Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 53:4-12

Tunay(A) na kanyang pinasan ang ating mga karamdaman,
    at dinala ang ating mga kalungkutan;
gayunma'y ating itinuring siya na hinampas,
    sinaktan ng Diyos at pinahirapan.
Ngunit(B) siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsuway,
    siya'y binugbog dahil sa ating mga kasamaan;
ipinataw sa kanya ang parusa para sa ating kapayapaan,
    at sa pamamagitan ng kanyang mga latay ay gumaling tayo.
Tayong(C) lahat ay gaya ng mga tupang naligaw;
    bawat isa sa atin ay lumihis sa kanyang sariling daan;
at ipinasan sa kanya ng Panginoon
    ang lahat nating kasamaan.

Siya'y(D) (E) inapi, at siya'y sinaktan,
    gayunma'y hindi niya ibinuka ang kanyang bibig;
gaya ng kordero na dinadala sa katayan,
    at gaya ng tupa na sa harapan ng mga manggugupit sa kanya ay pipi,
    kaya't hindi niya ibinuka ang kanyang bibig.
Sa pamamagitan ng pang-aapi at paghatol ay inilayo siya;
    at tungkol sa kanyang salinlahi,
na itinuring na siya'y itiniwalag sa lupain ng mga buháy,
    at sinaktan dahil sa pagsalangsang ng aking bayan.
At(F) ginawa nila ang kanyang libingan na kasama ng masasama,
    at kasama ng isang lalaking mayaman sa kanyang kamatayan;
bagaman hindi siya gumawa ng karahasan,
    o walang anumang pandaraya sa kanyang bibig.

10 Gayunma'y kinalugdan ng Panginoon na mabugbog siya;
    kanyang inilagay siya sa pagdaramdam;
kapag gagawin niya ang kanyang kaluluwa bilang handog pangkasalanan,
    makikita niya ang kanyang supling, pahahabain niya ang kanyang mga araw;
at ang kalooban ng Panginoon ay uunlad sa kanyang kamay.
11     Kanyang makikita ang bunga ng paghihirap ng kanyang kaluluwa,
at masisiyahan sa pamamagitan ng kanyang kaalaman.
    Aariing-ganap ng matuwid kong lingkod ang marami,
    at papasanin niya ang kanilang mga kasamaan.
12 Kaya't(G) hahatian ko siya ng bahagi na kasama ng dakila,
    at kanyang hahatiin ang samsam na kasama ng malakas;
sapagkat kanyang ibinuhos ang kanyang kaluluwa sa kamatayan,
    at ibinilang na kasama ng mga lumalabag;
gayunma'y pinasan niya ang kasalanan ng marami,
    at namagitan para sa mga lumalabag.

Mga Awit 91:9-16

Sapagkat ikaw, O Panginoon, ay aking kanlungan!
    Ang Kataas-taasan bilang iyong tahanan;
10 walang kasamaang darating sa iyo,
    walang parusang lalapit sa tolda mo.
11 Sapagkat(A) siya'y magbibilin sa kanyang mga anghel tungkol sa iyo,
    upang sa lahat ng iyong mga lakad ay ingatan ka.
12 Sa(B) kanilang mga kamay ay dadalhin ka nila,
    baka sa isang bato'y matisod ang iyong paa.
13 Iyong(C) tatapakan ang leon at ang ulupong,
    tatapakan mo ng iyong paa ang ahas at batang leon.

14 Sapagkat siya'y kumapit sa akin na may pag-ibig, ililigtas ko siya,
    iingatan ko siya sapagkat ang aking pangalan ay nalalaman niya.
15 Siya'y tatawag sa akin at sasagutin ko siya;
    ako'y magiging kasama niya sa kabalisahan,
    sasagipin ko siya at pararangalan ko siya.
16 Aking bubusugin siya ng mahabang buhay,
    at ipapakita sa kanya ang aking pagliligtas.

Mga Hebreo 5:1-10

Bawat pinakapunong pari na pinili mula sa mga tao ay pinangasiwa sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos, para sa kanilang kapakanan, upang siya'y makapaghandog ng mga kaloob at ng mga alay para sa mga kasalanan.

Siya ay marunong makitungo na may kaamuan sa mga mangmang at naliligaw, yamang siya man ay napapaligiran ng kahinaan.

Dahil(A) dito, kailangang siya'y maghandog para sa kanyang sariling mga kasalanan, at gayundin para sa taong-bayan.

At(B) sinuman ay hindi kumukuha ng karangalang ito para sa kanyang sarili, kundi siya ay tinatawag ng Diyos, na gaya ni Aaron.

Maging(C) si Cristo man ay hindi lumuwalhati sa kanyang sarili upang maging pinakapunong pari, kundi itinalaga ng nagsabi sa kanya,

“Ikaw ay aking Anak,
    ako ngayon ay naging Ama mo.”

Gaya(D) rin naman ng sinasabi niya sa ibang dako,

“Ikaw ay pari magpakailanman,
    ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”

Sa(E) mga araw ng kanyang buhay dito sa mundo,[a] si Jesus[b] ay naghandog ng mga panalangin at mga pakiusap na may malakas na pagtangis at pagluha sa may kapangyarihang magligtas sa kanya mula sa kamatayan, at siya'y pinakinggan dahil sa kanyang magalang na pagpapasakop.

Bagama't siya'y isang Anak, siya'y natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis,

at nang maging sakdal, siya ang naging pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng mga sumusunod sa kanya;

10 yamang itinalaga ng Diyos bilang pinakapunong pari ayon sa pagkapari ni Melquizedek.

Marcos 10:35-45

Ang Kahilingan nina Santiago at Juan(A)

35 Lumapit sa kanya sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, na nagsasabi sa kanya, “Guro, ibig naming gawin mo sa amin ang anumang aming hingin sa iyo.”

36 At sinabi niya sa kanila, “Ano ang ibig ninyong gawin ko para sa inyo?”

37 Sinabi nila sa kanya, “Ipagkaloob mo sa amin na makaupo kami, ang isa'y sa iyong kanan, at ang isa'y sa kaliwa, sa iyong kaluwalhatian.”

38 Subalit(B) sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong uminom sa kopang aking iinuman; o mabautismuhan sa bautismo na ibinabautismo sa akin?”

39 Sumagot sila, “Kaya namin.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Ang kopang aking iinuman ay iinuman ninyo; at sa bautismo na ibinabautismo sa akin ay babautismuhan kayo.

40 Ngunit ang maupo sa aking kanan o sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob; subalit ito'y para sa kanila na pinaghandaan nito.”

41 Nang marinig ito ng sampu, nagsimula silang magalit kina Santiago at Juan.

42 Kaya't(C) sila'y tinawag ni Jesus at sinabi sa kanila, “Nalalaman ninyo na ang mga kinikilala upang mamuno sa mga Hentil ay tumatayong panginoon sa kanila; at ang mga dakila sa kanila ang siyang nasusunod sa kanila.

43 Subalit(D) hindi gayon sa inyo, ngunit ang sinumang ibig na maging dakila sa inyo ay kailangang maging lingkod ninyo;

44 at ang sinumang nais na maging una ay kailangang maging alipin ng lahat.

45 Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001