Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, nang si Natan na propeta ay dumating sa kanya, pagkatapos na siya'y makapasok kay Batseba.
51 Maawa(A) ka sa akin, O Diyos,
ayon sa iyong tapat na pag-ibig;
ayon sa iyong saganang kaawaan
ay pawiin mo ang aking mga paglabag.
2 Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan,
at linisin mo ako sa aking kasalanan.
3 Sapagkat aking nalalaman ang mga pagsuway ko,
at ang aking kasalanan ay laging nasa harapan ko.
4 Laban(B) sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala,
at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin,
upang ikaw ay maging ganap sa iyong pagsasalita
at walang dungis sa iyong paghatol.
5 Narito, ako'y ipinanganak sa kasamaan;
at ipinaglihi ako ng aking ina sa kasalanan.
6 Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa panloob na pagkatao,
at sa tagong bahagi ay iyong ipapakilala sa akin ang karunungan.
7 Linisin mo ako ng isopo, at ako'y magiging malinis;
hugasan mo ako at ako'y magiging higit na maputi kaysa niyebe.
8 Gawin mong marinig ko ang kagalakan at kasayahan;
hayaan mong ang mga buto na iyong binali ay magalak.
9 Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan,
at pawiin mo ang lahat kong mga kasamaan.
10 Lumalang ka sa akin ng isang malinis na puso, O Diyos;
at muli mong baguhin ang matuwid na espiritu sa loob ko.
11 Sa iyong harapan ay huwag mo akong paalisin,
at ang iyong banal na Espiritu sa akin ay huwag mong bawiin.
12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas,
at alalayan ako na may espiritung nagnanais.
13 Kung magkagayo'y ituturo ko sa mga sumusuway ang mga lakad mo;
at ang mga makasalanan ay manunumbalik sa iyo.
14 Iligtas mo ako, O Diyos, mula sa salang pagdanak ng dugo,
ikaw na Diyos ng aking kaligtasan;
at ang aking dila ay aawit nang malakas tungkol sa iyong katuwiran.
15 O Panginoon, buksan mo ang mga labi ko,
at ang aking bibig ay magpapahayag ng papuri sa iyo.
16 Sapagkat sa alay ay hindi ka nalulugod; kung hindi ay bibigyan kita,
hindi ka nalulugod sa handog na sinusunog.
17 Ang mga hain sa Diyos ay bagbag na diwa,
isang bagbag at nagsisising puso, O Diyos, ay hindi mo hahamakin.
18 Gawan mo ng mabuti ang Zion sa iyong mabuting kaluguran,
itayo mo ang mga pader ng Jerusalem,
19 kung gayo'y malulugod ka sa matutuwid na alay,
sa mga handog na sinusunog at sa buong handog na sinusunog;
kung gayo'y ihahandog ang mga toro sa iyong dambana.
58 “Kung hindi mo gagawin ang lahat ng mga salita ng kautusang ito na nasusulat sa aklat na ito, upang ikaw ay matakot dito sa maluwalhati at kakilakilabot na pangalang, ang ‘ Panginoon mong Diyos,’
59 kung magkagayo'y ipapadala ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga anak ang di-pangkaraniwang kahirapan, matindi at walang katapusan, at malubhang karamdaman na tumatagal.
60 Muli niyang ipapadala sa iyo ang lahat ng mga sakit sa Ehipto, na iyong kinatakutan at kakapit sa iyo.
61 Bawat sakit, at bawat salot na hindi nakasulat sa aklat ng kautusang ito'y ipararating nga sa iyo ng Panginoon, hanggang sa ikaw ay mapuksa.
62 Kayo'y maiiwang iilan sa bilang samantalang noon kayo'y naging gaya ng mga bituin sa langit sa karamihan; sapagkat hindi ninyo pinakinggan ang tinig ng Panginoon mong Diyos.
63 Kung paanong ang Panginoon ay natutuwa na gawan kayo ng mabuti at paramihin kayo, ay gayon magagalak ang Panginoon sa inyo na kayo'y lipulin at puksain. Kayo'y palalayasin sa lupain na inyong pinapasok upang angkinin.
