Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kaligayahan ng Isang Mabuting Tao
112 Purihin ang Panginoon!
Mapalad ang tao na natatakot sa Panginoon,
na lubos na nagagalak sa kanyang mga utos!
2 Ang kanyang mga binhi ay magiging makapangyarihan sa lupa;
ang salinlahi ng matuwid ay magiging mapalad.
3 Nasa kanyang bahay ang mga kayamanan at kariwasaan;
at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
4 Ang liwanag ay bumabangon sa kadiliman para sa matuwid,
ang Panginoon ay mapagbiyaya at mahabagin at matuwid.
5 Ito ay mabuti sa taong mapagbigay at nagpapahiram,
pananatilihin niya ang kanyang layunin sa katarungan.
6 Sapagkat siya'y hindi makikilos magpakailanman;
ang matuwid ay maaalala magpakailanman.
7 Siya'y hindi matatakot sa masasamang balita;
ang kanyang puso ay matatag, na sa Panginoon ay nagtitiwala.
8 Ang kanyang puso ay matatag, hindi siya matatakot,
hanggang ang nais niya sa kanyang mga kaaway ay makita niya.
9 Siya'y(A) nagpamudmod, siya ay nagbigay sa dukha;
ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman;
ang kanyang sungay ay mataas sa karangalan.
10 Makikita ito ng masama at magagalit;
pagngangalitin niya ang kanyang mga ngipin at matutunaw
ang nasa ng masama ay mapapahamak.
Tungkol sa Pagtatalik
13 “Kung ang sinumang lalaki ay mag-asawa at pagkatapos sumiping sa babae,[a] ay kanyang kapootan siya,
14 at kanyang pagbintangan ng mga kahiyahiyang bagay at siraan siya ng dangal sa pamamagitan ng pagsasabing, ‘Aking kinuha ang babaing ito, ngunit nang sipingan ko siya ay hindi ko natagpuan sa kanya ang mga tanda ng pagkabirhen.’
15 Kung magkagayo'y, ang ama at ina ng dalaga ay magbibigay ng mga katibayan ng pagkabirhen ng babae sa matatanda sa lunsod sa pintuang-bayan;
16 at sasabihin ng ama ng dalaga sa matatanda, ‘Ibinigay ko ang aking anak sa lalaking ito upang maging asawa ngunit kanyang kinapootan siya.
17 Kanyang pinagbibintangan siya ng mga kahiyahiyang bagay sa pagsasabing, “Hindi ko natagpuan sa iyong anak ang mga katibayan ng pagkabirhen;” gayunma'y ito ang mga tanda ng pagkabirhen ng aking anak.’ At kanilang ilaladlad ang kasuotan sa harapan ng matatanda sa bayan.
18 Kukunin ng matatanda sa lunsod na iyon ang lalaki at siya'y hahagupitin;
19 at kanilang pagbabayarin siya ng isang daang siklong pilak at ibibigay sa ama ng dalaga sapagkat kanyang siniraang-puri ang isang dalaga ng Israel. Siya'y mananatili bilang kanyang asawa; hindi niya mapapalayas ang babae sa lahat ng kanyang mga araw.
20 Ngunit kung ang bagay na ito ay totoo na ang mga tanda ng pagkabirhen ay hindi natagpuan sa dalaga,
21 kanila ngang ilalabas ang dalaga sa pintuan ng bahay ng kanyang ama, at babatuhin siya ng mga bato ng mga lalaki sa kanyang bayan upang siya'y mamatay. Nagkasala siya ng kahangalan sa Israel sa paggawa ng kahalayan sa bahay ng kanyang ama; gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.
22 “Kung ang isang lalaki ay matagpuang sumisiping sa isang babaing may asawa, kapwa sila papatayin, ang lalaki na sumiping sa babae at ang babae. Gayon mo aalisin ang kasamaan sa Israel.
23 “Kung ang isang dalaga ay nakatakdang ikasal sa isang lalaki, at natagpuan siya ng isang lalaki sa bayan, at sumiping sa kanya;
24 kapwa mo sila ilalabas sa pintuan ng lunsod na iyon at inyong babatuhin sila ng mga bato upang sila'y mamatay; ang dalaga, sapagkat hindi siya sumigaw kahit na siya ay nasa lunsod, at ang lalaki, sapagkat nilapastangan niya ang asawa ng kanyang kapwa. Gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.
25 “Ngunit kung matagpuan ng lalaki sa parang ang isang dalagang nakatakdang ikasal, at pilitin siya ng lalaki na sipingan siya, ang lalaki lamang na sumiping sa kanya ang papatayin.
26 Ngunit ang dalaga ay huwag mong gagawan ng anuman; sa dalaga ay walang anumang kasalanang nararapat ikamatay, sapagkat ang usaping ito ay gaya ng isang lalaking dinaluhong at pinatay ang kanyang kapwa.
27 Yamang kanyang natagpuan ang dalaga sa parang, ang dalagang nakatakdang ikasal ay maaaring sumigaw ngunit walang magliligtas sa kanya.
28 “Kung(A) matagpuan ng isang lalaki ang isang dalagang hindi pa nakatakdang ikasal, at kanyang sinunggaban at sinipingan siya, at sila'y nahuli sa akto,
29 ang lalaking sumiping sa kanya ay magbibigay sa ama ng dalaga ng limampung siklong pilak, at ang dalaga ay magiging kanyang asawa. Sapagkat kanyang nilapastangan siya, hindi niya maaaring hiwalayan ang dalaga hangga't siya ay nabubuhay.
30 “Huwag(B) kukunin ng isang lalaki ang asawa ng kanyang ama at huwag ililitaw ang balabal ng kanyang ama.
Mga Tagubilin tungkol sa Pag-aasawa
7 Ngayon, tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo: “Mabuti para sa isang lalaki ay huwag humipo sa babae.”
2 Subalit, dahil sa mga nangyayaring pakikiapid, ang bawat lalaki ay magkaroon ng kanyang sariling asawa, at bawat babae ay magkaroon ng kanyang sariling asawa.
3 Dapat ibigay ng lalaki sa asawa ang karapatan nito, gayundin naman ang babae sa kanyang asawa.
4 Sapagkat ang babae ay walang karapatan sa kanyang katawan, kundi ang asawa, at gayundin ang lalaki ay walang karapatan sa kanyang sariling katawan, kundi ang asawa.
5 Huwag pagkaitan ang isa't isa, maliban kung pagkasunduan ng ilang panahon, upang maiukol ang mga sarili sa pananalangin, at pagkatapos ay muli kayong magsama, baka kayo'y tuksuhin ni Satanas dahil sa kakulangan ng pagpipigil sa sarili.
6 Ngunit ito'y sinasabi ko bilang pagbibigay, hindi isang utos.
7 Ibig ko sana na ang lahat ng tao ay maging gaya ko. Ngunit ang bawat tao'y mayroong kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos, ang isa'y ganito at ang iba'y ganoon.
8 Subalit sinasabi ko sa mga walang asawa at sa mga babaing balo, mabuti sa kanila kung sila'y mananatiling gaya ko.
9 Ngunit kung sila'y hindi nakakapagpigil, ay dapat silang magsipag-asawa, sapagkat mas mabuti pang mag-asawa kaysa mag-alab ang pagnanasa.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001