito at laban sa lunsod na ito ng lahat ng mga salita na inyong narinig.

13 Kaya't ngayo'y baguhin ninyo ang inyong mga lakad at mga gawa, at sundin ninyo ang tinig ng Panginoon ninyong Diyos; at babaguhin ng Panginoon ang kanyang isip tungkol sa kasamaan na kanyang ipinahayag laban sa inyo.

14 Ngunit tungkol sa akin, narito, ako'y nasa inyong kamay. Gawin ninyo sa akin ang inaakala ninyong mabuti at matuwid sa inyo.

15 Tandaan lamang ninyo na kapag ako'y inyong pinatay, kayo'y magdadala ng walang salang dugo sa inyong sarili at sa lunsod na ito at sa mga mamamayan nito, sapagkat totoong sinugo ako ng Panginoon sa inyo upang sabihin ang lahat ng mga salitang ito sa inyong mga pandinig.”

16 At sinabi ng mga pinuno at ng buong bayan sa mga pari at sa mga propeta, “Ang taong ito ay hindi nararapat sa hatol na kamatayan, sapagkat siya'y nagsalita sa atin sa pangalan ng Panginoon nating Diyos.”

17 Ang ilan sa matatanda ng lupain ay tumindig at nagsalita sa buong kapulungan ng bayan, na nagsasabi,

18 “Si(A) Micaias na Morastita ay nagsalita ng propesiya sa mga araw ni Hezekias na hari ng Juda, at sinabi sa buong bayan ng Juda: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo,

Ang Zion ay aararuhing parang bukid;
    ang Jerusalem ay magiging bunton ng mga guho
    at ang bundok ng bahay ay magiging mataas na dako ng isang gubat.’

19 Ipinapatay ba siya ni Hezekias na hari ng Juda at ng buong Juda? Hindi ba't natakot siya sa Panginoon at hiniling ang lingap ng Panginoon, at hindi ba't nagbago ng isip ang Panginoon tungkol sa kasamaan na kanyang ipinahayag laban sa kanila? Ngunit malapit na tayong magdala ng malaking kasamaan laban sa ating mga sarili.”

20 May isa pang lalaki na nagsalita ng propesiya sa pangalan ng Panginoon, si Urias na anak ni Shemaya na taga-Kiryat-jearim. Siya'y nagsalita ng propesiya laban sa lupaing ito sa mga salitang katulad ng kay Jeremias.

21 Nang marinig ni Haring Jehoiakim at ng lahat niyang mga mandirigma, at mga pinuno ang kanyang mga salita, pinagsikapan ng hari na ipapatay siya. Ngunit nang ito'y marinig ni Urias, siya'y natakot, tumakbo, at tumakas patungong Ehipto.

22 At si Haring Jehoiakim ay nagsugo ng mga tauhan sa Ehipto, sina Elnatan na anak ni Acbor, at ilan pang mga kasama niya.

23 Kanilang kinuha si Urias sa Ehipto, at dinala siya kay Haring Jehoiakim, na pumatay sa kanya sa pamamagitan ng tabak at itinapon ang kanyang bangkay sa mga libingan ng karaniwang tao.

24 Ngunit ang kamay ni Ahikam na anak ni Safan ay sumasa kay Jeremias, anupa't hindi siya naibigay sa mga kamay ng taong-bayan upang patayin.

Mga Hebreo 7:11-22

Ang Paring Tulad ni Melquizedek

11 Ngayon, kung may kasakdalan sa pamamagitan ng pagkapari ng mga Levita, (sapagkat batay dito ay tinanggap ng bayan ang kautusan), ano pa ang karagdagang pangangailangan upang lumitaw ang isa pang pari, ayon sa pagkapari ni Melquizedek, sa halip na ayon sa pagkapari ni Aaron?

12 Sapagkat nang palitan ang pagkapari ay kailangan din namang palitan ang kautusan.

13 Sapagkat ang tinutukoy ng mga bagay na ito ay kabilang sa ibang angkan, na doon ang sinuma'y hindi naglingkod sa dambana.

14 Sapagkat maliwanag na ang ating Panginoon ay nagmula sa Juda at tungkol sa liping iyon ay walang sinabing anuman si Moises tungkol sa mga pari.

15 At ito ay lalo pang naging maliwanag nang lumitaw ang ibang pari, na kagaya ni Melquizedek,

16 na naging pari, hindi ayon sa itinatakda ng batas na ukol sa laman, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na hindi mapupuksa.

17 Sapagkat(A) pinatotohanan,

“Ikaw ay pari magpakailanman,
    ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”

18 Sa kabilang dako, mayroong pagpapawalang-bisa sa naunang utos, sapagkat ito ay mahina at walang pakinabang

19 (sapagkat ang kautusan ay walang pinasasakdal), sa gayon ay ipinapakilala ang isang higit na mabuting pag-asa, na sa pamamagitan nito ay lumalapit tayo sa Diyos.

20 At iyon ay mayroong panunumpa. Yaong nang una ay naging pari ay nagsimula sa kanilang katungkulan na walang panunumpa,

21 ngunit(B) ang isang ito ay naging pari na may panunumpa,

“Nanumpa ang Panginoon at hindi siya magbabago ng kanyang isip,
‘Ikaw ay pari magpakailanman.’”

22 Sa gayon, si Jesus ay naging tagapanagot ng isang higit na mabuting tipan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001