64 Pangangalatin kayo ng Panginoon sa lahat ng mga bayan, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa; at doo'y maglilingkod kayo sa ibang mga diyos na yari sa kahoy at bato na hindi ninyo kilala, ni ng inyong mga ninuno.
65 Sa gitna ng mga bansang ito ay hindi ka makakasumpong ng ginhawa, at mawawalan ng kapahingahan ang talampakan ng iyong paa, kundi bibigyan ka doon ng Panginoon ng isang nanginginig na puso, lumalabong paningin, at nanghihinang kaluluwa.
66 Ang iyong buhay ay mabibitin sa pag-aalinlangan sa harapan mo; at ikaw ay matatakot gabi't araw, at mawawalan ng katiyakan ang iyong buhay.
67 Sa kinaumagahan ay iyong sasabihin, ‘Sana'y gumabi na!’ at sa kinagabihan ay iyong sasabihin, ‘Sana'y mag-umaga na!’—dahil sa takot ng iyong puso na iyong ikatatakot, at dahil sa tanawing makikita ng iyong paningin.
68 Pababalikin ka ng Panginoon sa Ehipto sa pamamagitan ng mga barko, na sa daan ay aking sinabi sa iyo, ‘Hindi mo na muling gagawin;’ at doo'y ipagbibili ninyo ang inyong mga sarili sa mga kaaway bilang aliping lalaki at babae, at hindi kayo bibilhin ng sinuman.”
Ang Tipan ng Panginoon sa Israel sa Lupain ng Moab
29 Ito ang mga salita ng tipan na iniutos ng Panginoon kay Moises na gawin sa mga anak ni Israel sa lupain ng Moab, bukod sa tipang kanyang ginawa sa kanila sa Horeb.
17 “Ngunit(A) nang nalalapit na ang panahong ipinangako ng Diyos kay Abraham, ang ating sambayanan ay lumago at dumami sa Ehipto,
18 hanggang sa lumitaw ang isang hari sa Ehipto na hindi nakakakilala kay Jose.
19 Pinagsamantalahan(B) nito ang ating bansa at pinilit ang ating mga ninuno na itapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay[a] ang mga iyon.
20 Nang(C) panahong ito, si Moises ay ipinanganak at siya'y kasiya-siya sa Diyos. Siya'y inalagaan ng tatlong buwan sa bahay ng kanyang ama.
21 Nang(D) siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at siya'y inalagaang gaya ng sariling anak niya.
22 Tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Ehipcio, at siya ay makapangyarihan sa kanyang mga salita at mga gawa.
23 “Nang(E) siya'y apatnapung taong gulang na, naisipan niyang[b] dalawin ang kanyang mga kapatid, na mga anak ni Israel.
24 Nang makita niya na ang isa sa kanila ay pinahihirapan, kanyang ipinagtanggol at ipinaghiganti ang inaapi sa pamamagitan ng pagpatay sa Ehipcio.
25 Noon ay inisip niya na naunawaan ng kanyang mga kababayan[c] na ibinigay ng Diyos sa kanila ang kaligtasan sa pamamagitan niya,[d] ngunit hindi nila naunawaan.
26 Nang sumunod na araw, lumapit siya sa kanila samantalang sila'y nag-aaway, at ibig sana niyang sila'y pagkasunduin, na sinasabi, ‘Mga ginoo, kayo'y magkapatid; bakit kayo nag-aaway?’
27 Ngunit itinulak siya ng nanakit sa kanyang kapwa, na sinasabi, ‘Sino ang naglagay sa iyo na pinuno at hukom sa amin?
28 Ibig mo ba akong patayin, gaya ng pagpatay mo kahapon sa Ehipcio?’
29 Nang(F) marinig niya ito, tumakas si Moises at naging dayuhan sa lupain ng Midian, kung saan siya'y naging ama ng dalawang lalaki.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001