Revised Common Lectionary (Complementary)
9 Sapagkat ikaw, O Panginoon, ay aking kanlungan!
Ang Kataas-taasan bilang iyong tahanan;
10 walang kasamaang darating sa iyo,
walang parusang lalapit sa tolda mo.
11 Sapagkat(A) siya'y magbibilin sa kanyang mga anghel tungkol sa iyo,
upang sa lahat ng iyong mga lakad ay ingatan ka.
12 Sa(B) kanilang mga kamay ay dadalhin ka nila,
baka sa isang bato'y matisod ang iyong paa.
13 Iyong(C) tatapakan ang leon at ang ulupong,
tatapakan mo ng iyong paa ang ahas at batang leon.
14 Sapagkat siya'y kumapit sa akin na may pag-ibig, ililigtas ko siya,
iingatan ko siya sapagkat ang aking pangalan ay nalalaman niya.
15 Siya'y tatawag sa akin at sasagutin ko siya;
ako'y magiging kasama niya sa kabalisahan,
sasagipin ko siya at pararangalan ko siya.
16 Aking bubusugin siya ng mahabang buhay,
at ipapakita sa kanya ang aking pagliligtas.
10 Sapagkat ikaw ay nagtiwala sa iyong kasamaan,
iyong sinabi, “Walang nakakakita sa akin”;
ang iyong karunungan at ang iyong kaalaman
ang nagligaw sa iyo,
at iyong sinabi sa iyong puso,
“Ako nga, at walang iba liban sa akin.”
11 Ngunit ang kasamaan ay darating sa iyo,
na hindi mo malalaman ang pinagmulan;
at ang kapahamakan ay darating sa iyo;
na hindi mo maaalis;
at ang pagkawasak ay biglang darating sa iyo,
na hindi mo nalalaman.
12 Tumayo ka ngayon sa iyong panggagayuma,
at sa marami mong pangkukulam,
na iyong ginawa mula sa iyong kabataan;
marahil ay makikinabang ka,
marahil ay mananaig ka.
13 Ikaw ay pagod na sa dinami-dami ng iyong mga payo;
patayuin sila at iligtas ka,
sila na nanghuhula sa pamamagitan ng langit,
na nagmamasid sa mga bituin,
na nanghuhula sa pamamagitan ng buwan,
kung anong mangyayari sa iyo.
14 Narito, sila'y gaya ng pinagputulan ng trigo,
sinusunog sila ng apoy;
hindi nila maililigtas ang kanilang kaluluwa
mula sa kapangyarihan ng liyab.
Walang baga na pagpapainitan sa kanila,
o apoy na sa harapan nito'y makakaupo ang sinuman.
15 Ganito ang mangyayari sa kanila na kasama mong gumawa,
silang nangalakal na kasama mo mula sa iyong kabataan,
bawat isa ay nagpalabuy-laboy sa kanyang sariling lakad;
walang sinumang sa iyo ay magliligtas.
Ang Pagtatalu-talo tungkol sa Kadakilaan
24 Nagkaroon(A) ng isang pagtatalu-talo sa gitna nila, kung sino kaya sa kanila ang ituturing na pinakadakila.
25 At(B) kanyang sinabi sa kanila, “Ang mga hari ng mga Hentil ay nagpapapanginoon sa kanila; at ang mga may awtoridad sa kanila'y tinatawag na mga tagapagpala.
26 Subalit(C) sa inyo'y hindi gayon. Sa halip, ang pinakadakila sa inyo ang maging pinakabata at ang pinuno ang siyang naglilingkod.
27 Sapagkat(D) alin ang higit na dakila, ang nakaupo ba sa hapag, o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakaupo sa hapag? Subalit ako'y kasama ninyo na gaya ng isang naglilingkod.
28 “Kayo'y yaong patuloy na kasama ko sa mga pagsubok sa akin.
29 At inilalaan ko sa inyo kung paanong ang Ama ay naglaan para sa akin ng isang kaharian,
30 upang(E) kayo'y kumain at uminom sa aking hapag sa kaharian ko, at kayo'y umupo sa mga trono, na hinuhukuman ang labindalawang lipi ni Israel.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001