Revised Common Lectionary (Complementary)
ALEPH.
119 Mapalad silang sakdal ang landas,
na sa kautusan ng Panginoon ay lumalakad!
2 Mapalad silang nag-iingat ng kanyang mga patotoo,
na hinahanap siya ng buong puso,
3 na hindi rin gumagawa ng kasamaan,
kundi lumalakad sa kanyang mga daan.
4 Iniutos mo ang iyong mga tuntunin,
upang masikap naming sundin.
5 O maging matatag nawa ang pamamaraan ko
sa pag-iingat ng mga tuntunin mo!
6 Kung gayo'y hindi ako mapapahiya,
yamang itinuon ko sa lahat ng iyong mga utos ang aking mga mata.
7 Pupurihin kita ng may matuwid na puso,
kapag aking natutunan ang matutuwid mong mga batas.
8 Aking tutuparin ang mga tuntunin mo;
O huwag mong ganap na talikuran ako!
Mga Pagsasauli tungkol sa Naging Kasiraan
22 “Kung ang isang tao ay magnakaw ng isang baka, o ng tupa at patayin, o ipagbili, siya'y magbabayad ng limang baka para sa isang baka, at ng apat na tupa para sa isang tupa. Ang magnanakaw ay gagawa ng pagsasauli; kung wala siyang maisauli, siya'y ipagbibili dahil sa kanyang pagnanakaw.
2 “Kung ang isang magnanakaw ay mahuling pumapasok at siya'y hinampas na kanyang ikinamatay, hindi magkakaroon ng pananagutan sa dugo ang nakapatay,
3 ngunit kung sikatan siya ng araw ay magkakaroon siya ng pananagutan sa dugo.
4 “Kung ang ninakaw ay matagpuang buháy sa kanyang kamay, maging baka o asno, o tupa, ay magbabayad siya ng doble.
5 “Kung ang sinuman ay magpastol sa isang bukid, o sa isang ubasan, at pakawalan ang kanyang hayop at manginain sa bukid ng iba, siya'y magsasauli mula sa pinakamainam sa kanyang sariling bukid, at mula sa kanyang sariling ubasan.
6 “Kung may magningas na apoy at umabot sa mga tinik, na anupa't ang mga mandala, o ang mga uhay, o ang bukid ay masunog, ang nagpaningas ng apoy ay magbabayad ng buo.
7 “Kung ang sinuman ay magpatago sa kanyang kapwa ng salapi o pag-aari, at ito'y ninakaw sa bahay ng taong iyon, at pagkatapos, kung matagpuan ang magnanakaw, magbabayad siya ng doble.
8 Kung hindi matagpuan ang magnanakaw, lalapit ang may-ari ng bahay sa Diyos, upang ipakita kung pinakialaman niya o hindi ang pag-aari ng kanyang kapwa.
9 “Sapagkat sa lahat ng pagsuway, maging para sa baka, sa asno, sa tupa, sa kasuotan, o sa anumang bagay na nawala, na may magsabi na iyon nga ay sa kanya, dadalhin sa harapan ng Diyos ang usapin ng dalawa; ang parurusahan ng Diyos ay magbabayad ng doble sa kanyang kapwa.
10 “Kung ang sinuman ay maghabilin sa kanyang kapwa ng isang asno, o ng isang baka, o ng isang tupa, o ng anumang hayop; at namatay ito, o nasaktan, o hinuli, na walang nakakakitang sinuman,
11 ang pagsumpa nilang dalawa sa Panginoon ang mamamagitan sa kanila upang makita kung pinakialaman niya o hindi ang pag-aari ng kanyang kapwa; at tatanggapin ng may-ari ang sumpa, at siya'y hindi magsasauli.
12 Subalit kung ninakaw ito sa kanya ay isasauli niya iyon sa may-ari.
13 Kung nilapa ito ng mga hayop, dadalhin niya ito bilang katibayan; hindi siya magsasauli ng anumang nilapa.
14 “Kung ang sinuman ay humiram ng anuman sa kanyang kapwa, at nasaktan ito, o namatay, na hindi kaharap ang may-ari, ang humiram ay magsasauli ng buo.
15 Kung ang may-ari niyon ay kaharap, hindi siya magsasauli; kung ito'y inupahan, dumating ito para sa upa nito.
Ang Panlupa at ang Panlangit na mga Santuwaryo
9 Ngayon, maging ang unang tipan ay nagkaroon ng mga alituntunin sa pagsamba at ng isang panlupang santuwaryo.
2 Sapagkat(A) inihanda ang unang tabernakulo na kinaroroonan ng ilawan, dulang, at ng mga tinapay na handog; ito ay tinatawag na Dakong Banal.
3 Sa(B) likod ng ikalawang tabing ay ang tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan.
4 Dito(C) ay nakatayo ang isang gintong dambana ng insenso at ang kaban ng tipan na ang paligid ay nababalutan ng ginto, na siyang kinaroroonan ng sisidlang-ginto na kinalalagyan ng manna at ng tungkod ni Aaron na namulaklak, at ang mga tapyas na bato ng tipan.
5 Sa(D) ibabaw nito ay ang mga kerubin ng kaluwalhatian na lumililim sa trono ng awa. Ang mga bagay na ito ay hindi namin masasabi ngayon ng isa-isa.
6 Pagkatapos(E) magawa ang ganitong pagkahanda, ang mga pari ay patuloy na pumapasok sa unang tabernakulo upang gawin ang kanilang katungkulan sa paglilingkod;
7 subalit(F) sa ikalawa ay nag-iisang pumapasok ang pinakapunong pari, minsan sa isang taon, na may dalang dugo bilang handog niya para sa kanyang sarili at sa mga kasalanang nagawa nang di sinasadya ng taong-bayan.
8 Sa pamamagitan nito, itinuturo ng Espiritu Santo na hindi pa naihahayag ang daan patungo sa santuwaryo, habang nakatayo pa ang unang tabernakulo.
9 Iyon ay isang sagisag[a] ng panahong kasalukuyan, na sa panahong yaon ang mga kaloob at ang mga alay na inihahandog ay hindi makapagpapasakdal sa budhi ng sumasamba,
10 kundi tungkol lamang sa mga pagkain at mga inumin at iba't ibang paghuhugas, na mga alituntunin tungkol sa katawan na ipinatutupad hanggang sa ang panahon ay dumating upang maisaayos ang mga bagay.
11 Ngunit nang dumating si Cristo na Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na darating,[b] sa pamamagitan ng lalong dakila at lalong sakdal na tabernakulo na hindi gawa ng mga kamay ng tao, samakatuwid ay hindi sa sangnilikhang ito,
12 at hindi rin sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at mga toro, kundi sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo, siya ay pumasok na minsan magpakailanman sa Dakong Banal, sa gayo'y tinitiyak ang walang hanggang katubusan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001