Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 126

Awit ng Pag-akyat.

126 Nang ibalik ng Panginoon ang mga kayamanan ng Zion,[a]
    tayo ay gaya ng mga nananaginip.
Nang magkagayo'y napuno ang ating bibig ng mga tawanan,
    at ang ating dila ng mga awit ng kagalakan,
nang magkagayo'y sinabi nila sa gitna ng mga bansa,
    “Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa kanila.”
Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa atin,
    kami ay natutuwa.
Ang aming mga bihag,[b] O Panginoon, ay iyong ibalik,
    na gaya ng mga batis sa Negeb![c]
Yaon nawang nagsisipaghasik na luhaan,
    ay mag-ani na may sigaw ng kagalakan!
Siyang lumalabas na umiiyak,
    na may dalang itatanim na mga binhi,
ay uuwi na may sigaw ng kagalakan,
    na dala ang kanyang mga bigkis ng inani.

Jeremias 23:9-15

Ang Mensahe ni Jeremias tungkol sa mga Propeta

Tungkol sa mga propeta:

Ang puso ko ay wasak sa aking kalooban,
    lahat ng aking mga buto ay nanginginig;
ako'y gaya ng taong lasing,
    gaya ng taong dinaig ng alak,
dahil sa Panginoon,
    at dahil sa kanyang mga banal na salita.
10 Sapagkat ang lupain ay punô ng mga mangangalunya;
    dahil sa sumpa ay tumatangis ang lupain;
    at ang mga pastulan sa ilang ay natuyo.
At ang kanilang lakad ay masama,
    at ang kanilang lakas ay hindi tama.
11 “Sapagkat parehong marumi ang propeta at ang pari;
    maging sa aking bahay ay natagpuan ko ang kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon.
12 Kaya't ang kanilang daan ay magiging
    parang madudulas na landas sa kanila,
    sila'y itataboy sa kadiliman at mabubuwal doon;
sapagkat ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila,
    sa taon ng pagpaparusa sa kanila, sabi ng Panginoon.
13 At sa mga propeta ng Samaria
    ay nakakita ako ng kasuklamsuklam na bagay;
sila'y nagsalita ng propesiya sa pamamagitan ni Baal,
    at iniligaw ang aking bayang Israel.
14 Ngunit(A) sa mga propeta ng Jerusalem naman
    ay nakakita ako ng kakilakilabot na bagay:
sila'y nangangalunya at lumalakad sa mga kasinungalingan;
    pinalalakas nila ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan.
    anupa't walang humihiwalay sa kanyang kasamaan:
Silang lahat sa akin ay naging tulad ng Sodoma,
    at ang mga naninirahan doon, sa akin ay tulad ng Gomorra.”

15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga propeta:

“Narito, pakakainin ko sila ng halamang mapait,
    at binibigyan ko sila ng tubig na may lason upang inumin;
sapagkat mula sa mga propeta ng Jerusalem
    ay lumaganap ang karumihan sa buong lupain.”

Mga Hebreo 7:1-10

Ang Pagkapari ni Melquizedek

Itong(A) si Melquizedek, hari ng Salem, pari ng Kataas-taasang Diyos, ang siyang sumalubong kay Abraham sa pagbabalik niya galing sa paglipol sa mga hari at siya'y kanyang binasbasan,

at sa kanya ay ibinahagi ni Abraham ang ikasampung bahagi ng lahat. Una, ang kahulugan ng kanyang pangalan ay hari ng katuwiran; ikalawa, siya rin ay hari ng Salem, na ang kahulugan ay hari ng kapayapaan.

Walang ama, walang ina, walang talaan ng angkan, ni walang pasimula ng mga araw o katapusan ng buhay, subalit ginawang katulad ng Anak ng Diyos, siya ay nananatiling pari magpakailanman.

Talagang napakadakila ang taong ito! Maging si Abraham na patriyarka ay nagbigay sa kanya ng ikasampung bahagi ng mga samsam.

At(B) ang mga anak ni Levi na tumanggap ng katungkulang pari ay mayroong utos ayon sa kautusan na maglikom ng ikasampung bahagi mula sa taong-bayan, samakatuwid ay sa kanilang mga kapatid, bagaman ang mga ito ay mga nagmula sa balakang ni Abraham.

Ngunit ang taong ito na hindi mula sa kanilang lahi ay tumanggap ng mga ikasampung bahagi mula kay Abraham, at binasbasan ang tumanggap ng mga pangako.

Hindi mapapabulaanan na ang nakabababa ay binabasbasan ng nakatataas.

At dito, ang mga taong may kamatayan ay tumatanggap ng ikasampung bahagi, subalit sa kabilang dako ay ang isa na pinatutunayang nabubuhay.

Maaaring sabihin na maging si Levi, na siyang tumatanggap ng mga ikasampung bahagi ay nagbayad ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham,

10 sapagkat siya'y nasa mga balakang pa ng kanyang ninuno nang siya'y salubungin ni Melquizedek.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001