Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 2:18-24

18 At sinabi ng Panginoong Diyos, “Hindi mabuti na ang lalaki ay nag-iisa; siya'y igagawa ko ng isang katuwang na nababagay sa kanya.”

19 Kaya't mula sa lupa ay nilalang ng Panginoong Diyos ang lahat ng hayop sa parang at ang lahat ng ibon sa himpapawid; at dinala sa lalaki upang malaman kung anong itatawag niya sa mga iyon. At anuman ang itawag ng lalaki sa bawat buháy na nilalang ay siyang pangalan nito.

20 At pinangalanan ng lalaki ang lahat ng hayop at ang mga ibon sa himpapawid, at ang bawat hayop sa parang; subalit para sa lalaki ay walang nakitang katuwang na nababagay para sa kanya.

Nilalang ang Babae mula sa Lalaki

21 Kaya't pinatulog nang mahimbing ng Panginoong Diyos ang lalaki, at habang siya'y natutulog, kinuha niya ang isa sa kanyang mga tadyang at pinaghilom ang laman sa lugar na iyon;

22 at ang tadyang na kinuha ng Panginoong Diyos sa lalaki ay ginawang isang babae, at dinala siya sa lalaki.

23 At sinabi ng lalaki,

“Sa wakas, ito'y buto ng aking mga buto
    at laman ng aking laman.
Siya'y tatawaging Babae,
    sapagkat sa Lalaki siya kinuha.”

24 Kaya't(A) iniiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, at pumipisan sa kanyang asawa; at sila'y nagiging isang laman.

Mga Awit 8

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith. Awit ni David.

O Panginoon, aming Panginoon,
    sa buong lupa ay napakadakila ng iyong pangalan!

Sa itaas ng mga langit ay inaawit ang iyong kaluwalhatian
    mula(A) sa bibig ng mga sanggol at mga musmos,
ikaw ay nagtatag ng tanggulan dahil sa mga kalaban mo,
    upang patahimikin ang kaaway at ang maghihiganti sa iyo.

Kapag pinagmamasdan ko ang iyong kalangitan, ang gawa ng iyong mga daliri,
    ang buwan at ang mga bituin na iyong inilagay;
ano(B) ang tao upang siya'y iyong alalahanin,
    at ang anak ng tao upang siya'y iyong kalingain?

Gayunma'y ginawa mo siyang mababa lamang nang kaunti kaysa Diyos,
    at pinutungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.
Binigyan(C) mo siya ng kapamahalaan sa mga gawa ng iyong mga kamay;
    sa ilalim ng kanyang mga paa ay inilagay mo ang lahat ng mga bagay,
lahat ng tupa at baka,
    gayundin ang mga hayop sa parang,
ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa dagat,
    anumang nagdaraan sa mga daanan ng dagat.

O Panginoon, aming Panginoon,
    sa buong lupa ay napakadakila ang iyong pangalan!

Mga Hebreo 1:1-4

Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kanyang Anak

Noong unang panahon, ang Diyos ay nagsalita sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta,

subalit sa mga huling araw na ito ay nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng Anak, na kanyang itinalagang tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan din niya'y ginawa ang mga sanlibutan.

Siya ang kaningningan ng kaluwalhatian ng Diyos[a] at tunay na larawan ng kanyang likas, at kanyang inaalalayan ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang salita. Nang magawa na niya ang paglilinis ng mga kasalanan, siya ay umupo sa kanan ng Kamahalan sa kaitaasan,

palibhasa'y naging higit na mataas kaysa mga anghel, palibhasa'y nagmana ng higit na marilag na pangalan kaysa kanila.

Mga Hebreo 2:5-12

Naging Dakila sa Pagiging Hamak

Sapagkat hindi ipinasakop ng Diyos[a] sa mga anghel ang sanlibutang darating, na siya naming sinasabi,

Ngunit(A) may nagpatunay sa isang dako, na sinasabi,

“Ano ang tao upang siya'y iyong alalahanin?
    O ang anak ng tao upang siya'y iyong pagmalasakitan?
Siya'y ginawa mong mababa kaysa mga anghel nang sandaling panahon;
    siya'y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan,
    at siya'y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong mga kamay.[b]
Ipinasakop mo ang lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang mga paa.”

Nang masakop niya ang bawat bagay, wala siyang iniwan na hindi niya nasasakop. Ngunit ngayon ay hindi pa natin nakikitang nasasakop niya ang lahat ng mga bagay,

kundi nakikita natin si Jesus, na sa sandaling panahon ay ginawang mababa kaysa mga anghel, na dahil sa pagdurusa ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay maranasan niya ang kamatayan alang-alang sa lahat.

10 Sapagkat nararapat na ang Diyos,[c] na para sa kanya at sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak tungo sa kaluwalhatian, ay gawing sakdal ang tagapagtatag ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagdurusa.

11 Sapagkat ang gumagawang banal at ang mga ginawang banal ay pawang nagmula sa isa. Dahil dito'y hindi nahihiya si Jesus[d] na tawagin silang mga kapatid,

12 na(B) sinasabi,

“Ipahahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid,
    sa gitna ng kapulungan ay aawitan kita ng mga himno.”

Marcos 10:2-16

Dumating ang mga Fariseo at upang subukin siya ay kanilang itinanong, “Ipinahihintulot ba sa lalaki na makipaghiwalay sa kanyang asawa?”

At sumagot siya sa kanila, “Ano ba ang iniutos sa inyo ni Moises?”

Sinabi(A) nila, “Ipinahintulot ni Moises na sumulat ang isang lalaki ng kasulatan ng paghihiwalay, at makipaghiwalay sa babae.”

Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Dahil sa katigasan ng inyong puso, isinulat niya ang utos na ito sa inyo.

Ngunit(B) buhat pa sa pasimula ng paglikha, ‘ginawa sila ng Diyos na lalaki at babae.’

‘Dahil(C) dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at makikipisan sa kanyang asawa;

at ang dalawa ay magiging isang laman!’ Kaya't hindi na sila dalawa, kundi isang laman.

Kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag hayaang paghiwalayin ng tao.”

10 Sa bahay naman ay muling tinanong siya ng mga alagad tungkol sa bagay na ito.

11 At(D) sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang makipaghiwalay sa kanyang asawang babae at mag-asawa sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa kanya.

12 Kung nakipaghiwalay siya sa kanyang asawang lalaki at mag-asawa sa iba, nagkakasala siya ng pangangalunya.”

Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(E)

13 At dinadala ng mga tao sa kanya ang maliliit na bata upang sila'y kanyang hipuin, ngunit sinaway sila ng mga alagad.

14 Ngunit nang ito'y makita ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata. Huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos.

15 Tunay(F) na sinasabi ko sa inyo, ang sinumang hindi tumanggap sa kaharian ng Diyos na tulad sa isang maliit na bata, ay hindi makakapasok doon.”

16 At kinalong niya sila, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001