Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 112

Ang Kaligayahan ng Isang Mabuting Tao

112 Purihin ang Panginoon!
    Mapalad ang tao na natatakot sa Panginoon,
    na lubos na nagagalak sa kanyang mga utos!
Ang kanyang mga binhi ay magiging makapangyarihan sa lupa;
    ang salinlahi ng matuwid ay magiging mapalad.
Nasa kanyang bahay ang mga kayamanan at kariwasaan;
    at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
Ang liwanag ay bumabangon sa kadiliman para sa matuwid,
    ang Panginoon ay mapagbiyaya at mahabagin at matuwid.
Ito ay mabuti sa taong mapagbigay at nagpapahiram,
    pananatilihin niya ang kanyang layunin sa katarungan.
Sapagkat siya'y hindi makikilos magpakailanman;
    ang matuwid ay maaalala magpakailanman.
Siya'y hindi matatakot sa masasamang balita;
    ang kanyang puso ay matatag, na sa Panginoon ay nagtitiwala.
Ang kanyang puso ay matatag, hindi siya matatakot,
    hanggang ang nais niya sa kanyang mga kaaway ay makita niya.
Siya'y(A) nagpamudmod, siya ay nagbigay sa dukha;
    ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman;
    ang kanyang sungay ay mataas sa karangalan.
10 Makikita ito ng masama at magagalit;
    pagngangalitin niya ang kanyang mga ngipin at matutunaw
    ang nasa ng masama ay mapapahamak.

Deuteronomio 24:1-5

Paghihiwalay at Muling Pag-aasawa

24 “Kapag(A) ang isang lalaki ay kumuha ng isang babae at pinakasalan, at kung ang babae ay hindi kalugdan ng kanyang paningin, sapagkat natagpuan niya itong may isang kahiyahiyang bagay, lalagda ang lalaki ng isang kasulatan ng paghihiwalay at ibibigay niya sa kanyang kamay. Kanyang palalabasin siya sa kanyang bahay,

at pagkaalis niya sa bahay ng lalaki ay makakahayo siya at makakapag-asawa sa ibang lalaki;

kung kapootan siya ng huling asawa, at lagdaan siya ng isang kasulatan ng paghihiwalay at ibigay sa kanyang kamay, at palabasin siya sa kanyang bahay; o kung mamatay ang huling asawa na kumuha sa kanya upang maging asawa niya;

hindi na siya muling makukuha upang maging asawa ng kanyang unang asawa na humiwalay sa kanya, pagkatapos na siya'y marumihan; sapagkat iyo'y karumaldumal sa harapan ng Panginoon. Huwag mong dadalhan ng pagkakasala ang lupain na ibinibigay bilang pamana sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

Iba't ibang mga Batas

“Kapag ang isang lalaki ay bagong kasal, hindi siya lalabas upang sumama sa hukbo ni mamamahala ng anumang katungkulan. Siya'y magiging malaya sa bahay sa loob ng isang taon at kanyang pasasayahin ang kanyang asawa na kanyang kinuha.

1 Corinto 7:10-16

10 Subalit(A) sa mga may asawa ay aking itinatagubilin, hindi ako, kundi ang Panginoon, na ang babae ay huwag humiwalay sa kanyang asawa.

11 (Subalit kung siya ma'y humiwalay, manatili siyang walang asawa, o kaya'y makipagkasundo sa kanyang asawa), at huwag hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa.

12 Subalit sa iba, ay ako ang nagsasabi, hindi ang Panginoon, na kung ang sinumang kapatid na lalaki ay may asawang hindi mananampalataya, at pumayag siyang mamuhay na kasama niya, ay huwag niya siyang hiwalayan.

13 At kung ang babae ay may asawa na hindi mananampalataya, at pumayag ang lalaking ito na mamuhay na kasama niya, ay huwag niyang hiwalayan ang kanyang asawa.

14 Sapagkat ang lalaking hindi mananampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kanyang asawa, at ang babaing hindi mananampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kanyang asawa. Kung hindi, ang inyong mga anak ay magiging marumi, ngunit ngayon sila'y mga banal.

15 Subalit kung humiwalay ang hindi mananampalataya, ay hayaan siyang humiwalay; ang kapatid na lalaki o kapatid na babae ay hindi nagagapos sa mga ganitong kalagayan, sapagkat tayo ay tinawag ng Diyos sa kapayapaan.

16 Asawang babae, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa? Asawang lalaki, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa?

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001